Ang Abenida Dr. Arcadio Santos (Ingles: Dr. Arcadio Santos Avenue), na dating tinawag na (at mas-kilala ng mga lokal na residente bilang) Daang Sucat (Ingles: Sucat Road), ay isang pangunahing lansangang silangan-pakanluran sa Parañaque, katimugang Kalakhang Maynila, Pilipinas. Ang kanlurang dulo nito ay sa Kalye Victor Medina sa Barangay San Dionisio, bilang karugtong ng Abenida Ninoy Aquino, at ang silangang dulo nito ay sa South Luzon Expressway, sa may hangganan ng lungsod sa Sucat, Muntinlupa, kung saan magiging Daang Meralco ito paglampas patungong Estasyon ng Sucat ng PNR. Ang haba nito ay 4.8 kilometro (3.0 milya).
Kasaysayan
Dating tinawag na Sucat Road ang daan, mula sa pangalan ng baryo sa Muntinlupa at sa estasyong daangbakal nito kung saan tinutunguhan ito. Ang kasalukuyang pangalan nito ay mula kay Dr. Arcadio Santos, isang taga-Parañaque na punong lalawigan ng Rizal mula 1920 hanggang 1922, kung kailan bahagi pa ng lalawigan ang noo'y bayan ng Parañaque.[1]
Noong Setyembre 2013, isang panukalang-batas ang isinulat sa Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas na naglalayong bigyan ng bagong pangalan na President Cory Aquino Avenue (Abenida Pangulong Cory Aquino) ang abenida. Ang panukalang-batas na ito, na isinulat ni Rep. Eric Olivarez, ay nakabinbin pa rin sa Komite ng Pagawaing Bayan at Lansangan ng Senado mula Oktubre 2013.[2]