Southern Tagalog Arterial Road


Southern Tagalog Arterial Road
CALABARZON Expressway
STAR Tollway
STAR Tollway sa Tanauan.
Impormasyon sa ruta
Pinangangasiwaan ng STAR Infrastructure Development Corporation
Haba42.0 km (26.1 mi)
Bahagi ng
Pangunahing daanan
Dulo sa hilaga E2 (South Luzon Expressway) sa Santo Tomas
 
Dulo sa timog N434 (Diversion Road) sa Lungsod ng Batangas
Lokasyon
Mga pangunahing lungsodSanto Tomas
Tanauan
Lipa
Lungsod ng Batangas
Mga bayanMalvar
Ibaan
Sistema ng mga daan
Mga daanan sa Pilipinas

Ang Southern Tagalog Arterial Road, na kilala din bilang STAR Tollway o CALABARZON Expressway at maaaring isalin bilang Daang Arteryal ng Timog Katagalugan, ay isang mabilisang daanan sa lalawigan ng Batangas sa Pilipinas, na may dalawa hanggang apat na linya at haba na 42 kilometro (o 26 milya). Pinamamahalaan ito ng STAR Infrastructure Development Corporation (STAR - IDC).

Nagsisimula ang mabilisang daanan sa sangandaan nito sa Pan-Philippine Highway (na kilala din bilang Daang Maharlika) at South Luzon Expressway sa Santo Tomas. Dadaan ito patimog hanggang sa maabot nito ang dulo nito sa timog sa Diversion Road sa Lungsod ng Batangas. Dadaanin nito ang mga lungsod at bayan ng Tanauan, Malvar, Lipa, at Ibaan.

Itinakda ang STAR Tollway bilang bahagi ng R-3 ng sistemang daang arteryal ng Kamaynilaan at E2 ng sistema ng mabilisang daanan sa Pilipinas.

Binuksan ang mabilisang daanan noong 2001, at naitayo ang unang bahagi nito sa pagitan ng Santo Tomas at Lipa. Mula 2008, pinahaba ito patungong Lungsod ng Batangas, at mula 2010, idinugtong ang South Luzon Expressway sa STAR Tollway na nagpaikli ng oras ng paglalakbay sa pagitan ng Maynila at Batangas. Ang bahaging Lipa-Lungsod ng Batangas ay isang pandalawahang mabilisang daanan (two-lane expressway) hanggang sa pagbubukas ng isang karagdagang pangalawang daanan o roadway sa pagitan ng Lipa at hangganang Ibaan-Lungsod ng Batangas noong 2014. Ang pagkasira sa isang tulay sa hangganag Ibaan-Lungsod ng Batangas dulot ng Bagyong Nina (Nock-ten) ay kinailangan ng pagsasara ng bahaging Ibaan-Lungsod ng Batangas para sa mga pagkukumpuni sa tulay, at paglilihis ng trapiko sa mga kalinyang pambansang daan.

Dahil sa lumalaking trapiko sa mga pook ng Lungsod ng Batangas at Bauan at Look ng Batangas, may inilatag na mga panukalang magpapahaba ng mabilisang daanan upang mapagaan ang daloy ng trapiko sa mga umiiral na ruta sa mga pook na ito. Dalawang mga proyekto ay ipinapanukala na magpapahaba ng mabilisang daanan patungong Barangay Pinamucan sa loob ng Lungsod ng Batangas, at sa bayan ng Bauan.

Pangalan

Noong Pebrero 9, 2004, sinulat ng kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Batangas ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas na si Victoria Hernandez Reyes ang House Bill 2753, o kilala din bilang "Act of Renaming the Southern Tagalog Arterial Road (STAR) to Apolinario Mabini Superhighway (AMS)." Noong Mayo 15, 2007, nilagdaan at inaprubahan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang House Bill 2753 para baguhin ang pangalan ng Southern Tagalog Arterial Road sa Apolinario Mabini Superhighway, at ginawa na itong batas na kilala ngayon bilang Batas Reoublika Blg. 9462 (RA 9462).[1]

Kasaysayan

Sa isang pagsisikap na maiugnay ang iba't-ibang lalawigan sa Katimugang Tagalog sa National Capital Region, ginawang isang katotohanan ng pamahalaan (na may kooperasyon ng pamahalaang lalawigan ng Batangas at may teknikal na tulong ng pamahalaan ng Hapón sa pamamagitan ng Japan Official Development Assistance) ang proyektong STAR Tollway.

Ang STAR Tollway I, mula Santo Tomas hanggang Lipa, ay binuksan noong 2001; ang STAR Tollway II, mula Lipa hanggang Pantalan ng Batangas, ay binuksan noong 2008. Sa ngayon, dalawa lamang ang naitayong linya sa bahaging Lipa-Batangas, at ito'y lalawakin sa apat na linya sa simula na naabutan na ng bahaging ito ang kakayahan nito. Binuksan ito bilang bahagi ng Proyektong Pagpapausbong ng Daan (Road Development Project) ng pamahalaan, at nag-uugnay ng South Luzon Expressway sa STAR Tollway hanggang sa Pantalan ng Batangas sa Lungsod ng Batangas. Ang oras ng paglalakbay mula Maynila hanggang Lungsod ng Batangas ay naging dalawang oras noong binuksan ang Stage 2.

Ang Una at Ikalawang Proyekto ng STAR Tollway ay pinondo ng Japan Bank for International Cooperation (JBIC) at Japan International Cooperation Agency (JICA), at isinakatuparan ng Department of Public Works and Highways - Urban Roads Project Office (DPWH - URPO).

Ang STAR Tollway ay nasa pangangasiwa ngayon ng Toll Regulatory Board (TRB), at pinamamahalaan ito ng Star Tollway Corporation.

Pagpapaunlad

STAR Tollway sa Malvar noong 2008, bago ang pagsasaayos.

Inanunsiyo noong Mayo 16, 2013 ng STAR-Infrastructure Development Corporation ang STAR Tollway Upgrading and Rehabilitation Project, na sinimulan noong Hulyo 2013, tulad ng inanunsiyo ng pangulo ng SIDC na si Melvin Nazareno. Sa ilalim ng nasabing proyekto, isinailalim ang mabilisang daanan sa pagpapaganda at pagsasaayos ng mga daanan at pasilidad nito upang maisabay sa pagtangkilik ng mabilisang daanan. Kabilang rito ang paglalagay ng panibagong aspalto sa bahaging Santo Tomas - Lipa, paglalawak sa apat na mga linya ang bahaging Lipa - Lungsod ng Batangas, pagpapaganda sa sistemang toll collection, pagkakabit ng mga kamerang closed circuit television (CCTV) para sa pagbantay ng trapiko, at pagdaragdag ng mga ilaw sa ilang bahagi. [2] Sinimulan naman ang pagpapalawak ng bahaging Lipa - Lungsod ng Batangas noong Hunyo 2013, at natapos noong Hunyo 2015 kasabay ng pagdaragdag ng mga ilawan.[3]

Pagsasara ng Tulay ng Sabang

Ang Tulay ng Sabang na nagkokonekta ng bayan ng Ibaan at Lungsod ng Batangas ay isinara sa lahat ng trapiko dahil sa pagkukumpuni dulot ng pagkasira mula sa Bagyong Nina (pagtatalagang pandaigdig: Nock-ten). Dahil diyan, ang Daang San Jose-Ibaan sa Labasan ng Ibaan ay naging pansamantalang katimugang dulo ng mabilisang daanan.[4]

Paglalarawan ng ruta

Kalinya ng STAR Tollway ang malaking bahagi ng ruta ng Lansangang Jose P. Laurel, na galing sa Pan-Philippine Highway sa Santo Tomas patungong Lipa at Lungsod ng Batangas, at ang bahaging Ibaan-Lungsod ng Batangas ng Daang Batangas–Quezon. Sa malaking bahagi nito, dumadaan ang mabilisang daanan sa mga baranggay-rural ng mga lungsod at bayan na dinadaanan nito. Itinutunghayan din nito ang ilang mga bundok.

Santo Tomas-Lipa

Bahagi ng STAR Tollway sa Malvar.

Nagsisimula ang STAR Tollway bilang karugtong ng South Luzon Expressway paglampas ng dating linyang daang-bakal ng PNR patungong Lungsod ng Batangas at ng isang daan papuntang Light, Industry and Science Park sa lungsod ng Santo Tomas. Lalawak nang saglit ang mabilisang daanan sa may Tarangkahang Pambayad ng Santo Tomas bago babalik muli sa dalawang linya paglampas. Papasok ito sa lungsod ng Tanauan, kung saan paglampas ng Labasan ng Tanauan, bababa ang STAR Tollway sa isang matanawing kurba, at pagkatapos ay aakyat paglapit ng Malvar. Pagpasok ng Malvar, dadaan ang malaking bahagi nito sa mga pook-rural na may mga malalaking taniman ng niyog at maliliit na pook-residensyal. Sa bayang din ito matatanaw ang mga bundok ng Maculot at Malarayat pag-nasa mabilisang daanan. Pagkatapos, papasok ito sa lungsod ng Lipa, kung saan maaaring lumabas ng mabilisang daanan at pumasok sa kabayanan ng lungsod sa pamamagitan ng Labasan ng Lipa. Ang nasabing labasan ay isa ding daan patungong Mataasnakahoy, Cuenca, at Alitagtag. Dati, nagsilbi ito bilang dulo ng mabilisang daanan, hanggang noong 2007, kung kailan pinahaba ang STAR Tollway patungong Lungsod ng Batangas.

Lungsod ng Lipa-Lungsod ng Batangas

Paglampas ng Labasan ng Lipa, ang malaking bahagi ng STAR Tollway ay isang dalawahang daanan (dual carriageway), hanggang sa kikipot ito paglapit ng Lungsod ng Batangas. Dati, ang bahaging ito ay may dalawang linya mula sa pagbubukas nito noong 2007 hanggang 2014, kung kailan binuksan ang ikalawang daanan. Ang mga daanan ng bahaging ito ay halos gawa sa kongkreto, at hindi maayos ang pagkakalatag ng daanan na pa-timog.

Bahagi ng STAR Tollway sa Ibaan, Batangas.

Sa timog ng Labasan ng Lipa, dadaan ang malaking bahagi ng mabilisang daanan sa mga baranggay-rural ng Lipa. Pagkatapos, liliko ito nang bahagya paglapit ng San Jose. Paglapit ng Labasan ng Ibaan, aakyat ang mabilisang daanan sa ibabaw ng Daang San Jose–Ibaan bago bumaba muli sa lebel ng lupa. Paglampas ng Labasan ng Ibaan, tatahakin ng STAR Tollway ang rutang paliko habang dumadaan sa mga baranggay-rural ng Ibaan at kalinya ng Daang Batangas–Quezon mula Ibaan hanggang Lungsod ng Batangas. Di-kalaunan, kikipot muli sa dalawang linya ang mabilisang daanan sa may tulay sa hangganan ng Ibaan at Lungsod ng Batangas. Dito naganap ang nakakamatay na banggaan ng isang dyipni at isang bus noong Enero 2013.[5] Paglampas ng tulay, magiging tatlo ang mga linya ng mabilisang daanan, na may kongkretong jersey barrier bilang panggitnang harangan, at aakyat bago sumunod sa deretsong ruta patungong katimugang dulo ng mabilisang daanan sa Rotondang Balagtas (Balagtas Rotunda). Saglit nang lalawak ang mabilisang daanan sa may Tarangkahang Pambayad ng Balagtas, pagkatapos ay kikipot muli sa tatlong linya, at tatapos ang mabilisang daanan sa Rotondang Balagtas na nagsisilbing sangandaan ng mabilisang daanan, Lansangang Jose P. Laurel, Daang Panlihis ng Pantalan ng Batangas (Batangas Port Diversion Road), at Daang Batangas–Balete.

Sa hinaharap

Karugtong sa Pinamucan

Ipinapanukala ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas ang 10 kilometro (6.2 milyang) karugtong ng STAR Tollway bilang isa sa dalawang mga proyektong prayoridad na makikinabang sa lalawigan gayundin sa rehiyon ng MIMAROPA. Ang ipinapanukalang karugtong ay magpapabilis sa pagunlad ng ekonomiya sa pook ng Look ng Batangas at magpapabawas ng pasisikip sa mga umiiral na daan sa Lungsod ng Batangas. Ang proyekto ay nagkakahalaga ng ₱576,000,000, at dadaan sa mga barangay ng Tinga Itaas, Tinga Labac, San Pedro, Dumantay, Sampaga, Sirang Lupa, at San Isidro, lahat ay nasa Lungsod ng Batangas.[6]

Mga labasan

Lungsod/BayankmmiLabasanPangalanMga paroroonanMga nota
Lungsod ng Batangas10062Tinga
Sampaga
11068Pinamucan
1.000 mi = 1.609 km; 1.000 km = 0.621 mi
  •       Hindi pa nagbubukas o ginagawa pa

Karugtong sa Bauan

Isa pang karugtong sa Bauan na tinawag na Batangas City–Bauan Toll Road ay ipinapanukala ng Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Lansangan bilang isang alternatibo sa umiiral na pambansang daan sa pagitan ng Lungsod ng Batangas at Bauan. Inaasahang mapapagaan nito ang daloy ng trapiko sa nasabing pambansang daan at magpapabilis ng pagunlad ng ekonomiya sa pook ng Lungsod ng Batangas-Bauan. Ang ipinapanukalang pagkakalinya ng mabilisang daanan ay magsisimula sa kasalukuyang dulo ng STAR Tollway sa Barangay Balagtas, at dadaan sa mga hilagang barangay na rural ng Lungsod ng Batangas at San Pascual, at magtatapos sa pambansang daan sa Mabini at Barangay Manghinao sa Bauan. Naghihintay ng pag-apruba ang proyekto magmula noong Pebrero 2017.[7]

Mga bayarin

Tarangkahang Pambayad ng Batangas.

Gumagamit ang buong mabilisang daanan ng sistemang nakasara, kung saan kukuha ng kard ang mga drayber sa mga pasukan at ibibigay ito paglabas ng mabilisang daanan. Hindi gumagamit ng sistemang de-kuryente sa pangongolekta ng bayarin (electronic toll collection system) ang mabilisang daanan.

Uri ng sasakyan Bayarin
Class 1
(Mga kotse, motorsiko, SUVs, at dyipni)
1.016/km
Class 2
(Mga bus at magaan na trak)
₱2.032/km
Class 3
(Mga mabigat na trak)
₱3.048/km

Mga labasan

Palatandaan ng Labasan ng Malvar.

Sa kabila ng nakompletong ugnay nito sa South Luzon Expressway na nagtatapos sa Km 57.2, ang pagbibilang ng kilometro sa STAR Tollway ay sa halip nagsisimula sa Km 60. Ang Km 0 ay sa Liwasang Rizal, sa kabila ng hindi tuloy-tuloy na pagmimilya. Nakasukat ang distansya (sa kilometro, at gayundin sa hektometro) sa mga maliliit at kulay-lunti na mga palatandaan (highway location markers) at posteng de-bakal (metal posts) sa gitna ng daan, at gayundin sa kaliwang gilid ng daan sa bahaging mula hangganang Ibaan-Batangas hanggang Lungsod ng Batangas. Hindi nakanumero ang mga labasan. Nasa Batangas ang kabuuan ng ruta.


RegionLalawiganLungsod/BayankmmiLabasanPangalanMga paroroonanMga nota
CalabarzonBatangasSanto Tomas6037Santo Tomas E2 (SLEX), Santo TomasPalitang hugis bahagyang dahon ng clover o nakatuklap na diyamante. Patunong Pambansang Dambana ni Padre Pio ng Pietrelcina. Tumutuloy pahilaga bilang South Luzon Expressway.
Tanauan6138Tarangkahang Pambayad ng Tanauan (kabayarang pansalapi)
6540Tanauan City (Sambat)Tanauan, Talisay, Laurel, TagaytayPalitang Diyamante.
Malvar7043Malvar (Bulihan)MalvarPalitang Diyamante
Lipa7547Petron STAR Tollway KM 75 (patimog)
7848Balete (Leviste/Santo Toribio)BaletePalitang Diyamante
8050Petron STAR Tollway KM 80 (pahilaga)
8251Lipa City (Tambo)Lipa, Cuenca, AlitagtagPalitang hugis bahagyang dahon ng clover o nakatuklap na diyamante. Patungong De La Salle Lipa at San Sebastian Cathedral.
Ibaan9358Ibaan (Malainin)Ibaan, San JosePalitang Diyamante
Ibaan - Batangas City boundaryTulay ng Sabang. Pagpapalit mula sa dalawa hanggang tatlong linyang mabilis na daanan.
BatangasBatangas City10163Tarangkahang Pambayad ng Batangas (kabayarang pansalapi)
10263Batangas (Balagtas)Batangas City, Batangas PortRotonda. Timog na dulo ng mabilis na daanan.
1.000 mi = 1.609 km; 1.000 km = 0.621 mi
  •       Hindi kumpletong access
  •       Pagkakasabay ng ruta
  •       May toll
  •       Pagbabago sa ruta

Tingnan din

Mga sanggunian

  1. "BIS Online Query".[patay na link]
  2. "Star Tollway Upgrade and Rehab Set". Manila Standard Today. 16 Mayo 2013.[patay na link]
  3. "2.3 Billion Peso Star Tollway expansion starts". The Philippine Star. 3 Hunyo 2013.
  4. "Bridge repair affects economy in Mimaropa". The Manila Times. 24 Enero 2017. Inarkibo mula sa orihinal noong 16 Mayo 2017. Nakuha noong 18 Mayo 2017.
  5. Ozaeta, Arnell (2 Enero 2011). "7 killed in STAR tollway accident". ABS-CBN News. Nakuha noong 16 Mayo 2017.
  6. "2 road networks sa Batangas, isinulong na maging prayoridad ng RDC IV-A". Balikas Online. 11 Agosto 2016. Inarkibo mula sa orihinal noong 17 Marso 2017. Nakuha noong 18 Hulyo 2017.
  7. "Batangas City-Bauan Toll Road Project". Department Of Public Works and Highways. Inarkibo mula sa orihinal noong 29 Marso 2017. Nakuha noong 11 May 2017.

Mga ugnay panlabas

Coordinates needed: you can help!