Ang Bulebar Magsaysay (Ingles: Magsaysay Boulevard; na tinatawag din sa pormal na ngalan nito na Bulebar Pangulong Ramon Magsaysay) ay ang pangunahing lansangang arteryal ng Santa Mesa sa Maynila, ang kabesera ng Pilipinas. Isa itong daang may pangitnang harangan at anim na linya (tatlo sa bawat direksyon) na dumadaan mula silangan pa-kanluran, mula Abenida Gregorio Araneta (malapit sa hangganan ng Maynila at Lungsod Quezon) hanggang Abenida Lacson sa may Nagtahan Flyover. Ang Linya 2 ay nagsisilbing panggitnang harangnan ng bulebar, at mayroon itong dalawang estasyong nakaangat sa bulebar: Pureza at V. Mapa. May haba itong 2.2 kilometro (1.4 milya).
Sa silangan tutuloy ito bilang Bulebar Aurora, habang sa kanluran tutuloy ito bilang Kalye Legarda sa pamamagitan ng isang flyover patungong Quiapo. Bahagi ito ng Daang Radyal Blg. 6 ng sistema ng daang arteryal sa Kamaynilaan at N180 ng sistema ng lansangang bayan sa Pilipinas.
Ang Bulebar Magsaysay ay isang daang hinahatian sa gitna sa kabuuan nito na nagsisimula bilang isang karugtong ng Kalye Legarda paglampas ng Abenida Lacson. Sumusunod ang nakaangat na Linya 2 sa buong kahabaan ng bulebar, kasama ang mga dalawang estasyon ng linya. May maraming mga sangandaang ilaw-trapiko at mga kalapit na kalye (side streets) ang bulebar sa bawat bahagi ng kahabaan nito. Kabilang sa mga kalapit na kalye nito ay Kalye Pureza at Kalye Valenzuela. Tutuloy ang bulebar sa silangan at babagtasin nito ang Kalye Victorino Mapa hanggang sa tatapos ito sa Abenida Gregorio Araneta. Paglampas, tutuloy ito bilang Bulebar Aurora. Matatagpuan sa paligid ng bulebar ang mga samu't-saring pangunahing establisimiyento, tulad ng Polytechnic University of the Philippines, Sogo Grand Hotel, at SM City Santa Mesa (dating SM Centerpoint).