Ang Cavite–Tagaytay–Batangas Expressway (CTBEx) ay isang ipinapanukalang 50.42-kilometro o 31.33 milyang mabilisang daanan na mag-uugnay ng itinatayong Cavite–Laguna Expressway (CALAEx) sa bayan ng Silang, Kabite sa Daang Ternate–Nasugbu sa bayan ng Nasugbu, Batangas na kanlurang dulo ng mabilisang daanan.
Ang layunin ng bagong mabilisang daanan sa rehiyon ng Calabarzon ay ang pagbabawas ng bigat sa daloy ng trapiko sa pangunahing lansangan ng Tagaytay dahil sa mga pagpapaunlad sa turismo sa pook ng Tagaytay-Nasugbu.[1]
Kasaysayan
Nasa pagsusuri noon ang proyekto hanggang sa ginawaran ng Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Lansangan (DPWH) ang unang katayuan ng pagpapanukala sa Metro Pacific Tollways South Corporation (MPT South) noong Hulyo 2018.[2][3][4][5][6] Inaasahang magsisimula ang pagtatayo sa unang kalahati ng 2019 at matatapos sa kalagitnaan ng 2022. Magkakaroon ito ng walong pangunahing mga palitan, dalawang mga daang sangay: Tagaytay at ilang mga daang pang-ibabaw (overpasses).[7][8][9][10]