Ang Tulay ng Mabini (Mabini Bridge), na kilala dati bilang Tulay ng Nagtahan (Nagtahan Bridge), ay itinayo noong Enero-Pebrero 1945. Una itong nagsilbing pontoon bridge na tumatawid sa Ilog Pasig, dinudugtong ang mga distrito ng Santa Mesa at Paco. Ginamit ito upang ihatid ang mga dyip ng Hukbo ng Estados Unidos at ilikas ang mga mamamayang naipit sa putukan noong Liberation of Manila.[1]
Kasaysayan
May mga panukala para sa isang bagong tulay na mag-uugnay ng ruta ng Mendiola sa Palasyo ng Malacañang, kahit na bago pa ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ngunit hindi naisakatuparan ang pagtatayo.[1] Nanatiling nakatayo ang tulay na pontoon nang ilang dekada kasunod ng pagtatapos ng digmaan, sa kabila ng mga ginamit na mga materyales sa pagtatayo nito. Gawa ito noon sa nakapintog na mga balsang goma na inilagay sa tabi-tabi - umaabot hanggang sa katapat na pampang ng Ilog Pasig. Inilagay naman sa ibabaw nito ang dalawang magkalinyang mga binutasang aserong andamyo, bawat isa'y may lapad na mga 1 metro (3.3 tal) at agwat na mga 1.5 metro (4.9 tal). Itinayo ito ng US Army Corps of Engineers - sapat para dalhin ang pantaong trapiko gayundin ang mga magaang sasakyan.[2] Noong Agosto 17, 1960, binanga ng isang lantsa ang mga kahoy na bunton ng tulay. Nagdulot ito ng pangunahing pagkasira sa tulay - na naging sanhi naman ng pagbaha sa mga kalapit na kabahayan.[1]
Itinayo noong 1963 ang isang permanenteng tulay - nagnangalang Nagtahan. Idinugtong nito ang Paco kasama ang distrito ng Pandacan. Subalit matatagpuan sa hilagang pampang ang Dambana ng Mabini (ang dating tahanan ni Apolinario Mabini). Kalaunan, inilipat ng pamahalaan ang bahay sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas sa Santa Mesa. Sa ika-103 anibersaryo ng kapanganakan ni Mabini noong Hulyo 22, 1967, inilabas ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Kautusan Blg. 234, serye 1967, na nagpapalit ng pangalan ng Tulay ng Nagtahan sa Tulay ng Mabini bilang alaala kay Apolinario Mabini, ang Dakilang Lumpo.[1]
Palatandaan mula sa Pambansang Suriang Pangkasaysayan
Inilagay ang palatandaan ng Tulay ng Mabini noong Hulyo 22, 1967, sa ika-103 kaarawan ni Apolinario Mabini. Matatagpuan ito sa kahabaan ng Bulebar Nagtahan - na ini-uugnay ang Santa Mesa at Paco.[3]
Inskripsiyon sa Filipino
Inskripsiyon sa Ingles
ANG TULAY NA ITO, DATING NAGTAHAN, AY PINANGALANANG TULAY MABINI NG PANGULONG FERDINAND E. MARCOS NOONG HULYO 22, 1967 NANG IPAGDIWANG AND IKA-103 KAARAWAN NI APOLINARIO MABINI.[3]
THIS BRIDGE, FORMERLY CALLED NAGTAHAN, WAS RENAMED MABINI BRIDGE ON THE OCCASION OF THE 103RD ANNIVERSARY OF APOLINARIO MABINI ON 22 JULY 1967 BY PRESIDENT FERDINAND E. MARCOS.[3]
↑Litton, James (2009). Reminiscences of the Battle of Manila: February 3 - March 3, 1945. Battling Bastards of Bataan.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
↑ 3.03.13.2Historical Markers: Metropolitan Manila. National Historical Institute. 1993. {{cite book}}: |access-date= requires |url= (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)