Isa ito sa mga pinakamaginhawang lansangan sa Lungsod Quezon, na nililinyahan ng mga punong palma sa panggitnang harangan (center island) nito. Nakalinya rito ang maraming mga gusaling pampamahalaan at pang-komersiyo. Sa hilagang dulo nito matatagpuan ang Triangle Park, isa sa mga pangunahing sentro pang-industriya ng Lungsod Quezon. Sa katimugang dulo nito, inuugnay nito ang Lungsod Quezon sa Maynila, ang kabisera ng Pilipinas, at nakaugnay ito sa Abenida Eulogio Rodriguez Jr.. Isa itong palagiang ruta ng mga sasakyan mula Lungsod Quezon patungong Maynila, sapagkat nagbibigay-daan ito sa distrito ng Quiapo sa Maynila at sa University Belt.
Kasaysayan
Tulad ng Abenida Commonwealth, itinayo ang Abenida Quezon bilang bahagi ng mga proyektong pang-impraestruktura noong administrasyon ni dating Pangulo Ferdinand Marcos. Pinangalanan itong Don Mariano Marcos Avenue bilang pagkilala kay Mariano Marcos, ang ama ng pangulo. Binigyan ito ng kasalukuyang pangalan na Quezon Avenue pagkaraan ng administrasyon ni Marcos. Dati itong nagsisimula sa EDSA, ngunit ang bahagi mula Daang Elipso hanggang EDSA (na dating tinawag na Commonwealth Avenue extension) ay naging bahagi ng daan kalaunan.
Mga U-turn
Noong 2003, pagkaraan ng kapansin-pansing bisa sa EDSA, Abenida Commonwealth, at Lansangang Marikina–Infanta, isinagawa ng Pangasiwaan sa Pagpapaunlad ng Kalakhang Maynila (MMDA) ang "clearway scheme"; pinagbawalan nito ang mga bagtasan (crossings) at kaliwang pagliko (left turns) sa abenida. Sa halip ng mga kaliwang pagliko, nagtayo ng mga u-turn slot ang MMDA, 100 hanggang 200 metro mula sa mga sangandaan upang maipahintulot ang mga sasakyan na umabot sa kanilang mga paroroonan.[1]
Quezon Avenue/Araneta Avenue underpass
Noong June 2011, sinimulan ang pagtatayo ng 440 metro (1,440 talampakang) daang pang-ilalim (underpass) sa sangandaan ng abenida sa Abenida Gregorio Araneta. Mayroon itong apat na mga linya. Naitakda na aabot sa 15 buwan ang pagtatayo ng nasabing daang pang-ilalim.[2] Noong Setyembre 2012, binuksan ni Pangulo Benigno Aquino III ang daang pang-ilalim sa publiko. Ang halaga ng proyekto ay 452 milyong piso, o mas-mababa sa inilaang badyet na 534 milyong piso.[3]
Mga linya para sa mga motorsiklo (motorcycle lanes)
Noong 2012, naglagay ang MMDA ng mga linya para sa mga motorsiklo sa abenida. Nakapinta na bughaw ang mga linya na para lamang sa mga motorsiklo. Ito'y pagkalipas ng matagumpay na paglalagay ng mga "linyang bughaw" sa EDSA, Abenida Commonwealth, at Bulebar Macapagal, ngunit ang linyang bughaw sa EDSA ay hindi lamang ginagamit ng mga motorsiklo.[4]
Ipinapanukalang mabilisang daanan
May ipinapanukalang mabilisang daanan na itatayo sa ibabaw ng (o sa ilalim ng) Abenida Quezon at Abenida Commonwealth. Ito ay ang R-7 Expressway, isang 16.1 kilometrong mabilisang daanan na may apat na mga linya. Inaasahang sisimulan ang pagtatayo nito sa pagitan ng 2016 at 2018.[5]
Talaan ng mga bagtasan
Dahil isang pangunahing lansangan sa mga sasakyang papuntang Maynila ang Abenida Quezon katulad ng Abenida Commonwealth, naitayo ang mga palitan sa kahabaan nito. Ito ay isang talaan ng mga sangandaan ng Abenida Quezon, mula Rotondang Mabuhay papuntang Quezon Memorial Circle.