Ang Kalye Tayuman(Tayuman Street) ay isang kalye sa hilagang Maynila, Pilipinas, na may apat na linya (dalawa kada direksiyon) at haba na 1.6 kilometro (1 milya). Ang direksiyon nito ay silangan pa-kanluran, at gayon din naman ay kanluran pa-silangan. Ang dulo nito sa silangan ay sa sangandaan ng Kalye Consuelo/Abenida Lacson malapit sa SM City San Lazaro (dating Hipodromo San Lazaro) sa Santa Cruz. Ang dulo nito sa kanluran ay sa Kalye Juan Luna malapit sa pamilihan ng Puregold sa Baryo Pritil, Tondo. Sa kalagitnaan, babagtasin nito ang Abenida Rizal sa ilalim ng nakaangat na estasyong Tayuman ng Unang Linya ng LRT. Paglampas, dadaan ito sa punong tanggapan ng Kagawaran ng Kalusugan (o DOH). Paglampas ng Kalye Juan Luna, tutuloy ito patungong Manila North Harbor bilang Kalye Capulong. Malaking bahagi nito ay nililinyahan ng mga katabing kalye (side streets) at mga lokal na negosyo.
Nagmumula ang pangalan nito sa salitang "tayum", isang uri ng halaman, o punong nila.[1] Ang dating pangalan nito ay Calle Morga (o Paseo de Morga), mula kay Antonio de Morga, isang Kastilang mananalaysay at may-akda ng Sucesos de las Indias Filipinas (1609).