Ang Talampas Benham (Ingles: Benham Plateau o Benham Rise) ay isang rehiyong nakalubog sa tubig at patay na bulkanikong gulod na matatagpuan sa Dagat Pilipinas sa tinatayang 250 km (160 mi) silangan ng hilagang baybayin ng Dinapigue, Isabela.
Sa ilalim ng Dagat Pilipinas ay matatagpuan ang ilang mga basin kasama na dun ang West Philippine Basin, na sa loob nito ay matatagpuan ang Central Basin Fault (CBF).[1] Matatagpuan ang Talampas Benham sa loob ng CBF at inaakala na ang saligang ito ay isang maliit na kontinente.[2] May mga pang-agham na pagsisiyasat na ginawa sa anyong ito upang pag-aralan ang kalikasan nito at ang kaniyang epekto sa tektonikong paglubog (tectonic subduction), kabilang dito ang naging epekto nito sa lindol sa Luzon noong 1990. Inangkin ng Pilipinas ang lugar na ito, maging ang kaniyang bahagi ng continental shelf, at siyang naghain ng pag-aangkin sa United Nations Commission on the Limits of the Continental Shelf (UNCLOS, Komisyon ng mga Nagkakaisang Bansa ukol sa Katakdaan ng Continental Shelf) noong 8 Abril 2009, at inaprubahan ng UNCLOS noong 2012.[3]
Kasaysayan
Sinasabing pinangalan ang anyong lupang ito kay Admiral Andrew Ellicot Kennedy Benham (1832-1905) ng mga Amerikanong agrimensor na siya diumanong nakatuklas sa anyong ito. Isa siyang opisyal ng Hukbong Dagat ng Estados Unidos, na nanilbihan sa Timog Atlantiko at sa Armadang Tagaharang sa Kanlurang Golpo sa kasagsagan ng Digmaang Sibil sa Amerika.[4] May mga haka-haka sa mga pang-agham na komunidad tungkol sa kalikasan ng anyong ito. Makaraan ang malakas na lindol sa Luzon noong 16 Hulyo 1990, muling sinaalang-alang ng mga siyentipiko ang mga modelo ng fault at nagpasiya na maaaring tinitinag ng Talampas Benham ang Philippine Fault System pakanluran.[5] Matapos ang mabusising pagsusuri sa mga mas lumang mga modelo tulad ng kay Pinet at Stephan (1989), muling isinalang-alang ng mga siyentipiko ang mga modelo ng fault. Iniisip nila na may malaking psoibilidad na kasalukuyan pa ring tinitinag ng Talampas Benham ang Gitnang Luzon at ang Philippine Fault System pakanluran, at ito ang maaaring maging posibleng dahilan ng pagkaakroon nito ng mapinsalang lindol. Ang mga alon sa lindol ng 1990 na tumagal ng 20 hanggang 50 segundo na siyang nagbuo ng panibagong sangay ng bitak pakanluran-pasilangan ay sa sobrang lakas, umabot ang bitak hanggang sa lungsod mismo ng Baguio sa Benguet, Rehiyong Pampangasiwaan ng Cordillera (CAR). Ang ilang mga siyentipikong pagsusuri na ginawa noong 2004 hanggang 2008 ay nagkolekta ng ilang mga datos upang suportahan ang kanilang mga natuklasan.[6]
Pag-aangkin ng Pilipinas
Bagaman malapit ito sa kapuluan, hindi pa naisama noon ang talampas sa teritoryo ng Pilipinas. Noong 8 Abril 2009, naghain ang Republika ng Pilipinas ng isang pag-aangkin sa teritoruong pandagat sa United Nations Commission on the Limits of the Continental Shelf (UNCLOS) na umuukol sa continental shelf sa rehiyon ng Talampas Benham.[7] Ihinain ito bilang bahagi ng petisyon sa pagpapalawig ng panimulang linya at eksklusibong sonang pangkalakalan ng kapuluan sa pamamagitan ng batas na siya ding sumasaklaw sa mga pinag-aagawang mga teritoryo ng Kapuluan ng Kalayaan (Kapuluan ng Spratly) at Bajo de Masinloc (Kulumpol ng Scarborough). Bagaman, ang mismong anyong lupa ay hindi pinag-aagawan, nakatanggap din ng ilang mga puna ang nasabing petisyon sa loob at labas ng bansa dahil sa kalikasan nitong kontrobersyal.[8] Ayon sa pag-aangkin ng pamahalaan, base sa mga alituntunin ng Komisyon sa Pagtatakda ng Continental Shelf, tumutugon ang sakop na ito sa 350-milyang linyang sukdulang linya dahil ang panlabas na saklaw ng continental shelf ay matagtagpuan sa loob ng sukdulang linya, na matatagpuan 350 milya mula sa mga panimulang linya kung saan magpapasimula ang pagsusukat ng kaluwangan ng teritoryong pandagat.[6]
Nagpasa ang Mababang Kapulungan ng Pilipinas ng Batas Republika Blg. 9522, o mas kilala bilang Batas ng Panimulang Linyang Pangkapuluan (Archipelagic Baselines Law), na siyang magiging batayan ng pag-aangkin. Ayon sa dokumento, ang rehiyon ay nakadikit sa Philippine Basin sa hilaga at silangan, at ng Luzon sa kanluran at timog. Pinapahayag nito na, ayon sa mga siyentipikong datos base sa mga seismiko, magnetiko at iba pang heolohikong katangian, ang Talampas Benham ay karugtong ng continental shelf ng Pilipinas. Ang buod nito, ang mga panimulang linya, na siyang batayan ng pagsasalinya ng mga teritoryo at nasasakupan sa karagatan (kasama ang continental shelf), ay naaayon sa mga pangangailangan ng UNCLOS.[6] Ang nasabing pag-aangkin ay isa lang bahagyang pag-aangkin dahil ang batas na pumapahintulot sa Pilipinas na palawigin ang kaniyang hangganang nasasakupan ay sumasaklaw din sa mga pulo sa Dagat Timog Tsina.
Pasya ng UN
Naghain ang Pilipinas ng pag-aangkin para sa Talampas Benham noong 2008 alinsunod sa pangangailangan ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS, Kumbensyon ng mga Nagkakaisang Bansa ukol sa Batas Pandagat). Opisyal nang inaprubahan ng UN ang pag-aangkin noong Abril 2012.[3][9][10]
Makakatulong sa pagpapaunlad ng artikulong ito sa paglalagay ng isa o higit pang kategorya upang maisama ito sa mga kaugnay na artikulo (paano?). Alisin po lang ang tag pagkaraan ng pagsasauri, hindi bago nito.