Ang Muntinlupa–Cavite Expressway, na mas-kilala bilang MCX at dating tinawag na Daang Hari–SLEX Link Expressway, ay isang mabilisang daanang 4.0 kilometro (2.5 milya) ang haba at nag-uugnay ng katimugang lalawigan ng Kabite sa Muntinlupa sa Pilipinas. Pag-aari ito ng Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Lansangan, at pinamamahala ito ng AC Infrastructure Holdings Corporation, isang sangay ng Ayala Corporation.
Ibinuksan sa trapiko ang mabilisang daanan noong Hulyo 24, 2015.[1]
Paglalarawan ng ruta
Nagsisilbing tagaugnay sa pagitan ng Daang Hari at South Luzon Expressway (SLEx) ang Muntinlupa–Cavite Expressway. Dumadaan ang mabilisang daanan malapit sa paligid ng mga bilangguan ng New Bilibid at Southville 2A, isa sa mga pook-relokasyon ng mga taong naninirahan sa lupa ng iba na dating nakatira sa tabi ng mga linyang daangbakal ng Pambansang Daambakal ng Pilipinas (o PNR).
Nagsisimula ang mabilisang daanan sa isang palitang hugis-T (T-interchange) sa may South Luzon Expressway malapit sa Susana Heights. Tatahakin nito ang bahagyang pa-kurbang ruta kalinya ng Sapa ng Magdaong na nagsisilbing hangganan sa pagitan ng mga baranggay ng Poblacion at Tunasan. Maya-maya, dadaan ito malapit sa mga bilangguan ng New Bilibid, kung saan iniba ang pagkakaruta ng mga ilang access road noong itinatayo ang mabilisang daanan. Magtatapos ang mabilisang daanan sa isang rotonda sa may Daang Hari at Daang Reyna.
Bayarin
Itinataya ang mga bayarin sa bawat direksyon sa tarangkahang pambayad, batay sa uri ng sasakyan. Isang kasunduan ng pagpapatakbo nang sabayan na nilagda ng mga nagpapatakbo ng mga mabilisang daanan ng Muntinlupa–Cavite (MCX) at South Luzon (SLEx) ay nilagdaan tatlong araw bago ang pormal na pagbubukas ng unang nabanggit na mabilisang daanan.[2] Bunga nito, ang mga motorista na gumagamit ng Muntinlupa–Cavite Expressway ay dapat magbayad ng bayarin (depende sa uri ng sasakyan), sa karagdagan ng bayarin mula South Luzon Expressway at/o Metro Manila Skyway hanggang Labasan ng Susana Heights.[3] Alinsunod sa batas lahat ng mga bayarin ay may kasamang 12% Value-Added Tax.
Uri ng sasakyan
Bayarin
Class 1 (Mga sasakyan, motorsiklo, SUV, at dyipni)
₱17.00
Class 2 (Mga bus at magaan na trak)
₱34.00
Class 3 (Mga mabigat na trak)
₱51.00
Mga labasan
Nasa Muntinlupa ang buong ruta ng mabilisang daanan. Walang nakalagay na mga panandang pang-kilometro sa alinmang bahagi ng mabilisang daanan.