Ang Daang Batasan (Ingles: Batasan Road), na kilala rin bilang Constitution Hill Road at Litex Road at dati bilang IBP Road, ay isang lansangang may anim hanggang sampung linya na matatagpuan sa mga baranggay ng Batasan Hills, Payatas, at Commonwealth sa Lungsod Quezon, Pilipinas. Nagsisilbi itong ruta patungong Batasang Pambansa kung saan matatagpuan ang Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas. Ang haba nito ay 2.7 kilometro (1.7 milya).
Paglalarawan ng ruta
Nagsisimula ito sa sangandaan nito sa Abenida Commonwealth malapit sa Sandiganbayan at terminal ng Batasan Tricycle Operators and Drivers Association (BATODA) bilang isang lansangang anim ang mga Iinya. Isang tunel na nangangalang Batasan Tunnel ay nakompleto noong 2001 at ginagamit ng mga motorista papuntang Abenida Commonwealth. Tutuloy naman ang daan papunta sa sangandaan nito sa Filinvest 1 Road na patungong Subdibisyon ng Filinvest 1. Tutuloy naman ang daan bilang lansangang sampu ang mga linya papunta sa Pambansang Paaralang Sekundarya ng Batasan Hills at Katimugang Tarangkahan ng hugnayan ng Batasang Pambansa. Ang tarangkahang ito ay dating ginamit bilang pasukan para sa mga bisita, subalit simula noong nangyari ang pambobomba sa Batasang Pambansa noong 2007, tanging mga Miyembro ng Kapulungan lamang ang makakagamit ng pasukan. Sa sangandaan nito sa Daang Batasan–San Mateo, babalik ang daan sa pagiging anim ang mga linya at dadaan patungo sa Komisyon sa Serbisyo Sibil (o CSC), Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad (o DSWD), at ang Hilagang Tarangkahan ng Batasang Pambansa na ginagamit ngayon bilang pasukan para sa mga media, bisita, at empleyado ng Kapulungan. Dadaan naman ang daan sa mga kabahayan sa paligid ng Payatas at paglampas ng Daang Payatas (o Manila Gravel Pit Road) na ginagamit ng mga tao patungong paligid ng Payatas at Rodriguez, Rizal. Tatapos ang daan sa ligid ng Litex kung saan tutumbukin nito muli ang Abenida Commonwealth.