Bumubuo ang abenida sa hilagang hangganan ng dating ipinapanukalang Diliman Quadrangle na may lawak na 400 ektarya (990-acre) at nakapaloob sa dating Diliman Estate (o Hacienda de Tuason) na binili ng pamahalaang komonwelt ng Pilipinas noong 1939 para maging bagong kabisera ng Pilipinas (bilang Lungsod Quezon) na papalit sa Maynila.[1] Dati itong ipinaplano na maging Central Park ng bagong lungsod na kung saan makikita ang mga bagong gusaling pampamahalaan (bagong palasyo ng pangulo, bagong gusali ng kapitolyo, at bagong gusali ng Kataas-taasang Hukuman) sa loob ng 25 ektaryang (62 acre) sityong patambilog na tinatawag ngayong Quezon Memorial Circle. Ang quadrangle ay hinahangganan ng Abenida North sa hilaga, Abenida East sa silangan, Abenida South (Timog) sa timog, at Abenida West sa kanluran. Ang sityo ay idinisenyo ng mga Amerikanong tagaplano ng lungsod na sina William E. Parsons at Harry Frost, sa pagtutulungan nina Inhinyero AD Williams at mga arkitekto na sina Juan Arellano at Louis Croft. Ang nabanggit na sityo ay magkakaroon din ng 15 ektaryang (37 acre) pambansang eksposisyon sa may sangandaan ng Abenida North at Avenida 19 de Junio (EDSA ngayon, sa kinalalagyan nito nakatayo ngayon ang pamilihang SM City North EDSA).[1] Sa mga nakalipas na dekada nanatiling nakatiwangwang ang Diliman Quadrangle dahil sa kakulangan ng pondo. Magkalipas ng ilang pagbabago, inilipat ang pusod ng Lungsod Quezon sa Novaliches dahil sa mas-mataas na kataasan nito.[2] Pagsapit ng taong 1976, ibinalik ang kabisera sa Maynila, at ang Quezon Memorial Circle ang tanging estruktura na naitayo sa dapat sana'y sityong pang-kabisera.