Ang Bulebar Roxas[A], o higit na kilala bilang Roxas Boulevard (dating tinagurian bilang Bulebar Dewey o Dewey Boulevard), ay isang kilalang pasyalan (promenade) sa Maynila, ang kabisera ng Pilipinas. Dumadaan ito sa mga dalampasigan ng Look ng Maynila. Kilala ito sa mga paglubog ng araw (sunsets) nito at hanay ng mga punong niyog. Naging tatak ng turismong Pilipino ang bulebar na kilala rin sa mga lugar tulad ng Manila Yacht Club, mga otel, restoran, gusaling pangkomersyo, at liwasan.
Ang bulebar ay isa ring mahalagang daang arteryal sa Kalakhang Maynila na may walong landas. Dumadaan ang paarkong daan sa direksyong hilaga-patimog mula Luneta sa Maynila hanggang Parañaque sa sangandaan nito sa Daang NAIA at NAIA Expressway.[5] Paglampas ng katimugang dulo nito, tutuloy ang Bulebar Roxas patungong Las Piñas at Kabite bilang Manila–Cavite Expressway, na kilala rin bilang Coastal Road o CAVITEX. Tinaguriang isa sa mga pinakamahalagang lansangan sa Kalakhang Maynila ang Bulebar Roxas.
Dati itong tinawag na Cavite Boulevard,[6] at lumaon ay pinangalanang Dewey Boulevard bilang pagkilala sa Amerikanong Admiral na si George Dewey, na sa ilalim ng kanyang utos ay natalo ang Hubkong Dagat ng mga Kastila sa Labanan sa Look ng Maynila noong 1898. Ang bulebar ay muling pinangalang Heiwa Boulevard noong huling bahagi ng 1941 sa ilalim ng panahon ng pananakop ng mga Hapon, at Roxas Boulevard noong dekada-60 bilang pagkilala kay Pangulong Manuel Roxas, ang ikalimang pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Kasaysayan
City Beautiful movement (Kilusang Pagpapaganda ng Lungsod)
Ang Cavite Boulevard ay bahagi ng plano ni Arkitekto Daniel Burnham na pagandahin ang lungsod ng Maynila.[7] Sa kahilingan ni CommissionerWilliam Cameron Forbes, dinalaw ni Burnham ang bansa noong 1905 sa kasagsagan ng City Beautiful movement, isang pagkahilig noong unang bahagi ng 1900 sa Amerika na pagandahin ang mga lungsod, upang pagandahin ang at isaayos ang pagpaplanong urban ng Maynila at Baguio.[8]
Kamakailang kasaysayan
Noong madaling-araw ng Hunyo 23, 2019, bumigay ang isang bahagi ng daang serbisyo (service road) ng Bulebar Roxas dahil sa pagdaan ng isang 14-wheeler na trak na may dalamg tone-toneladang buhangin na gagamitin sa proyektong pagsasaayos ng Look ng Maynila. Ayon sa drayber, buhat sila ng Pampanga at dumaraan sila sa bulebar upang ihatid ang buhangin, ngunit tinuruan sila ng mga nagpapatupad ng trapiko na dumaan sa daang serbisyo sapagkat nakasara ang lansangan upang mabigyang-daan sa Manila Marathon 2019. Lumikha ang pagbigay ng limang-talampakang butas sa daan kaya pansamantalang isinara sa trapiko ang panulukan ng bulebar sa Kalye Remedios. Hindi lubhang nasugatan ang drayber at kaniyang dalawang mga pahinante. Napag-alamang bumigay ang kahong alkantarilya (box culvert) na mula pa noong dekada-1970 dahil sa bigat ng trak, kung kaya bumigay ang bahaging iyon ng daang serbisyo, taliwas sa naunang paglalarawan na isa itong sinkhole. Inatasan ni Kalihim Mark Villar ng DPWH ang Tanggapang Inhinyero ng Distrito ng Timog Maynila upang magsagawa ng isang imbestigasyon ukol sa naganap na sakuna. Aabot sa isa o dalawang linggo ang haba ng panahon ng pagpapaayos sa bumigay na bahagi ng lansangan, ayon sa DPWH.[9][10]
Paglalarawan ng ruta
Nagsisimula ang Bulebar Roxas sa Liwasang Rizal bilang pisikal na karugtong ng Daang Bonifacio. Dumadaan ito sa maraming mga matataas na gusali, restoran, bangko, bantayog, at iba pang mga establisimiyento. Makikita rin ang tanggapan ng Embahada ng Estados Unidos sa lugar na ito. Matatagpuan sa distrito ng Malate ang punong-tanggapan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Philippine Navy. Pagkaraan ng gusali ng BSP, papasok sa Pasay ang bulebar at dadaan sa Hugnayan ng CCP at Star City. Babagtasin naman nito ang Abenida Gil Puyat, kung saang aakyat ito sa Gil Puyat flyover. Magiging kalinya nito ang Bulebar Diosdado Macapagal. Aakyat muli ito upang matumbok ang EDSA gamit ang flyover ng kaparehong pangalan. Ilang metro pagkaraan ng EDSA, papasok ito sa Parañaque at tutuloy sa deretsong ruta hanggang sa isang bagtasan sa NAIA Expressway, kung saang tutuloy ang bulebar bilang Manila–Cavite Expressway (CAVITEx) na tinatawag ding Coastal Road.
Mga bilang ng ruta
Sa ilalim ng sistema ng daang arteryal ng Kalakhang Maynila, ang Bulebar Roxas ay isang bahagi ng Radial Road 1 (R-1) na nag-uugnay ng pusod ng Maynila sa mga lungsod ng Pasay at Parañaque.
Alinsunod sa makabagong pamilang batay sa sistema ng lansangang bayan sa Pilipinas, ang bahaging EDSA-Daang NAIA/CAVITEx ay itinakda bilang isang pambansang daang primera na may bilang ng ruta na Pambansang Ruta Blg. 61 (N61). Samantala, ang nalalabing bahagi ng bulebar - ang karamihang bahagi nito mula Abenida Padre Burgos hanggang EDSA, ay isang bahagi ng pambansang daang sekundarya na Pambansang Ruta Blg. 120 (N120).[11]
Mga sangandaan
Nakabilang ang mga sangandaan ayon sa mga palatandaang kilometro, itinakda ang Liwasang Rizal bilang kilometro sero. Hindi tuluy-tuloy ang pagbibilang ng kilometro.