Ang Daang Maysan (Ingles: Maysan Road), o tinatawag ding Daang Malinta–Maysan–Paso de Blas–Bagbaguin (Ingles: Malinta–Maysan–Paso de Blas–Bagbaguin Road), ay isa sa mga pangunahing lansangan ng Valenzuela, Pilipinas. Inuugnay nito ang mga barangay ng Malinta, Maysan, Paso de Blas, at Bagbaguin. Isa itong makipot na kalye na may dalawang linya (isa kada direksiyon), at dahil diyan isa ito sa mga pinakamasikip at pinakamatrapikong daan sa hilagang Kamaynilaan. Dumadaan ito mula Lansangang MacArthur sa Malinta hanggang ITC Compound Road sa Hilagang Kalookan. Babagtasin nito ang North Luzon Expressway sa pamamagitan ng Labasan ng Paso de Blas (Paso de Blas Exit). Ang kabuuang haba nito ay 4.5 kilometro (2.8 milya).
Dati itong pangunahing daan papasok ng Valenzuela at Manila North Harbor mula sa North Luzon Expressway bago itinayo ang NLEX-Karuhatan Link (na tinatawag ding NLEX Segment 9) na kalinya nito sa timog.[1]
Pangalan
Ipinangalanan ang kalye sa barangay na dinadaanan nito malapit sa Lansangang MacArthur. Ang "Maysan" naman ay galing sa salitang "maisan" ("corn field" sa Ingles).[2] Kilala din ito sa iba't-ibang mga pangalan depende sa lugar na pinagdadaanan nito (hal., Daang Paso de Blas o Paso de Blas Road sa Paso de Blas at Daang Bagbaguin o Bagbaguin Road sa Bagbaguin). Kung minsan, kilala rin ito bilang Daang Malinta (Malinta Road), bilang daang nagsisimula sa Malinta at dumadaan papuntang Palitan ng Paso de Blas ng North Luzon Expressway, na dating tinawag na (at kilala pa rin ng mga taga-Valenzuela hanggang ngayon bilang) Palitan ng Malinta Interchange.
Mga sanggunian
14°41′39″N 120°58′09″E / 14.6941667°N 120.969166°E / 14.6941667; 120.969166