Ang Roma (pagbigkas [ˈroːma])[2] ay ang punong-lungsod ng bansang Italya at isang espesyal na komuna ng bansa (pinangalanang Comune di Roma Capitale, "Ang Komuna ng Punong Lungsod ng Roma"). Nagsisilbi rin itong punong-lungsod ng rehiyon ng Lazio. Tatlong milenyo nang tinitirahan ito ng mga tao, simula noong unang itinatag ito, ayon sa tradisyon, noong 753 BK.
Ang Roma ay ang pinakamalaking lungsod sa Italya at isa rin sa mga pinakamalalaki sa Europa, na may lawak na 1,285 kilometro kuwadrado (496.1 mi kuw). Ito ang sentro ng Kalakhang Lungsod ng Roma, na may populasyon ng 4,355,725 (2020) naninirahan, at may katayuan bilang ang pinakamataong kalakhang lungsod sa Italya.[3]
May KGK ito ng €75 bilyon—higit na mataas pa sa Bagong Zeeland at katumbas ng Singapore—noong taong 2001. Ibinubunga ng bayan ng Roma ang 6.5% ng pangkalahatang KGK ng Italya, ang pinakamalaking halaga sa lahat ng lungsod ng bansa.
Ayon sa mitolohiya ng pagkakatatag ng lungsod mula mismo sa mga Sinaunang Romano,[4] ang matagal nang tradisyon ng pinagmulan ng pangalang Roma ay pinaniniwalaang nagmula sa tagapagtatag at unang rex (hari) ng lungsod na si Romulo.[5]
Gayumpaman, may posibilidad na ang pangalang Romulo ay nagmula sa Roma mismo.[6] Kahit noong ika-4 na siglo, mayroong mga alternatibong teoryang iminungkahi sa pinagmulan ng pangalang Roma. Maraming pagpapalagay ang inihapag na tumututok sa mga ugat lingguwistiko na kung saan gayunpaman ang usapan ay nananatiling nagpapatuloy:[7]
mula sa Rumon o Rumen, luma nang pangalan ng Tiber, na kung saan ay kaugnay umano sa salitang Griyego na ῥέω (rhéō) na 'dumaloy, pag-agos' at ang pandiwang Latin ruō na 'magmadali'; [a]
Habang may mga natuklasan nang arkeolohikal na katibayan ng pananahan sa lugar ng Roma mula sa humigit-kumulang na 14,000 taon na ang nakalilipas, ang siksik na layer ng mga mas maagang labi ang bumabaon sa mga lugar Palaeolitiko at Neolitiko.[8] Ang ebidensiya ng mga kagamitang bato, palayok, at sandatang bato ay nagpapatunay sa halos 10,000 taong pananahan ng tao. Sinusuportahan ng maraming paghuhukay ang pananaw na ang Roma ay lumago mula sa mga paninirahang pastoral sa Burol Palatino na itinayo sa itaas ng lugar na magiging Foro ng Roma. Sa pagitan ng pagtatapos ng Panahon ng Tansong Pula at pagsisimula ng Panahon ng Bakal, ang bawat burol sa pagitan ng dagat at ng Capitolino ay pinangunahan ng isang nayon (sa Burol Capitolino, isang nayon ang napatunayan nang naroon mula noong pagtapos ang ika-14 na siglo BK).[9] Gayunpaman, wala sa kanila ang maihahalintulad sa isang lungsod.[9] Mayroong malawak na pinagkasunduan ngayon na ang lungsod ay unti-unting nabuo sa pamamagitan ng pagsasama-sama ("sinoesismo") ng maraming nayon sa paligid ng pinakamalaki, ang nasa tuktok ng Palatino.[9] Ang pagsasama-sama na ito ay napadali ng pagdaragdag ng pagiging produktibo ng agrikultura na umangat mula sa antas ng pamumuhay, na pinapayagan din ang pagtatag ng mga sekundaryo at tersiyaryong gawain. Ang mga ito naman ay nagpalakas ng pag-unlad ng kalakal sa mga kolonya ng Gresya sa katimugang Italya (pangunahin sa Ischia at Cumae).[9] Ang mga pagpapaunlad na ito, na ayon sa ebidensiyang arkeolohikal ng mga pangyayari noong kalagitnaan ng ikawalong siglo BK, ay maaaring isaalang-alang bilang "kapanganakan" ng lungsod.[9] Sa kabila ng mga kamakailang paghuhukay sa burol Palatino, ang pananaw na ang Roma ay sadyang itinatag noong kalagitnaan ng ikawalong siglo BK, tulad ng iminungkahi ng alamat ng Romulo, ay nananatiling isang teoryang nasa laylayan.[10]
Alamat ng pagkakatatag ng Roma
Ang mga tradisyonal na kuwentong pinagpasahan ng mga mismong sinaunang Romano ang nagpapaliwanag ng pinakamaagang kasaysayan ng kanilang lungsod na makikita sa mga alamat at mito. Ang pinakapamilyar sa mga alamat na ito, at marahil ang pinakatanyag sa lahat ng mitolohiyang Romano, ay ang kuwento nina Romulo at Remo, ang kambal na pinasuso ng isang babaeng lobo.[4] Nagpasya silang magtayo ng isang lungsod, ngunit pagkatapos ng pagtatalo, pinatay ni Romulo ang kaniyang kapatid at tinawag ang lungsod mula sa kaniyang pangalan. Ayon sa mga Romanong analista, nangyari ito noong Abril 21, 753 BK.[11] Ang alamat na ito ay kinailangang ipagkasundo sa isang dalawahang tradisyon, na itinakda nang mas maagang panahon, nang tumakas ang Troyang si Aineias papunta sa Italya at itinatag ang linya ng mga Romano sa pamamagitan ng kaniyang anak na si Iulus, kung kanino ipinangalanan ang dinastiyang Julio-Claudio.[12] Ito ay nagawa ng makatang Romano na si Virgil noong unang siglo BC. Dagdag, binabanggit ni Estrabon ang isang mas matandang kuwento, na ang lungsod ay isang kolonya ng Arcadia na itinatag ni Evandro. Isinulat din ni Estrabon na si Lucius Coelius Antipater ay naniniwalagngang ang Roma ay itinatag ng mga Griyego.[13][14]
Noong 509 BC, pinabaksak ng mga Romano ang huling hari mula sa kanilang lungsod at nagtatag ng isang oligarkongrepublika. Sa gayon ay nagsimula na ng Roma sa isang panahong naisasalarawan bilang alitan sa pagitan ng mga patricio (aristokrata) at mga plebo (maliit na may-ari ng lupa), at sa pamamagitan ng patuloy na pakikidigma laban sa mga populasyon ng gitnang Italya: mga Etrusko, Latin, Volsco, Ecuo, at Marso[11] Matapos maging pinuno ng Latium, pinangunahan ng Roma ang maraming digmaan (laban sa mga Galo, Osco-Samnita at kolonyang Griyego ng Tarento, kaalyado ni Piro, hari ng Epiro) na humantong sa pananakop sa tangway ng Italya, mula sa gitna hanggang sa Magna Graecia.[11]
Mula sa pagsisimula ng ika-2 siglo BK, naglabanan ng kapangyarihan ang dalawang pangkat ng aristokrata: ang optimates, na kumakatawan sa konserbatibong bahagi ng Senado, at ang mga populares, na umaasa sa suporta ng mga plebo (urbanong mababang uri) upang makakuha ng kapangyarihan. Sa parehong panahon, ang pagkalugi ng maliliit na magsasaka at ang pagtatatag ng malalaking lupain pang-alipin ay naging sanhi ng malakihang paglipat sa lungsod. Ang tuloy-tuloy na digmaan ay humantong sa paglalatatag ng isang propesyonal na hukbo, na naging mas tapat sa mga heneral nito kaysa republika. Dahil dito, sa ikalawang kalahati ng ikalawang siglo at noong unang siglo BK, mayroong mga salungatan kapuwa laban sa ibang bansa at sa loob nito. Matapos ang nabigong pagtatangka ng repormang panlipunan ng populares na sina Tiberius at Gaius Gracchus,[11] at giyera laban kay Jugurta,[11] nagkaroon ng unang digmaang sibil sa pagitan nina Gaius Marius at Sulla.[11] Isang pangunahing pag-aalsa ng mga alipin sa ilalim ni Spartacus ang sumunod,[16] at pagkatapos ay ang pagkakatatag ng unang Triunvirato kasama sina Cesar, Pompey, at Crassus.[11]
Noong 27 BK, si Octavio ang naging princeps civitatis at kinuha ang titulong Augustus, na itinatag ang prinsipado, isang diarkiya sa pagitan ng mga princeps at ng senado.[17] Sa panahon ng paghahari ni Nero, napakalaking bahagi ng lungsod ang nasira pagkatapos ng Dakilang Sunog ng Roma, at sinimulan ang pang-uusig sa mga Kristiyano.[18][19][20] Ang Roma ay itinatag bilang isang de facto na imperyo, na umabot sa pinakadakilang paglawak nito noong ikalawang siglo sa ilalim ng Emperado Trajano. Ang Roma ay itinuring bilang caput Mundi, ibig sabihin, ang kabesera ng kilalang mundo, isang kataga na ginagamit pa kahit noong panahon ng Republika. Sa unang dalawang dantaon nito, ang imperyo ay pinamunuan ng mga emperador mula sa mga dinastiyang Julio-Claudio,[11]Flavio (na nagtayo rin ng isang kapangalang ampiteatro, na kilala bilang Koliseo),[11] at Antonina.[11] Ang panahong ito ay nailalarawan din dahil sa pagkalat ng relihiyong Kristiyano, na ipinangaral ni Hesucristo sa Judea noong unang kalahati ng unang siglo (sa ilalim ng Tiberio) at ikinalat ng kaniyang mga apostol sa loob at labas ng imperyo.[11] Ang panahong Antonina ay itinuturing na rurok ng Imperyo, na ang teritoryo ay mula sa Dagat Atlantiko hanggang sa Eufrates at mula sa Britanya hanggang Ehipto.[11]
Matapos ng Dinastiyang Severo noong 235, ang Imperyo ay pumasok sa isang 50 taong panahon na kilala bilang Krisis ng Ikatlong Siglo kung saan maraming lupon ng heneral ang naghahangad na protektahan ang rehiyon ng imperyo na ipinagkatiwala sa kanila buhat ng kahinaan ng sentral na awtoridad sa Roma. Nariyan ang tinaguriang Imperyong Galo mula 260 hanggang 274 at ang pag-aalsa ni Zenobia at ng kaniyang ama mula sa kalagitnaan ng 260s na naghahangad na hadlangan ang mga pagsalakay ng Persia. Ang ilang rehiyon–Britanya, Espanya, at Hilagang Africa–ay halos hindi naapektuhan. Ang kawalang-tatag ay naging sanhi ng pagkasira ng ekonomiya, at nagkaroon ng mabilis na pagtaas ng implasyon habang naging lalong magastos ang pamamahala upang matugunan ang mga gastos. Ang mga tribong Aleman sa may Rin at sa hilaga ng Balkan ay nagsagawa ng malulubha, ngunit hindi koordinadong pagsalakay mula 250 hanggang 280 na itinuring bilang malalaking pagsalakay sa mga grupo kaysa mga pagtatangkang manirahan. Ang Imperyong Persia ay sumalakay mula sa silangan nang maraming beses sa panahon ng 230s hanggang 260s ngunit kalaunan ay tinalo.[11] Isinagawa ni Emperado Diocleciano (284) ang pagpapanumbalik ng Estado. Tinapos niya ang Principado at ipinakilala ang Tetrarkiya na naghahangad na dagdagan ang kapangyarihan ng estado. Ang pinakatampok na salik nito ay ang walang-habas na interbensiyon ng Estado hanggang sa antas-lungsod. Kung dati, ang Estado ay nagsumite ng isang panukalang pagbubuwis sa isang lungsod at hinayaan ng lungsod na magpasya sa ibabayad, mula sa kaniyang paghahari ay ginawa ito ng Estado hanggang sa antas ng nayon. Sa isang walang kabuluhang pagtatangka upang makontrol ang implasyon, nagpataw siya ng mga kontrol sa presyo na hindi tumagal. Siya o si Constantino ang nagrehiyonalisa ng pangangasiwa ng imperyo na pangunahing nagbago sa paraan ng pamamahala nito sa pamamagitan ng paglikha ng mga rehiyonal na diyosesis. Ang pagkakaroon ng mga panrehiyong yunit ng pananalapi mula 286 ay nagsilbing modelo para sa walang-habas na pagbabagong ito. Pinabilis ng emperador ang proseso ng pag-alis ng utos-militar mula sa mga gobernador. Mula noon, ang administrasyong sibilyan at ang utos-militar ay magkahiwalay. Binigyan niya ang mga gobernador ng higit na tungkulin sa pananalapi at inatasan sila na pangasiwaan ang sistema ng suporta sa lohistika ng hukbo bilang pagtatangka na kontrolin ito sa pamamagitan ng pag-aalis ng sistema ng suporta mula sa kontrol nito. Pinamunuan ni Diocleciano ang silangang kalahati at tumira sa Nicomedia, habang iniangat niya si Maximiano sa antas Augusto ng kanlurang kalahati, kung saan pinamumunuan niya ang karamihan mula sa Mediolanum kapag hindi nag-iikot.[11] Noong 292, lumikha siya ng dalawang 'nakababatang' emperador, ang mga Cesar, isa para sa bawat Augusto. Ang mga ito ay sina Constantius para sa Britanya, Galia, at Espanya na ang luklukan ng kapangyarihan ay nasa Trier at si Licinius sa Sirmium sa Balkan. Hindi bago ang pagtatalaga ng isang Cesar: Sinubukan ni Diocleciano ang isang sistemang 'di-dinastikong pagkakasunud-sunod. Sa pagbaba sa puwesto noong 305, umangat ang mga Cesar at sila naman ay humirang ng dalawang kasamahan para sa kanilang sarili.[11]
Matapos ang pagbaba sa puwesto nina Diocleciano at Maximiano noong 305 at isang serye ng mga digmaang sibil sa pagitan ng mga karibal na nag-aangkin sa kapangyarihan ng imperyo, sa mga taon ng 306-313, ang Tetrarkiya ay inabandona. Nagsagawa si Constantinong Dakila ng isang pangunahing reporma ng burukrasya, hindi sa pamamagitan ng pagbabago ng estruktura ngunit sa pamamagitan ng rasyonalisasyon ng mga kakayahan ng maraming ministro sa mga taong 325-330, matapos niyang talunin si Licinius, ang emperador sa Silangan, sa pagtatapos ng 324. Ang tinatawag na Kautusan ng Milano ng 313, sa katunayan ay isang piraso ng liham mula kay Licinius sa mga gobernador ng mga silangang lalawigan, ay pagbibigay ng kalayaan sa pagsamba ninuman, kasama na sa mga Kristiyano, at inatasan ang pagpapanumbalik ng mga nakumpiskang pag-aari ng simbahan sa petisyon sa mga bagong nilikha na vicario ng mga diyosesis. Pinondohan niya ang pagtatayo ng maraming simbahan at pinayagan ang kleriko na kumilos bilang mga tagapamagitan sa mga alitang sibil (isang batas na winakasan bago matapos ang pamumuno niya, ngunit ibinalik din). Binago niya ang bayan ng Byzantium bilang kaniyang bagong luklukan, kung saan, gayunpaman, ay hindi opisyal na anupaman kaysa isang tirahan ng imperyo tulad ng Milano o Trier o Nicomedia hanggang sa bigyan ng isang prepekto ng lungsod noong Mayo 359 ni Constantius II, at naging Constantinopla.[11]
Ang Kristiyanismo sa anyo ng Kredong Niceno ang naging opisyal na relihiyon ng imperyo noong 380, sa pamamagitan ng Kautusan ng Tesalonica na inilabas sa ngalan ng tatlong emperador–Gratian, Valentiniano II, at Theodosius I–na malinaw na si Theodosius ang nagtutulak dito. Siya ang huling emperador ng pinag-isang imperyo. Pagkamatay niya noong 395, hinati ng kaniyang mga anak na sina Arcadius at Honorius ang imperyo sa isang kanluran at isang silangang bahagi. Ang luklukan ng pamahalaan sa Kanlurang Imperyong Romano ay inilipat sa Ravenna pagkatapos ng Pagkubkob ng Milano noong 402. Noong ika-5 siglo, ang karamihan sa mga emperador mula 430 ay nanirahan sa kabeserang lungsod, Roma.[11]
Ang Roma, na nawala ang pangunahing papel nito sa pamamahala ng imperyo, ay dinambong noong 410 ng mga Visigodong pinamunuan ni Alarico I,[11] ngunit napakaliit na pinsalang pisikal ang nagawa, na ang karamihan ay inayos din. Ang hindi madaling mapalitan ay ang mga natangay na bagay tulad ng likhang sining na pinalamutian at mga bagay sa tahanan na ninakaw. Pinaganda ng mga papa ang lungsod ng mga naglalakihang basilika, tulad ng Santa Maria Maggiore (sa pakikipagtulungan ng mga emperador). Ang populasyon ng lungsod ay bumagsak mula 800,000 hanggang 450-500,000 sa panahong ang lungsod ay dinambong noong 455 ni Genserico, hari ng mga Bandalo.[11] Hindi napigilian ng mahihinang emperador ng ikalimang siglo ang pagkabulok, na humantong sa pagtitiwalag kay Romulo Augustulo noong 22 Agosto 476, na minarkahan ang pagtatapos ng Kanlurang Imperyong Romano at, para sa maraming istoryador, ang simula ng Gitnang Kapanahunan.[11] Ang pagbagsak ng populasyon ng lungsod ay sanhi ng pagkawala ng pang-angkat ng trigo mula sa Hilagang Africa, mula 440 pataas, at ang pagkaayaw ng mga senador na panatilihin ang mga donasyon upang suportahan ang isang populasyon na masyadong malaki para sa limitadong rekurso. Gayumpaman, pinagsumikapang panatilihin ang monumental na sentro, ang Palatino, at ang mga pinakamalaking paliguan, na patuloy na pinagana hanggang sa pagkubkob ng mga Gotiko noong 537. Ang malalaking paliguang Constantino sa Quirinal ay iniayos pa noong 443, at ang lawak ng pinsala ay ginawang eksaherasyon.[23] Gayumpaman, ang hitsura ng lungsod ay ang pangkalahatang pagkabalaho at pagkaagnas dahil sa malalawak na lugar na inabandona at sa pagbaba ng populasyon. Ang populasyon ay bumaba mula sa 500,000 ng 452 patungo sa 100,000 ng 500 AD (marahil ay mas malaki, kahit na walang tiyak na bilang ang maaaring malaman). Matapos ang pagkubkob ng mga Gotiko noong 537, ang populasyon ay bumaba pa sa 30,000 ngunit tumaas sa 90,000 sa ilalim ng pagka-papa ni Gregorio ang Dakila.[24] Ang pagbaba ng populasyon ay sumabay sa pangkalahatang pagbagsak ng urbanong pamumuhay sa Kanluran noong ikalima at ikaanim na siglo, na may kaunting mga natatangi. Ang pamamahagi ng trigo ng estado na umaakay sa mas mahirap na mga kasapi ng lipunan ay nagpatuloy hanggang sa ikaanim na siglo at marahil ay pinigilan ang lalong pagbagsak ng populasyon.[25] Ang mga numero ng 450,000-500,000 ay batay sa dami ng baboy, 3,629,000 lbs. ipinamahagi sa mas mahihirap na Romano sa loob ng limang buwan ng taglamig sa tantos ng limang Romanong lbs bawat tao bawat buwan, sapat para sa 145,000 katao o 1/4 o 1/3 ng kabuuang populasyon.[26] Ang pamamahagi ng butil sa 80,000 may hawak ng boleto nang sabay-sabay ay nagmumungkahi ng 400,000 (itinakda ni Augusto ang bilang sa 200,000 o ikalimang bahagi ng populasyon).
Gitnang Panahon
Ang Obispo ng Roma, na tinawag na Santo Papa, ay mahalaga mula pa noong mga unang araw ng Kristiyanismo dahil sa pagkamartir doon ng parehong apostol na sina Pedro at Pablo. Ang mga Obispo ng Roma ay nakita rin (at nakikita pa rin ng mga Katoliko) bilang kahalili ni Pedro, na itinuturing na unang Obispo ng Roma. Sa gayon ang lungsod ay nagkaroon ng mas nakaangat na halaga bilang sentro ng Simbahang Katolika. Matapos ang pagbagsak ng Kanlurang Imperyong Romano noong 476 AD, ang Roma ay unang nasa ilalim ng kontrol ni Odoacer at pagkatapos ay naging bahagi ng Kahariang Ostrogodo bago bumalik sa kontrol ng Silangang Romano pagkatapos ng Digmaang Gotiko, na sumalanta sa lungsod 546 at 550. Ang populasyon nito ay bumulusok mula sa higit sa isang milyon noong 210 AD hanggang 500,000 noong 273[27] hanggang 35,000 pagkatapos ng Digmaang Gotiko (535-554).[27] Nabawasan ang dating malawak na lungsod at naging mga pangkat ng mga tinitirahang gusali na magkakalayo at pinapalibutan ng malalaking pook ng mga labi, masusukal na lugar, anihan ng vino, at mga palengkeng halamanan.[28] Pangkalahatang itinuturing na ang populasyon ng lungsod hanggang 300 AD ay 1 milyon (tinatayang mula 2 milyon hanggang 750,000) na bumababa sa 750–800,000 noong 400 AD, 450-500,000 noong 450 AD, at bumaba sa 80-100,000 noong 500 AD (bagaman maaaring dalawang beses ito).[29]
Matapos ang pagsalakay ng mga Lombardo sa Italya, ang lungsod ay nanatiling Bisantino sa pangalan, ngunit sa totoo, ang mga papa ay sumunod sa isang patakaran ng balanse sa pagitan ng mga Bisantino, Franco, at Lombardo.[30] Noong 729, ibinigay ng Lombardong hari na si Liutprand ang hilagang bayan ng Latium ng Sutri sa Simbahan, ang simula ng temporal na kapangyarihan nito.[30] Noong 756, matapos talunin ni Pepin ang Maikli ang Lombardo, ay ibininigay sa Papa ang temoral na kapangyarihan sa Dukadong Romano at sa Exarkado ng Ravenna, sa gayon nalikha ang Estado ng Simbahan.[30] Mula sa panahong ito, sinubukan ng tatlong kapangyarihan na mamuno sa lungsod: ang papa, ang maharlika (kasama ang mga pinuno ng mga milisya, ang mga hukom, ang Senado at ang populasyon), at ang haring Franco, bilang hari ng mga Lombardo, patricius, at Emperador.[30] Ang tatlong partidong ito (teokratiko, republikano, at imperyal) ay isang katangian ng buhay Romano sa buong Gitnang Kapanahunan.[30] Noong gabi ng Pasko ng 800, si Carlomagno ay kinoronahan sa Roma bilang emperador ng Banal na Imperyong Romano ni Papa Leo III. Sa pagkakataong iyon, ang lungsod ay naglatag sa kauna-unahang pagkakataon ng dalawang kapangyarihan na ang pakikibaka para sa kontrol ay magiging madalas sa Gitnang Kapanahunan.[30]
Noong 846, ang mga Arabong Muslim ay nagkaroon ng hindi matagumpay na pagsugod sa mga pader ng lungsod, ngunit nagawang mandambong sa basilika ni San Pedro at San Pablo, parehong nasa labas ng pader ng lungsod.[31] Matapos ang pag-agnas ng kapangyarihang Carolingio, ang Roma ay nabiktima ng kaguluhang piyudal: maraming marangal na pamilya ang nagtunggalian sa pagkapapa, sa pagka-emperador, at sa bawat isa. Ito ang mga panahon nina Teodora at kaniyang anak na si Marozia, mga kerida at ina ng ilang papa, at ni Crescentius, isang makapangyarihang piyudal na panginoon, na nilabanan ang sina Emperador Otto II at Otto III.[30] Ang mga eskandalo sa panahong ito ang nagtulak upang ireporma ng papado ang sarili nito. Ang halalan ng papa ay inilaan na lamang sa mga kardinal, at sinubukan ang reporma ng klero. Ang puwersa sa likod ng pagpapanibago na ito ay ang mongheng si Ildebrando da Soana, na dating nahalal ng papa sa ilalim ng pangalang Gregoryo VII at naging kasangkot sa Kontrobersiyang Investiduras laban kay Emperador Henry IV.[30] Kasunod nito, ang Roma ay dimambong at sinunog ng mga Normando sa ilalim ni Robert Guiscard na pumasok sa lungsod nang may suporta sa Papa, at matapos ay kinubkob ang Castel Sant'Angelo.[30]
Sa panahong ito, ang lungsod ay nagsasariling pinamunuan ng isang senatore o patrizio . Noong ika-12 siglo, ang pamamahala na ito, tulad ng ibang mga lungsod sa Europa, ay umunlad at naging komuna, isang bagong anyo ng organisasyong panlipunan na kinokontrol ng mga bagong mayamang uri.[30] Nakipaglaban si Papa Lucio II laban sa komunang Romano, at ang pakikibaka ay ipinagpatuloy ng kaniyang kahalili na si Papa Eugenio III: sa yugtong ito, ang komuna, kaalyado ng aristokrasya, ay suportado ni Arnaldo da Brescia, isang monghe na isang relihiyoso at repormistang panlipunan.[30] Pagkamatay ng papa, si Arnaldo ay dinala ng ibinilanggo ni Adriano IV, at minarkahan ang pagtatapos ng awtonomiya ng komuna.[30] Sa ilalim ni Papa Inocencio III, na ang pamamahala ay minarkahan ang rurok ng papado, nilusaw ng komuna ang senado, at pinalitan ito ng isang Senatore, na napapailalim sa papa.[30]
Sa panahong ito, ang pagkapapa ay gumampan ng isang sekular na halaga sa Kanlurang Europa, na madalas na kumikilos bilang mga tagapamagitan sa pagitan ng mga Kristiyanong monarko at gumagamit ng mga karagdagang kapangyarihang pampolitika.[32][33][34]
Noong 1266, si Carlos ng Anjou, na patungo sa timog upang labanan ang Hohenstaufen sa ngalan ng papa, ay hinirang na Senador. Itinatag ni Carlos ang Sapienza, ang unibersidad ng Roma.[30] Sa panahong iyon namatay ang papa, at ang mga kardinal, na ipinatawag sa Viterbo, ay hindi mapagsang-ayon sa kaniyang kahalili. Nagalit ang mga tao sa lungsod, at tinapyasan ng bubong ang gusali kung saan sila nagtipon hanggang sila ay magnomina ng bagong papa. Minarkahan nito ang pagsilang ng kongklabe.[30] Sa panahong ito ang lungsod ay nasira rin ng tuloy-tuloy na labanan sa pagitan ng mga maharlikang pamilya: Annibaldi, Caetani, Colonna, Orsini, Conti, nakapugad sa kanilang mga kuta na itinayo sa itaas ng mga sinaunang gusaling Romano, at nilabanan ang bawat isa upang makontrol ang papado.[30]
Si Papa Bonifacio VIII, ipinanganak na Caetani, ay ang huling papa na lumaban para sa unibersal na pamumuno ng simbahan; ipinahayag niya ang isang krusada laban sa pamilya Colonna at, noong 1300, tumawag para sa unang Hubileo ng Kristiyanismo, na nagdala ng milyon-milyong peregrino sa Roma.[30] Gayunpaman, ang kaniyang pag-asa ay dinurog ng haring Pransiya na si Felipe ang Patas, na kinulong siya at pinatay sa Anagni.[30] Pagkatapos, isang bagong papa na matapat sa Pranses ang hinalal, at ang papado ay pansamantalang inilipat sa Avignon (1309–1377).[30] Sa panahong ito ay napabayaan ang Roma, hanggang sa isang plebong si Cola di Rienzo, ang iniluklok.[30] Isang idealista at mahilig sa sinaunang Roma, ipinangarap ni Cola ang muling pagsilang ng Imperyong Romano. Matapos angkinin ang kapangyarihang may titulong Tribuno, ang kaniyang mga reporma ay tinanggihan ng mamamayan.[30] Sapilitang pinalayas, si Cola ay bumalik bilang bahagi ng kasamahan ni Kardinal Albornoz, kung kanino pinaubaya ang pagpapanumbalik ng kapangyarihan ng Simbahan sa Italya.[30] Bumalik sa kapangyarihan para sa isang maikling panahon, sa lalong madaling panahon, si Cola ay tinugis ng mamamayan, at sinakop ni Albornoz ang lungsod. Noong 1377, ang Roma ay naging luklukan muli ng papado sa ilalim ni Gregorio XI.[30] Ang pagbabalik ng papa sa Roma sa taong iyon ay nagpakawala ng Paghahating Kanluranin (1377–1418), at sa susunod na apatnapung taon, ang lungsod ay naapektuhan ng mga pagkakahati-hating umuga sa Simbahan.[30]
Noong 1418, inayos ng Konseho ng Constancia ang Paghahating Kanluranin, at isang Romanong papa, si Martin V, ang hinalal.[30] Dinala nito sa Roma ang isang siglo ng panloob na kapayapaan, na minarkahan ang pagsisimula ng Renasimiyento.[30] Ang naghaharing papa hanggang sa unang kalahati ng ika-16 na siglo, mula kay Nicolas V, tagapagtatag ng Aklatang Vaticano, hanggang kay Pío II, humanista at palabasa, mula kay Sixto IV, isang mandirigmang papa, hanggang kay Alejandro VI, imoral at nepotista, mula kay Julio II, sundalo at tagapagtaguyod, hanggang kay Leo X, na nagbigay ng kaniyang pangalan sa panahong ito ("ang siglo ni Leo X"), lahat ay nagbuhos ng kanilang lakas para sa kadakilaan at kagandahan ng Walang-hanggang Lungsod at sa pagtangkilik ng mga sining.[30]
Ang panahon ay kasumpa-sumpa rin dahil sa katiwalian ng mga papa, na may maraming ama na kamag-anak, na kasangkot sa nepotismo at simoniya. Humantong ito sa Repormasyon at, sa kabilang banda, ang Kontra-Reporma ay bunga na rin ng katiwalian ng mga Santo Papa at ang malaking gastos para sa kanilang mga proyekto. Sa ilalim ng kalabisan at kayamanan ng mga papa, ang Roma ay nabago bilang isang sentro ng sining, tula, musika, panitikan, edukasyon, at kultura. Nagawang makipagkumpitensiya ng Roma sa iba pang pangunahing lungsod ng Europa ng panahong iyon sa mga salik ng kayamanan, kadakilaan, mga sining, pag-aaral, at arkitektura.
Lubos na binago ng Renasimiyento ang hitsura ng Roma, na may mga obra tulad ng Pietà ni Michelangelo at mga fresco sa mga Apartamentong Borgia. Narating ng Roma ang rurok na karangalan sa ilalim ni Papa Julio II (1503–1513) at ng mga kahalili na sina Leo X at Clemente VII, kapuwa mga miyembro ng pamilya Medici.
Sa dalawampung taong panahong ito, ang Roma ay naging isa sa pinakadakilang sentro ng sining sa buong mundo. Ang lumang Basilika ng San Pedro na itinayo ni Emperador Dakilang Constantino (na noon ay nasa isang sira-sira nang kalagayan) ay giniba at muling itinayo. Ang lungsod ay naging tahanan ng mga artista tulad ng Ghirlandaio, Perugino, Botticelli, at Bramante, na nagtayo ng templo ng San Pietro in Montorio at nagplano ng isang mahusay na proyekto upang ayusin ang Vaticano. Si Rafael, na sa Roma ay naging isa sa mga pinakatanyag na pintor ng Italya, ay lumikha ng mga fresco sa Villa Farnesina, ang mga Kuwarto ni Rafael, at maraming pang ibang tanyag na pinta. Sinimulan ni Michelangelo ang dekorasyon ng kisame ng Kapilya Sistina at inukit ang sikat na estatwa ng Moises para sa nitso ng Julio II.
Naging mayabong ang ekonomiya nito, dahil na rin sa pagkakaroon ng maraming mananalaping Tuscano, kasama na si Agostino Chigi, na kaibigan ni Rafael at isang tagapagtaguyod ng sining. Bago ang kaniyang maagang pagkamatay, isinulong din ni Rafael sa kauna-unahang pagkakataon ang pangangalaga sa mga sinaunang labi. Ang Digmaan ng Liga ng Cognac ay naging sanhi ng unang pandarambong ng lungsod sa higit sa limang daang taon mula noong nakaraang insidente; noong 1527, dinambong ng mga Landsknecht ni Emperador Carlos V ang lungsod, na nagdulot ng biglaang pagtatapos sa ginintuang panahon ng Renasimiyento sa Roma.[30]
Simula sa Konsilyo ng Trento noong 1545, sinimulan ng Simbahan ang Kontra-Reporma bilang tugon sa Repormasyon. Ito ay isang malakihang alitan hinggil sa awtoridad ng Simbahan sa mga bagay na espiritwal at mga ugnayan sa gobyerno. Ang pagkawala ng kumpiyansang ito ay humantong sa pangunahing pagbabago ng kapangyarihang palayo sa Simbahan.[30] Sa ilalim ng mga papa mula kay Pio IV hanggang sa Sixto V, ang Roma ay naging sentro ng repormang Katolisismo at nakita ang pagbuo ng mga bagong monumento na ipinagdiriwang ang papado.[35] Ang mga papa at kardinal ng ika-17 at unang bahagi ng ika-18 siglo ay nagpatuloy sa kilusan sa pamamagitan ng pagpapayaman sa tanawin ng lungsod ng mga gusaling baroko.[30]
Ito ay isa pang panahon ng nepotismo. Ang mga bagong maharlikang pamilya (Barberini, Pamphili, Chigi, Rospigliosi, Altieri, Odescalchi) ay protektado ng kani-kanilang papa, na nagtayo ng malalaking gusaling baroko para sa kanilang mga kamag-anak.[30] Sa Panahon ng Pagkamulat, ang mga bagong idea ay umabot sa Walang-Hanggang Lungsod, kung saan suportado ng papado ang mga arkeolohikong pag-aaral at pinahusay ang kapakanan ng mga tao.[30] Ngunit hindi lahat ay naging maayos para sa Simbahan sa panahon ng Kontra-Reporma. Mayroong mga kakulangan sa mga pagtatangka na igiit ang kapangyarihan ng Simbahan, isang kapansin-pansin na halimbawa noong 1773 nang pilitin ng mga puwersang sekular si Papa Clemento XIV na usigin ang ordeng Heswita.[30]
Kasalukuyang moderno
Ang pamamahala ng mga Papa ay nagambala ng panandaliang Republikang Romano (1798-1800), na itinaiag sa ilalim ng impluwensiya ng Himagsikang Pranses. Ang mga Estadong ng Simbahan ay naibalik noong Hunyo 1800, ngunit sa panahon ng paghahari ni Napoleon, ang Roma ay isinama bilang isang Département ng Imperyo ng Pransiya: una bilang Département du Tibre (1808-1810) at pagkatapos ay bilang Département Rome (1810–1814). Matapos ang pagbagsak ni Napoleon, ang mga Estadong ng Simbahan ay muling itinatag ng isang desisyon ng Kongreso ng Vienna noong 1814.
Naging pokus ang Roma buhat ng pag-asang mapag-isa ang Italya matapos mapag-isa ang mga natitirang bahagi ng Italya bilang Kaharian ng Italya noong 1861 nang may pansamantalang kapital sa Florencia. Sa taong iyon idineklara ang Roma na kabesera ng Italya kahit na nasa ilalim pa rin ito ng kontrol ng Papa. Noong 1860s, ang huling mga bahid ng mga Estadong Papa ay nasa ilalim ng proteksiyon ng Pransiya buhat ng patakarang panlabas ni Napoleon III. Ang mga hukbo ng Pransiya ay nakadestino sa rehiyon sa ilalim ng kontrol ng Papa. Noong 1870 ang hukbong Pranses ay umatras dahil sa pagsiklab ng Digmaang Prangko-Pruso. Nakuha ng mga hukbong Italyano ang Roma na pumapasok sa lungsod sa pamamagitan ng isang butas malapit sa Porta Pia. Ipinahayag ni Papa Pio IX na siya ay isang bilanggo sa Vaticano. Noong 1871 ang kabesera ng Italya ay inilipat mula sa Florencia patungong Roma.[kailangan ng sanggunian] Noong 1870 ang populasyon ng lungsod ay 212,000, marami na ring nakatira lampas sa mga hangganan ng sinaunang lungsod. Noong 1920, ang populasyon ay 660,000. Ang isang makabuluhang bahagi ay nanirahan sa labas ng mga pader sa hilaga at sa pagtawid ng Tiber sa lugar ng Vaticano.
Makalipas ang ilang sandali matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig, sa huling bahagi ng 1922, nasaksihan ng Roma ang paglakas ng Pasismong Italyano pinangunahan ni Benito Mussolini, na namuno sa isang martsa sa lungsod. Inalis niya ang demokrasya noong 1926, at kalaunan ay nagdeklara ng isang bagong Imperyo ng Italya at nakikipag-alyansa ito sa Alemanyang Nazi noong 1938. Giniba ni Mussolini ang malalaking bahagi ng sentro ng lungsod upang makapagtayo ng malalawak na mga daan at mga plaza upang ipagdiwang ang pasistang rehimen, muling pagkabuhay, at pagluwalhati ng klasikong Roma.[kailangan ng sanggunian] Ang panahon sa pagitan ng mga digmaan ay kakikitaan ng isang mabilis na paglaki ng populasyon ng lungsod na lumampas sa isang milyong naninirahan makalipas ang 1930. Sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, dahil sa mga iniingatan at pinahahalagahang yamang-sining at sa pag-iral ng Vaticano, higit na nakatakas ang Roma sa kalunus-lunos na sinapit ng iba pang lungsod sa Europa. Gayunpaman, noong ika-19 ng Hulyo 1943, ang distrito ng San Lorenzo ay binomba ng mga puwersang Anglo-Amerikano, na nagresulta sa halos 3,000 agarang pagkamatay at 11,000 sugatan kung saan 1,500 pa ang namatay. Si Mussolini ay inaresto noong Hulyo 25. Sa petsa ng Italyanong Armistisyo, 8 Setyembre 1943, ang lungsod ay sinakop ng mga Aleman. Idineklara ng Papa na ang Roma ay isang bukas na lungsod. Ito ay napalaya noong 4 Hunyo 1944.
Ang Roma ay lubos na umunlad pagkatapos ng digmaan bilang bahagi ng "ekonomikong himala ng Italya" buhat ng rekonstruksiyon at modernisasyon noong 1950s at unang bahagi ng 1960. Sa panahong ito, sa mga taon ng la dolce vita ("ang matamis na buhay"), ang Roma ay naging isang kaakit-akit na lungsod, na may mga tanyag na klasikong pelikula tulad ng Ben Hur, Quo Vadis, Roman Holiday, at La Dolce Vita, na kinunan sa tanyag na Estudyong Cinecittà ng lungsod. Ang paglago ng populasyon ay nagpatuloy hanggang sa kalagitnaan ng 1980s nang ang komuna ay mayroong higit sa 2.8 milyong mga residente. Pagkatapos nito, ang populasyon ay mabagal na bumaba nang nagsilipat ang mga tao sa mga kalapit na mga suburb.
EUR (Esposizione Universale Roma)
Ang EUR (inisyal na itinalagang E 42) ay pook pantirahan at pangnegosyo sa timog-kanluran ng sentro ng lungsod. Ang rehiyon ay orihinal na pinili noong 1930s bilang pook ng 1942 World Fair, na planong buksan ni Benito Mussolini upang ipagdiwang ang 20 taon ng pasismo. Ang mga titik na EUR ay nangangahulugang Esposizione Universale Roma. Ang EUR ay idinisenyo rin upang idirekta ang pagpapalawak ng lungsod sa timog-kanluran at dagat at upang maging isang bagong sentro ng lungsod sa Roma. Ang huling disenyo ay ipinakita noong 1939 ngunit dahil sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang eksibisyon ay hindi kailanman nangyari at ang konstruksiyon ay itinigil noong 1942. Matapos ang giyera, ang hindi natapos na mga pasilidad ng EUR ay malubhang napinsala. Gayumpaman, nagpasya ang mga awtoridad ng Roma na ang EUR ay maaaring maging simula ng isang sentro ng negosyo sa lunsod, at ang mga hindi natapos na mga gusali mula sa panahong pasista ay nakumpleto noong 1950s at 1960s. Ang mga mas bagong gusali ay itinayo rin para sa paggamit ng mga tanggapan at serbisyo ng gobyerno, sa gitna ng malalaking hardin at parke. Ang EUR ay halos buong nakumpleto para sa mga Palarong Olimpiko noong 1960.
Pamahalaan
Lokal na pamahalaan
Ang Roma ay bumubuo ng isang komunang speciale, na pinangalanang "Roma Capitale",[36] at ang pinakamalaki kapuwa sa lawak at sa populasyon sa 8,101 comuni ng Italya. Ito ay pinamamahalaan ng isang alkalde at isang konseho ng lungsod. Ang luklukan ng komuna ay ang Palazzo Senatorio sa Burol Capitolino, ang makasaysayang luklukan ng pamahalaang lungsod. Ang lokal na administrasyon sa Roma ay karaniwang tinutukoy bilang "Campidoglio", ang Italyanong pangalan ng burol.
Mga pang-administratibo at lumang paghahati
Mula pa noong 1972, ang lungsod ay hinati sa mga lugar pang-administratibo, na tinatawag na municipi (isahan Municipio) (hanggang 2001 na pinangalanang circoscrizioni).[37] Sa mga kadahilanang pang-administratibo, nilikha ang mga ito upang mapalawig ang desentralisasyon sa lungsod. Ang bawat municipio ay pinamamahalaan ng isang pangulo at isang konseho ng dalawampu't limang miyembro na inihahalal ng mga residente nito bawat limang taon. Ang municipi ay madalas na tumatawid sa mga hangganang tradisyonal, di-pang-administratibong mga dibisyon ng lungsod. Ang municipi ay orihinal na 20, pagkatapos ay ginawang 19,[38] at noong 2013, ang kanilang bilang ay binawasan at naging 15.[39]
Ang Roma ay nahahati rin sa magkakaibang uri ng mga di-administratibong yunit. Ang makasaysayang sentro ay nahahati sa 22 rioni, na ang lahat ay matatagpuan sa loob ng mga Pader Aureliano maliban sa Prati at Borgo. Nagmula ang mga ito mula sa 14 na rehiyon ng Augustong Roma, na binago noong Gitnang Kapanahunan hanggang maging medyebal na rioni.[40] Sa Renasiiyento, sa ilalim ng Papa Sixto V, umabot ulit sa labing-apat, at ang kanilang mga hangganan sa wakas ay itinakda sa ilalim ni Papa Benedicto XIV noong 1743.
Naging pansamantala ang isang bagong pagkakahati ng lungsod sa ilalim ni Napoleon, at walang seryosong pagbabago sa pag-oorganisa ng lungsod hanggang noong 1870 nang ang Roma ay naging ikatlong kabesera ng Italya. Ang mga pangangailangan ng bagong kabesera ay humantong sa isang matinding paglaki kapuwa sa urbanisasyon at sa populasyon sa loob at labas ng mga pader Aureliano. Noong 1874, isang labinlimang rione, ang Esquilino, ay nilikha sa bagong urbanisadong sona ng Monti. Sa simula ng ika-20 siglo, ang iba pang rioni ay nilikha (ang huli ay si Prati–ang nag-iisa sa labas ng mga Pader ni Papa Urbano VIII–noong 1921). Pagkatapos, para sa mga bagong pagkakahating pang-administratibo ng lungsod, ginamit na ang terminong "quartiere". Ngayon ang lahat ng rioni ay bahagi ng unang Municipio, na samakatuwid ay ganap na nag-tutugma sa makasaysayang lungsod (Centro Storico).
Kalakhang at panrehiyong pamahalaan
Ang Roma ay ang pangunahing bayan ng Kalakhang Lungsod ng Roma Capital, na sinimulang pairalin noong Enero 1, 2015. Pinalitan ng Kalakhang Lungsod ang dating provincia di Roma, na kinabibilangan ng lugar ng kalakhang kinasasakupan ng lungsod at umaabot pa sa hilaga hanggang sa Civitavecchia. Ang Kalakhang Lungsod ng Roma ang may pinakamalaking lupaing sakop sa Italya. Sa 5,352 square kilometre (2,066 mi kuw), ang mga sukat nito ay maihahambing sa rehiyon ng Liguria. Bukod dito, ang lungsod ay ang kabesera rin ng rehiyon ng Lazio.[41]
Kahit na ang sentro ng lungsod ay nasa 24 kilometro (15 mi) papaloob mula sa Daga Tireno, ang teritoryo ng lungsod ay sakop hanggang sa baybayin na kung saan naroon ang timog-kanlurang distrito ng Ostia. Ang altitudo ng sentrong bahagi ng Roma ay mula 13 metro (43 talampakan) taas mulasa nibel ng dagat (sa kinatatayuan ng Panteon) hanggang 139 metro (456 talampakan) taas mulasa nibel ng dagat (sa tuktok ng Monte Mario).[42] Ang Komuna ng Roma ay sumasakop sa kabuuang lawak ng 1,285 kilometro kuwadrado (496 me kuw), kasama ang maraming parke at mapupunong lugar.
Topograpiya
Sa buong kasaysayan ng Roma, ang mga hangganan ng lungsod ay itinuturing na lugar sa loob ng mga pader ng lungsod. Orihinal, ang mga ito ay binubuo ng Pader Serviano, na itinayo labindalawang taon pagkatapos ng pandarambong ng mga Galo sa lungsod noong 390 BK. Naglalaman ito ng karamihan sa mga burol ng Esquilino at Celio, pati na rin sa kabuuan ng natitirang lima. Lumaki ng Roma labas ng Pader Serviano, ngunit wala nang pader ang itinayo hanggang sa halos 700 taong lumipas, nang, noong 270 AD, sinimulan ng Emperor Aureliano ang pagtatayo ng mga Pader Aureliano. Ito ay halos 19 kilometro (12 mi) haba, at naging pader pa rin na kinailangang butasin ng mga hukbo ng Kaharian ng Italya noong 1870. Ang urbanong kinasasakupan ng lungsod ay hinahati sa dalawa sa pamamagitan ng daang singsing nito, ang Grande Raccordo Anulare ("GRA"), na natapos noong 1962, kung saan binilog ang sentro ng lungsod sa distanisya na mga 10 kilometro (6 mi). Bagaman nang nakumpleto ang singsing ang karamihan sa mga bahagi ng lugar na tinitirhan ay napapaloob nito (bukod sa dating nayon ng Ostia, na nasa baybayin ng Tireno), may mga baryo na ng lungsod na itinayo hanggang sa 20 kilometro (12 mi) lagpas nito.
Sakop ng komuna ang isang lugar na halos tatlong beses sa kabuuang lugar sa loob ng Raccordo at maihahalintulad sa lugar sa buong kalakhang lungsod ng Milano at Napoles, at sa isang lugar na anim na beses na laki ng teritoryo ng mga lungsod na ito. Kasama rin dito ang malalaking lugar ng inabandunang latiang hindi angkop para sa agrikultura o para sa kaunlarang urbano.
Bilang kahihinatnan, ang densidad ng komuna ay hindi ganoon kataas, ang teritoryo nito ay nahahati sa pagitan ng mga matataong lugar at mga lugar na itinalaga bilang mga parke, mga reserbang pangkalikasan, at pang-agrikultura.
Ang pangkaraniwang taunang temperatura ay higit sa 21 °C (70 °F) sa araw at 9 °C (48 °F) sa gabi. Sa pinakamalamig na buwan, Enero, ang pangkaraniwang temperatura ay 12.6 °C (54.7 °F) sa araw at 2.1 °C (35.8 °F) sa gabi. Sa pinakamainit na buwan, Agosto, ang pangkaraniwan temperatura ay 31.7 °C (89.1 °F) sa araw at 17.3 °C (63.1 °F) sa gabi.
Disyembre, Enero, at Pebrero ang mga pinakamalamig na buwan, na may pang-araw-araw na temperatura na tinatayang 8 °C (46 °F). Ang mga temperatura sa mga buwang ito sa pangkalahatan ay nag-iiba sa pagitan ng 10 at 15 °C (50 at 59 °F) sa araw at sa pagitan ng 3 at 5 °C (37 at 41 °F) sa gabi, na may mas malamig o mas maiinit na rurok na madalas na nangyayari. Ang pag-ulan ng niyebe ay bihira, na may mahihinang pag-ulan o bugso na nangyayari sa ilang taglamig. Sa pangkalahatan nang walang akumulasyon, at ang mga malakas na pag-ulan ng niyebe ay bihira (ang mga pinakahuling nangyari ay noong 2018, 2012, at 1986).[44][45][46]
Ang pangkaraniwang relatibong kahalumigmigan ay 75%, nag-iiba mula 72% sa Hulyo hanggang 77% sa Nobyembre. Ang temperatura ng dagat ay nag-iiba mula sa isang mababang 13.9 °C (57.0 °F) sa Pebrero sa isang mataas na 25.0 °C (77.0 °F) sa Agosto.[47]
Noong 550 BK, ang Roma ang pangalawang pinakamalaking lungsod sa Italya, kung saan ang Tarentum ang pinakamalaki. Mayroon itong lugar na humigit-kumulang na 285 ektarya (700 akre) at tinatayang populasyon na 35,000. Ang iba pang nagmumukhahi ay naglalatag ng populasyon na nasa ilalim lamang ng 100,000 mula 600 hanggang 500 BK.[49][50] Nang maitatag ang Republika noong 509 BK ang senso ay nagtala ng populasyon na 130,000. Kasama sa republika ang mismong lungsod at ang agarang nakapalibot. Ang iba pang sanggunian ay nagmumungkahi ng isang populasyon ng 150,000 noong 500 BK. Lumagpas ito sa 300,000 noong 150 BK.[51][52][53][54][55]
Ang laki populasyon ng lungsod sa panahon ng Emperador Augusto ay pagtatantiya, na mayroong mga batay sa pamamahagi ng palay, pag-angkat ng palay, kapasidad ng akwedukto, hangganan ng lungsod, kapal ng populasyon, mga ulat sa senso, at mga pagpapalagay tungkol sa bilang ng mga hindi naiulat na kababaihan, bata, at mga alipin na nagbibigay ng isang napakalawak na saklaw. Tinantiya ni Glenn Storey ang 450,000 katao, tinatantiya ng Whitney Oates ang 1.2 milyon. Nagbibigay si Neville Morely ng isang malabong pagtatantiya ng 800,000 at ibinukod ang naunang mga mungkahi ng 2 milyon.[56][57][58][59] Paiba-iba ang mga tantiya ng populasyon ng lungsod. Tinantiya ni A.H.M. Jones ang populasyon sa 650,000 sa kalagitnaan ng ikalimang siglo. Ang pinsalang dulot ng mga pandarambong ay maaaring pagmamalabis. Ang populasyon ay nagsimula nang lumiit mula sa huling bahagi ng ika-apat na siglo pataas, bagaman sa kalagitnaan ng ikalimang siglo, tila ang Roma ay nananatiling pinakapopular na lungsod ng dalawang bahagi ng Imperyo.[60] Ayon kay Krautheimer malapit pa rin ito sa 800,000 noong 400 AD; at bumaba sa 500,000 noong 452, at marahil bumababa pa sa 100,000 noong 500 AD. Matapos ang mga Digmaang Gotiko, 535–552, ang populasyon ay maaaring bumulusok pansamantala sa 30,000. Sa panahon ng papado ni Papa Gregorio I (590-604), maaaring umabot ito sa 90,000, na dinagdagan ng mga takas.[61] Tinantiya ni Lancon na 500,000 ang populasyon batay sa bilang ng 'incisi' na nakatala bilang karapat-dapat makatanggap ng mga rasyon ng tinapay, langis, at vino; ang bilang ay bumagsak sa 120,000 sa reporma ng 419.[62] Si Neil Christie, na sumasangguni sa libreng rasyon para sa pinakamahirap, ay nagtantiya ng 500,000 sa kalagitnaan ng ikalimang siglo at isang sangkapat pa rin ng isang milyon sa pagtatapos ng siglo.[63] Ang Nobela 36 ni Emperador Valentiniano III ay nagtala ng 3.629 milyong libra ng baboy na ibabahagi sa mga nangangailangan sa 5 libra bawat buwan para sa limang buwan ng taglamig, sapat para sa 145,000 na tatanggap. Ginamit ito upang magmungkahi ng populasyon na mas mababa sa 500,000 lamang. Ang mga daloy ng butil ay nanatiling matatag hanggang sa pag-agaw ng mga natitirang lalawigan ng Hilagang Africa noong 439 ng mga Bandalo, at maaaring bahagyang nagpatuloy nang ganito. Ang populasyon ng lungsod ay bumulusok pa sa mas mababa sa 50,000 katao noong Maagang Gitnang Kapanahunan mula 700 AD pataas. Nagpatuloy ito sa pagtimik o pag-urong hanggang sa Renasimiyento.[64]
Nang salakayin ng Kaharian ng Italya ang Roma noong 1870, ang lungsod ay may populasyon na humigit-kumulang 225,000. Mas mababa sa kalahati ng lungsod sa loob ng mga pader ang naitayo noong 1881 nang ang populasyon na naitala ay 275,000. Ito ay tumaas sa 600,000 sa bisperas ng Unang Digmaang Pandaigdig. Sinubukan ng pasistang rehimen ng Mussolini na pigilan ang labis na pagtaas ng demograpiko ng lungsod ngunit nabigong pigilan ito nang maabot ang isang milyong katao noong unang bahagi ng 1930.[kailangang linawin] Nagpatuloy ang paglaki ng populasyon pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa pamamagitan ng paglakas ng ekonomiya pagkatapos ng giyera. Ang pagdami ng konstruksiyon ay lumikha din ng maraming suburb noong 1950s at 1960s.
Noong kalagitnaan ng 2010, mayroong 2,754,440 residente sa mismong lungsod, habang ilang 4.2 milyong katao pa ang nanirahan sa mas malawak na lugar ng Roma (na maaaring ituring bilang bahagi ng administratibong kalakhang lungsod, na may densidad ng populasyon na halos 800 mga naninirahan/km2 na saklaw ang 5,000 km2 (1,900 mi kuw)). Ang mga menor de edad (batang may edad 18 at mas bata) ay umabot sa 17.00% ng populasyon kumpara sa mga pensiyonado na may bilang na 20.76%. Kumpara ito sa pangkaraniwan sa Italya na 18.06% (menor de edad) at 19.94% (pensiyonado). Ang pangkaraniwang edad ng isang residenteng Romano ay 43 kumpara sa pangkaraniwan sa Italya na 42. Sa limang taon sa pagitan ng 2002 at 2007, ang populasyon ng Roma ay lumago nang 6.54%, habang ang Italya sa kabuuan ay lumago ng 3.56%.[65] Ang kasalukuyang tantos ng kapanganakan ng Roma ay 9.10 ipinapanganak sa bawat 1,000 naninirahan kumpara sa pangkaraniwan sa Italya na 9.45 ang ipinapanganak.
Ang urbanong sakop ng Roma ay lumalagpas sa mga administratibong hangganan lungsod na may populasyon na halos 3.9 milyon.[66] Sa pagitan ng 3.2 at 4.2 milyong tao ang naninirahan sa metropolitanong sakop ng Roma.[67][68][69][70][71]
Mga pangkat-etniko
Ayon sa pinakabagong estadistikang isinasagawa ng ISTAT, humigit-kumulang na 9.5% ng populasyon ay binubuo ng mga hindi Italyano. Halos kalahati ng populasyong migrante ay binubuo ng iba`t ibang pinagmulan sa Europa (higit sa lahat Rumano, Polako, Ukranyo, at Albanes) na bilang ng pinagsamang kabuuang 131,118 o 4.7% ng populasyon. Ang natitirang 4.8% ay may di-Europeong pinagmulan, higit sa lahat ang mga Pilipino (26,933), Bangladesi (12,154), at Tsino (10,283).
Ang Esquilinorione, sa labas ng Himpilan ng Tren ng Termini, ay umunlad sa isang malakihang kapitbahayan ng mga migrante. Ito ay tinutukoy bilang Chinatown ng Roma. Ang mga migrante mula sa higit sa isang daang iba't ibang bansa ay naninirahan doon. Isang komersiyal na distrito, naglalaman ang Esquilino ng mga restawran na nagtatampok ng maraming uri ng lutuing pandaigdigan. May mga tindahan ng pakyawan sa damit. Sa 1,300 o higit pang komersiyal na establisimiyento sa distrito, 800 ay pag-aari ng mga Tsino; bandang 300 ay pinamamahalaan ng mga migrante mula sa ibang bansa sa buong mundo; 200 ang pagmamay-ari ng mga Italyano.[72]
Tulad ng natitirang bahagi ng Italya, ang Roma ay higit sa lahat ay Kristiyano, at ang lungsod ay naging isang mahalagang sentro ng relihiyon at peregrinasyon sa loob ng maraming siglo. Narito ang batayan ng sinaunang relihiyon ng Roma na may pontifex maximus at kalaunan, ito ang naging luklukan ng Vaticano at ng papa. Bago dumating ang mga Kristiyano sa Roma, ang Religio Romana (literal, ang "Relihiyong Romano") ay ang pangunahing relihiyon ng lungsod sa klasikong sinaunang panahon. Ang mga unang diyos na itinatalaga ng mga Romano ay si Hupiter, ang Kataas-taasan, at si Marte, ang diyos ng giyera, at ama ng mga kambal nagtatag ng Roma, sina Romulus at Remus, ayon sa tradisyon. Ang ibang mga diyos tulad nina Vesta at Minerva ay pinarangalan. Kumalat din sa Roma ang maraming misteryong kulto, tulad ng Mitraismo. Sa kalaunan, matapos maging martir sa lungsod sina San Pedro at San Pablo, at ang unang mga Kristiyano ay nagsimulang dumating, ang Roma ay naging Kristiyano, at ang Lumang Basilika ni San Pedro ay itinayo noong 313 AD. Sa kabila ng ilang pagkakagambala (tulad ng papado sa Avignon), ang Roma ay ilang daang siglo nang tahanan ng Simbahang Katolika Romana at ng Obispo ng Roma, na kilala bilang Papa.
Sa mga nagdaang taon, nagkaroon ng paglago sa pamayanang Muslim ng Roma, higit sa lahat dahil sa imigrasyon mula sa Hilagang Africa at Gitnang Silangan papunta sa lungsod.[kailangang linawin] Bilang resulta ng pagtaas ng mga lokal na tagapagsanay ng pananampalatayang Islam, isinulong ng komuna ang pagtatayo ng Mosque ng Roma, na kung saan ito ang pinakamalaking mosque sa Kanlurang Europa, na dinisenyo ng arkitektong si Paolo Portoghesi at pinasinayaan noong Hunyo 21, 1995. Mula nang natapos ang Republikang Romano, ang Roma ay sentro rin ng isang mahalagang pamayanan ng mga Hudyo,[79] na dating nakabase sa Trastevere, at kalaunan sa Ghetto ng Roma. Nariyan din ang pangunahing sinagoga sa Roma, ang Tempio Maggiore.
Ang teritoryo ng Lungsod ng Vaticano ay bahagi ng Mons Vaticanus (Burol Vaticano), at ng katabing dating Parang ng Vaticano, kung saan ang Basilika ni San Pedro, ang Apostolikong Palasyo, ang Kapilya Sistina, at mga museo ay itinayo, kasama ang iba`t ibang gusali. Ang lugar ay bahagi ng Romanong rione ng Borgo hanggang 1929. Bilang hiwalay mula sa lungsod sa kanlurang pampang ng Tiber, ang lugar ay isang suburb na protektado dahil pinaloob sa mga pader ni Leo IV, na kalaunan ay pinalawak ang hanggang sa kasalukuyang kutang pader nina Pablo III, Pio IV, at Urbano VIII.
Nang iniaayos ang Tratadong Letran na lumikha estado ng Vaticano noong 1929, ang mga hangganan ng iminungkahing teritoryo ay naiimpluwensiyahan buhat ng kalakhan nito ay napapaloob sa pabilog na ito. Walang pader sa ilang hangganan, ngunit ang linya ng ilang gusali ang ginagamit na bahagi ng hangganan, at mayroon ding maliit na bahagi ng bagong pader na itinayo.
Kasama sa teritoryo ang Piazza San Pietro, na hiwlay mula sa teritoryo ng Italya sa pamamagitan lamang ng isang puting linya sa hangganan ng plaza, kung saan ang hangganan ay sa Piazza Pio XII. Ang Piazza San Pietro ay naabot sa pamamagitan ng Via della Conciliazione, na mula sa Tiber hanggang sa Basilika ni San Pedro. Ang engrandeng tunguhin na ito ay dinisenyo ng mga arkitektong sina Piacentini at Spaccarelli, sa mga tagubilin ni Benito Mussolini at alinsunod sa simbahan, matapos ng Tratadong Letran. Ayon sa Kasunduan, ang ilang mga pag-aari ng Banal na Luklukan na matatagpuan sa teritoryo ng Italya, higit sa lahat ang Papal na Palasyo ng Castel Gandolfo at mga basilika mayor, ay nagtatamasa ng katayuang ekstrateritoryal na katulad ng mga banyagang embahada.
Peregrinasyon
Ang Roma ay naging pangunahing pook ng peregrinasyong Kristiyano mula pa noong Gitnang Kapanahunan. Ang mga tao mula sa buong Kakristiyanuhan ay bumibisita sa Lungsod ng Vaticano, sa loob ng lungsod ng Roma, ang luklukan ng papado. Ang lungsod ay naging isang pangunahing lugar ng peregrinasyon sa panahon ng Gitnang Kapanahunan. Liban sa maikling panahon bilang isang malayang lungsod sa panahon ng Gitnang Panahon, pinanatili ng Roma ang katayuan nito bilang Papal na kabesera at banal na lungsod sa loob ng maraming siglo, kahit na noong sandaling lumipat ang Papado sa Avignon (1309–1377). Naniniwala ang mga Katoliko na ang Vaticano ay ang huling hantungan ni San Pedro.
Ang mga peregrinasyon sa Roma ay maaaring may kasamang mga pagbisita sa maraming pook, kapuwa sa loob ng Lungsod ng Vaticano at sa teritoryo ng Italya. Ang isang tanyag na pinupuntahan ay ang hagdanan ni Pilato. Ayon sa tradisyong Kristiyano ito ay ang mga hakbang na humantong sa praetorium ng Poncio Pilato sa Herusalem, na kung saan tumayo si Hesukristo sa kaniyang Pasyon hapapunta sa kaniyang hatol.[80] Ang mga hagdan ay sinasabing dinala sa Roma ni Elena ng Constantinopla noong ika-apat na siglo. Sa loob ng daang siglo, ang Scala Santa ay umakit ng mga Kristiyanong peregrino na nagnanais na parangalan ang Pasyon ni Hesus. Kasama sa iba pang lugar na pinupuntahan ng mga peregrino ay ang catacumba na itinayo noong panahong imperyal, kung saan nagdarasal ang mga Kristiyano, inilibing ang kanilang mga patay, at nagsagawa ng pagsamba sa mga panahon ng pag-uusig, at iba't ibang pambansang simbahan (kasama ng mga ito ang San Luigi dei francesi at Santa Maria dell'Anima), o mga simbahang nauugnay na may indibidwal na mga ordeng panrelihiyon, tulad ng sa mga HeswitaSimbahan ng Gesù at Sant'Ignazio.
Ang arkitektura ng Roma sa mga nagdaang siglo ay lubos na umunlad, lalo na mula sa mga estilong Klasiko at Imperyal Romano hanggang sa modernong arkitekturang pasista. Ang Roma ay isa noong sentro ng arkitekturang klasiko, na bumuo ng mga bagong anyo tulad ng arko, simboryo, at boveda.[82] Ang estilong Romaniko noong ika-11, ika-12, at ika-13 siglo ay malawakang ginamit din sa arkitekturang Romano, at kalaunan ang lungsod ay naging isa sa pangunahing sentro ng arkitekturang Renasimiyento, Baroko, at Neoklasiko.[82]
Ang mga tanyag na kuwarto ng lungsod ng medieval, na matatagpuan higit sa lahat sa paligid ng Capitolino, ay lubos na giniba sa pagitan ng pagtatapos ng ika-19 na siglo at ng panahong pasista, ngunit maraming kapansin-pansin na mga gusali ang nananatili. Ang mga Basilika na nagmula pa sa sinaunang Kristiyanismo ay gaya ng Santa Maria la Mayor at San Pablo Extramuros (ang huli ay muling itinayo noong ika-19 na siglo), kapuwa naglalaman ng mga mosaic ng ika-apat na siglo AD. Kapansin-pansin sa kalaunan ang mga medyebal na mosaic at fresco na matatagpuan din sa mga simbahan ng Santa Maria in Trastevere, Santi Quattro Coronati, at Santa Prassede. Kasama sa mga sekular na gusali ang mga tore, ang pinakamalaki ay ang Torre delle Milizie at Torre dei Conti, kapuwa katabi ng Forum ng Roma, at ang malaking panlabas na hagdanan patungo sa basilika ng Santa Maria in Aracoeli.
Noong 1870, ang Roma ang naging kabeserang lungsod ng bagong Kaharian ng Italya. Sa panahong ito, ang neoklasisismo, isang estilo ng arkitektura na naiimpluwensiyahan buhat ng arkitektura ng unang panahon, ang naging pangunahing impluwensiya sa arkitekturang Romano. Sa panahong ito, maraming dakilang palasyo sa neoklasikong estilo ang itinayo upang maging luklukan ng mga ministeryo, embahada, at iba pang mga ahensiya ng gobyerno. Ang isa sa mga kilalang simbolo ng Romanong neoklasisismo ay ang Monumento ni Vittorio Emanuele II o "Altar ng Ama ng Bayan", kung saan matatagpuan ang Libingan ng Di-kilalang Sundalo, na kumakatawan sa 650,000 Italyanong sundalo na namatay sa Unang Digmaang Pandaigdig.
Ekonomiya
Bilang kabesera ng Italya, ang Roma ay tahanan ng lahat ng punong institusyon ng bansa, kabilang ang Pagkapangulo ng Republika, ang gobyerno (at ang solong Ministeri), ang Parlamento, ang pangunahing korteng panghukuman, at ang mga kinatawang diplomatiko ng lahat ng mga bansa para sa estado ng Italya at sa Lungsod ng Vaticano. Maraming pandaigdigang institusyon ang matatagpuan sa Roma. Kapansin-pansin ang mga pangkultura at pang-agham, tulad ng Suriang Amerikano, Paaralang Briton, Akademyang Pranses, mga Suriang Escandinava, at Suriang Arkeolohikong Aleman. Mayroon ding mga dalubhasang ahensiya ng mga Nagkakaisang Bansa, tulad ng Organisasyon ng Pagkain at Agrikultura (Food and Agriculture Organization o FAO). Nasa Roma rin mga pangunahing pandaigdigang organisasyong pampolitika at pangkultura, tulad ng Pandaigdigang Pondo para sa Kaunlarang Agrikultural (International Fund for Agricultural Development o IFAD), Pandaigdigang Program sa Pagkain (World Food Programme o WFP), ang Kolehiyong Pangdepensa ng NATO (NATO Defense College) at ang Pandaigdigang Sentro para sa Pag-aaral ng Pagpapanatili at Pagpapanumbalik ng Pagmamay-aring Pangkultura (International Centre for the Study of the Preservation and Restoration of Cultural Property o ICCROM).
Edukasyon
Ang Roma ay isang pangunahing pambansa at pandaigdigang sentro para sa mas mataas na edukasyon, at naglalaman ng maraming akademya, kolehiyo, at unibersidad. Ipinagmamalaki nito ang sari-saring akademya at kolehiyo, at itinuturing ito bilang isang pangunahing sentrong intelektuwal at pang-edukasyon sa buong mundo, lalo noong panahon ng Sinaunang Roma at ng Renasimiyento, kasama ang Florencia.[83] Ayon sa City Brands Index, ang Roma ay itinuturing na pangalawa sa pinakamakasaysayan, pinakaaral, at pinakakultural na kabigha-bighani at magandang lungsod.[83]
Maraming unibersidad at kolehiyo sa Roma Ang unang unibersidad nito, ang La Sapienza (itinatag noong 1303), ay isa sa pinakamalaki sa buong mundo, na may higit sa 140,000 dumadalong mag-aaral; noong 2005, inihanay ito bilang ang ika-33 pinakamahusay na unibersidad sa Europa[84] at noong 2013 ang Pamantasang Sapienza ng Roma ay ang ika-62 sa buong mundo at nangunguna sa Italya sa World University Rankings[85] at may katayuan bilang isa sa pangunahing 50 sa Europa at pangunahing 150 pinakamahusay na kolehiyo sa buong mundo.[86] Upang mabawasan ang kasikipan sa La Sapienza, dalawang bagong pamantasang pampubliko ang itinatag noong mga huling dekada: Tor Vergata noong 1982, at Roma Tre noong 1992. Nasa Roma rin ng LUISS School of Government,[87] pinakamahalagang gradwadong unibersidad ng Italya sa mga larangan ng mga ugnayang panlabas at araling Europeo pati na rin ang LUISS Business School, ang pinakamahalagang paaralan ng negosyo sa Italya. Ang Rome ISIA ay itinatag noong 1973 ni Giulio Carlo Argan at ang pinakalumang institusyon ng Italya sa larangan ng disenyong pang-industriya.
Kultura
Aliwan at sining-pagtatanghal
Ang Roma ay isang mahalagang sentro para sa musika, at mayroon itong matinding eksenang musikal, kabilang ang maraming prestihiyosong konserbatoryong pangmusika at sinehan. Kabilang dito nag Accademia Nazionale di Santa Cecilia (itinatag noong 1585), kung saan ang mga bagong bulwagang konsiyerto nito ay itinayo sa bagong Parco della Musica, isa sa pinakamalaking pinagdadausan ng musika sa buong mundo. Ang Roma ay mayroon ding isang opera house, ang Teatro dell'Opera di Roma, pati na rin ang ilang mga maliliit na institusyong musikal. Isinagawa rin dito ang sa Paligsahang Pang-awitin ng Eurovision noong 1991 at ang MTV Europe Music Awards noong 2004.
Nagkaroon din ng kapansing-pansing epekto ang Roma sa kasaysayan ng musika. Ang Paaralang Romano ay isang pangkat ng mga kompositor ng primaryang sagradong muskika, na aktibo sa lungsod noong ika-16 at ika-17 siglo, samakatuwid ay sumasaklaw sa huling bahagi ng Renasimiyento at maagang panahon ng Baroko. Ang termino ay tumutukoy din sa musikang kanilang ginawa. Marami sa mga kompositor ay may direktang koneksiyon sa Vaticano at sa kapilya ng papa, kahit na nagtatrabaho sila sa maraming simbahan. Sila ay madalas na naiiba sa mga kompositor ng Paaralang Veneciano, isang kasabay na kilusan na mas naging progresibo. Sa ngayon ang pinakatanyag na kompositor ng Paaralang Romano ay si Giovanni Pierluigi da Palestrina, na ang pangalan ay naiugnay sa loob ng apat na raang taong may makinis, malinaw, perpekto, at polyfoniang perpeksiyon. Gayunpaman, may iba pang kompositor na nagtatrabaho sa Roma, at sa iba't ibang estilo at anyo.
Turismo
Ang Roma ngayon ay isa sa pinakamahalagang tunguhin ng mga turista sa mundo, dahil sa di-mabilang na mga arkeolohikal at artistikong kayamanan nito, pati na rin para sa kagandahan ng mga natatanging tradisyon nito, kagandahan ng mga malalawak na tanawin, at karangyaan ng kamangha-mangha nitong mga "villa" (mga parke). Kabilang sa mga pinakamahalaga rito ay ang maraming museo–Musei Capitolini, ang mga Museo ng Vaticano, at ang Galleria Borghese at iba pa na nakatuon sa moderno at kapanahon na sining–mga akwedukto, balong, simbahan, palasyo, makasaysayang, mga monumento at mga labi ng Forum ng Roma, at ang Catacumba. Ang Roma ang pangatlong pinakabinibisitang lungsod sa EU, pagkatapos ng Londres at Paris, at tumatanggap ng tinatayang na 7-10 milyong turista sa isang taon, na kung minsan ay dumodoble sa mga banal na taon. Ang Koliseo (4 milyong turista) at ang Museong Vaticano (4.2 milyong turista) ang ika-39 at ika-37 (ayon sa pagkakasunud-sunod) na pinakapinapasyal na mga lugar sa mundo, ayon sa isang kamakailang pag-aaral.[88]
Naglalaman ang Roma ng isang malawak at kamangha-manghang koleksiyon ng sining, eskultura, balong, mosaic, fresco, at mga pinta, mula sa lahat ng iba't ibang panahon. Ang Roma ay unang naging isang pangunahing masining na sentro sa panahon ng sinaunang Roma, na may mga porma ng mahalagang Romanong sining tulad ng sa arkitektura, pagpipinta, eskultura, at gawaing mosaic. Ang gawaing metal, pagpapanday ng barya, at pag-ukit ng hiyas, mga larawang garing, salaming pigurin, palayok, at mga guhit sa libro ay itinuturing na iba pang likha sa Roma.[93] Nang maglaon ang Roma ay naging isang pangunahing sentro ng sining ng Renasimiyento, dahil ang mga papa ay gumastos ng malaking halaga para sa mga konstruksiyon ng matatayog na basilika, palasyo, piazza, at mga pampublikong gusali sa pangkalahatan. Ang Roma ay naging isa sa mga pangunahing sentro ng likhang sining ng Renasimiyento sa Europa, pangalawa lamang sa Florencia, at maihahalintulad sa iba pang pangunahing lungsod at sentro ng kultura, tulad ng Paris at Venezia. Ang lungsod ay malubhang naapektuhan ng baroko, at ang Roma ay naging tahanan ng maraming artista at arkitekto, tulad nina Bernini, Caravaggio, Carracci, Borromini, at Cortona.[93] Noong huling bahagi ng ika-18 siglo at simula ng ika-19 na siglo, ang lungsod ay isa sa mga sentro ng Dakilang Pasyal,[94] na kung saan ang nakababata at mayayamang Ingles at iba pang mga aristokrata sa Europa ay bumisita sa lungsod upang alamin ang sinaunang kultura, sining, pilosopiya, at arkitektura ng Roma. Naging tahanan din ang Roma ng maraming neoklasiko at rococo na artista, tulad nina Pannini at Bernardo Bellotto. Ngayon, ang lungsod ay isang pangunahing sentro ng sining, na may maraming suriang pansining[94] at mga museo.
Tanaw sa loob ng Koliseo
Ang Roma ay may lumalagong kaban ng kontemporaneo at modernong sining at arkitektura. Ang Pambansang Galeriya ng Modernong Sining ay may mga obra nina Balla, Morandi, Pirandello, Carrà, De Chirico, De Pisis, Guttuso, Fontana, Burri, Mastroianni, Turcato, Kandisky, at Cézanne sa permanenteng eksibisyon. Sa 2010 binuksan ang pinakabagong pundasyon ng sining ng Roma, isang napapanahong sining at arkitektura ng galeriya na idinisenyo ng kinikilalang Iraqi na arkitektong si Zaha Hadid. Kilala bilang MAXXI - Pambansang Museo ng Sining ng Ika-21 SIglo binabalik nito ang isang sira na lugar na may kapansin-pansin na modernong arkitektura. Nagtatampok ang Maxxi[95] ng campus na nakatuon sa kultura, mga pang-eksperimentong mga laboratoryo sa pananaliksik, palitan sa internasyonal at pag-aaral at pagsasaliksik. Ito ay isa sa pinakaambisyosong modernong proyekto sa arkitektura kasabay ng Auditorium Parco della Musica ni Renzo Piano[96] at Rome Convention Center, Centro Congressi Italia EUR, sa distrito ng EUR, Massimiliano Fuksas na magbubukas sa 2016.[97] Tampok sa convention center ang isang malaking translucent na lalagyan sa loob kung saan nasuspinde ang isang estrukturang bakal at teflon na kahawig ng ulap at naglalaman ng mga silid pagpupulong at isang awditoryum na may dalawang piazza na nagbubukas sa kapitbahayan sa magkabilang panig.
Moda
Ang Roma ay malawak ding kinikilala bilang isang kabesera ng moda. Bagaman hindi ganoong kasinghalaga ng Milano, ang Roma ang pang-apat na pinakamahalagang sentro para sa moda sa buong mundo, ayon sa 2009 Global Language Monitor pagkatapos ng Milano, Bagong York, at Paris, na hinigitan pa ang Londres.[98] Ang mga pangunahing marangyang brand ng moda at alahas, tulad ng Valentino, Bulgari, Fendi,[99]Laura Biagiotti, Brioni, at Renato Balestra, ay may punong tanggapan o tinatag sa lungsod. Ang iba pang pangunahing label, tulad ng Gucci, Chanel, Prada, Dolce & Gabbana, Armani, at Versace ay may boutique sa Roma, pangunahin kasama ang prestihiyoso at marangyang Via dei Condotti.
Lutuin
Ang lutuin ng Roma ay umunlad sa daang siglo at panahon ng mga pagbabago sa lipunan, kultura, at politika. Ang Roma ay naging pangunahing sentrong gastronomo sa sinaunang Panahon. Ang sinaunang lutuing Romano ay lubos na naimpluwensiyahan ng kultura ng Sinaunang Griyego, at pagkatapos, ang lubos na pagpapalawak ng imperyo ay nagbukas sa mga Romano sa maraming bago, pamprobinsiyang gawi at paraan ng pagluluto. Nang maglaon, sa panahon ng Renasimiyento, ang Roma ay naging kilala bilang isang sentro ng altang lutuin, dahil ang ilan sa pinakamahusay na chef ng panahong iyon ay nagtatrabaho para sa mga papa. Ang isang halimbawa nito ay si Bartolomeo Scappi, na isang chef na nagtatrabaho para kay Pio IV sa kusina ng Vaticano. Natamo niya ng katanyagan noong 1570 nang mailathala ang kaniyang librong lutuing Operadell'arte del cucinare. Nagtala siya sa aklat ng humigit-kumulang na 1000 recipe ng lutuing Renasimiyento at inilarawan ang mga deskarte at kagamitan sa pagluluto, na nagbibigay ng unang kilalang larawan ng isang tinidor.[100]
Sa modernong panahon, ang lungsod ay bumuo ng sarili nitong kakaibang lutuin, batay sa mga produkto ng kalapit na Campagna, tulad ng tupa at gulay (madalas gamitin ang mga alkatsopas).[101] Sa kahanay, ang mga Romanong Hudyo - naninirahan na sa lungsod mula pa noong ika-1 siglo BK–ay nagpaunlad ng kanilang sariling lutuin, ang cucina giudaico-romanesca. Kasama sa mga halimbawa ng Romanong lutuin ang "Saltimbocca alla Romana"–isang hati ng karne ng baka, estilong Romano; tinapunan ng hilaw na hamon at sambong at nilagyan ng puting alak at mantikilya; "Carciofi alla romana"–alkatsopas sa estilong Romano; tinanggal ang mga panlabas na dahon, pinalamanan ng menta, bawang, mga tirang tinapay; "Carciofi alla giudia"–mga alkatsopas na pinirito sa langis ng oliba, tipikal ng pagluluto ng Romanong Hudyo; tinanggal ang mga panlabas na dahon, pinalamanan ng menta, bawang, mga tirang tinapay; "Spaghetti alla carbonara"–spaghetti na may bacon, itlog, at pecorino, at "Gnocchi di semolino alla romana "–semolina dumpling, estilong Romano, at marami pang iba.[102]
Pelikula
Tahanan ang Roma ng mga Estudyo ng Cinecittà,[103] ang pinakamalaking pasilidad sa paggawa ng pelikula at telebisyon sa kontinental na Europa at ang sentro ng sinehang Italyano, kung saan marami sa mga pinakamalaking hit sa box office ngayon ang kinukunan. Ang 99 akre (40 ha) na complex ng estudio na 9.0 kilometro (5.6 mi) mula sa gitna ng Roma ay bahagi ng isa sa pinakamalaking pamayanan ng produksiyon sa mundo, pangalawa lamang sa Hollywood, na may higit sa 5,000 propesyonal–mula sa mga tagagawa ng kasuotan ng sinaunang panahon hanggang sa mga espesyalista sa visual effects. Mahigit sa 3,000 produksiyon ang ginawa na rito, mula sa mga kamakailang tampok tulad ng The Passion of the Christ, Gangs of New York, HBO's Rome, The Life Aquatic at Decameron ni Dino De Laurentiis, hanggang sa mga klasiko sa sinehan tulad ng Ben-Hur, Cleopatra, at ang mga pelikula ni Federico Fellini.
Itinatag noong 1937 ni Benito Mussolini, ang mga estudio ay binobomba ng mga Alyadong Kanluranin noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Noong 1950s, ang Cinecittà ang lokasyon ng paggawa ng pelikula para sa maraming malalaking produksyon ng pelikula sa Amerika, at pagkatapos ay naging estudyong pinakanauugnay kay Federico Fellini. Ngayon, ang Cinecittà ay ang nag-iisang studio sa buong mundo na may paunang paggawa, produksiyon, at buong pasilidad ng post-production sa iisang lote, na pinapayagan ang mga direktor at prodyuser na maglakad kasama ang kanilang manuskrito at "mag-walkout" nang may isang nakumpletong pelikula.[kailangan ng sanggunian]
Bagaman naiugnay lamang ngayon sa Latin, ang sinaunang Roma ay sa katunayan multilingual. Sa pinakamataas na sinaunang panahon, kabahagi ng mga tribo ng Sabino ang lugar ng Roma ngayon sa mga tribong Latin. Ang wikang Sabino ay isa sa Italikong pangkat ng mga sinaunang wikang Italyano, kasama ang Etrusko, na kung saan ay magiging pangunahing wika ng huling tatlong haring namuno sa lungsod hanggang sa itatag ang Republika noong 509 BK. Si Urganilla, o Plautia Urgulanilla, asawa ni Emperador Claudio, ay sinasabing nagsasalita ng Etrusko maraming siglo pagkatapos ng petsang ito, ayon sa entrada ni Suetonius kay Claudio. Gayunpaman ang Latin, sa iba't ibang umuusbong na porma, ay ang pangunahing wikang klasiko na Roma, ngunit dahil ang lungsod ay may mga imigrante, alipin, residente, embahador mula sa maraming bahagi ng mundo, ito rin ay maraming wika. Maraming edukadong Romano ang nagsasalita rin ng Griyego, at mayroong isang malaking Griyego, Siriaco, at Hudyong populasyon sa mga bahagi ng Roma bago pa man ang Imperyo.
Ang Latin ay nagbago sa panahon ng Gitnang Kapanahunan tungo sa isang bagong wika, ang "volgare ". Ang huli ay umusbong bilang pagtatagpo ng iba't ibang panrehiyong diyalekto, na dominado ng diyalektong Toscano, ngunit ang populasyon ng Roma ay nakabuo din ng kanilang sariling diyalekto, ang Romanesko. Ang Romanesco na sinalita sa panahon ng Gitnang Kapanahunan ay katulad ng isang diyalekto ng katimugang Italya, napakalapit sa wikang Napolitano ng Campania. Ang impluwensiya ng kulturang Florentino sa panahon ng renasimiyento, at higit sa lahat, ang imigrasyon sa Roma ng dalawang magkasunod na Florentinong Papang Medici (Leo X at Clemente VII) ang naging sanhi ng isang pangunahing pagbabago sa diyalekto, na nagsimulang maging mas kawangis ng mga diyalektong Toscano. Ito ay nanatiling higit na nakakubli sa Roma hanggang sa ika-19 na siglo, ngunit pagkatapos ay lumawak sa iba pang mga sona ng Lazio (Civitavecchia, Latina, at iba pa), mula sa simula ng ika-20 siglo, bunga ng tumataas na populasyon ng Roma at sa pagpapabuti ng mga sistema ng transportasyon. Bilang kahihinatnan ng edukasyon at media tulad ng radyo at telebisyon, ang Romanesko ay naging mas katulad sa karaniwang Italyanong diyalekto. Ang panitikan ng diyalekto sa tradisyonal na anyo ng Romanesko ay kasama ang mga akda ng naturang mga manunulat gaya nina Giuseppe Gioachino Belli (isa sa pinakamahalagang makatang Italyano sa buo), Trilussa, at Cesare Pascarella. Ito ay nararapat tandaan kahit na ang Romanesko ay isang "lingua vernacola" (wikang bernakular), nangangahulugang sa daang siglo, wala itong nakasulat na anyo ngunit sinalita lamang ito sa populasyon.
Futbol ang pinakatanyag na sport sa Roma, tulad ng sa ibang bahagi ng bansa. Ang lungsod ay nagtanghal ng mga huling laro ng 1934 at Pandaigdigang Kopa ng Futbol 1990. Ang huli ay isinagawa sa Stadio Olimpico, na tahanang estadio na hinihiram ng kapuwa Serie A klub na SS Lazio, na itinatag noong 1900, at ang AS Roma, na itinatag noong 1927, na ang ribalan sa Derby della Capitale ay tanyag na sa kulturang pangkalakasang Romano.[105] Ang mga manlalaro ng futbol na naglalaro para sa mga koponan na ito na ipinanganak din sa lungsod ay nagiging bantog, tulad nina Francesco Totti at Daniele De Rossi (kapuwa para sa AS Roma), at Alessandro Nesta (para sa SS Lazio).
Ang Roma ay nagtaghal ng Palarong Olimpiko sa Tag-init 1960, na lubhang nagtagumpay, gamit ang maraming sinaunang pook tulad ng Villa Borghese at ang mga Paliguan ni Caracalla bilang mga pinagdausan. Para sa Palarong Olimpiko maraming mga bagong pasilidad ang itinayo, kapansin-pansin ang bagong malaking Olimpikong Estadio (na kung saan ay pinalaki at binago upang itanghal ang ilang kompetisyon at ang huli sa Pandaigdigang Kopa ng Futbol 1990), ang Stadio Flaminio, ang Villaggio Olimpico (Pamayanang Olimpiko, nilikha upang itanghal ang mga atleta at muling isinaayos pagkatapos ng mga laro bilang isang distritong pantirahan), ecc. Nagpaanyaya ang Roma upang maging tahanan ng Palarong Olimpiko sa Tag-init 2020 ngunit inatras ito bago ang deadline sa pagtatala ng mga aplikante.[106][107]
Dagdag dito, itinanghal sa Roma ng 1991 EuroBasket at tahanan ng kinikilalang internasyonal na koponan ng basketball na Virtus Roma. Ang rugby ay nakakakuha ng mas maraming manlalaro. Hanggang sa 2011 ang Stadio Flaminio ay ang tahanang estadyo para sa pambansang koponan ng unyong rugby ng Italya, na naglalaro sa Six Nations Championship mula pa noong 2000. Ang koponan ay naglalaro ngayon ng mga laro sa bahay sa Stadio Olimpico sapagkat ang Stadio Flaminio ay nangangailangan ng mga gawaing pagsasaayos upang mapabuti ang kapasidad at kaligtasan nito. Ang Roma ay tahanan ng mga lokal na koponan ng unyong rugby tulad ng Rugby Roma (itinatag noong 1930 at nagwagi ng limang kampeonatong Italyano, ang huli noong 1999–2000), Unione Rugby Capitolina, at SS Lazio 1927 (sangay ng unyong rugby ng multisport club SS Lazio).
Tuwing Mayo, isinasagawa sa Roma ang torneong tennis ng ATP Masters Series sa mga luwad na korte ng Foro Italico. Ang pagbibisikleta ay popular matapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ngunit ang katanyagan ay nawawala. Ang Roma ay nagtanghal ng huling bahagi ng Giro d'Italia nang tatlong beses, noong 1911, 1950, at 2009. Ang Roma ay tahanan din ng iba pang mga koponan sa palakasan, kabilang ang volleyball (M. Roma Volley), handball, o waterpolo.
Transportasyon
Ang Roma ay nasa gitna ng paikot na network ng mga kalsada na halos sumusunod sa mga linya ng mga sinaunang kalsadang Romano na nagsimula sa Burol Capitolino na iniugnay ang Roma sa imperyo nito. Ngayon ang Roma ay binilog, sa layo na halos 10 kilometro (6 mi) mula sa Capitol, sa pamamagitan ng daang-singsing (ang Grande Raccordo Anulare o GRA).
Dahil sa lokasyon nito sa gitna ng tangway ng Italya, ang Roma ang punong pusod ng riles para sa gitnang Italya. Ang pangunahing estasyon ng riles ng Roma, ang Termini, ay isa sa pinakamalaking estasyon ng riles sa Europa at ang pinakaginagamit sa Italya, na may halos 400 libong manlalakbay na dumadaan araw-araw. Ang pangalawang pinakamalaking estasyon sa lungsod, ang Roma Tiburtina, ay pinaunlad bilang isang high-speed rail terminus.[108] Gaya ng sa madalas na high-speed na tren sa lahat ng pangunahing Italyanong lungsod, ang Roma ay nauugnay gabi-gabi sa pamamagitan ng mga serbisyong 'boat train' sleeper papuntang Sicilia, at sa buong mundo sa pamamagitan ng serbisyong overnight sleeper papuntang Munich at Vienna buhat ng ÖBB Austrian railways.
Ang Roma ay pinaglilingkuran ng tatlong paliparan. Ang interkontinental na Pandaigdigang Panliparang Leonardo da Vinci, ang punong paliparan ng Italya ay matatagpuan sa loob ng kalapit na Fiumicino, timog-kanluran ng Roma. Ang mas matandang Paliparan ng Roma Ciampino ay sabayang paliparang sibilyan at militar. Ito ay karaniwang tinutukoy bilang "Paliparang Ciampino", dahil matatagpuan ito sa tabi ng Ciampino, timog-silangan ng Roma. Ang pangatlong paliparan, ang Paliparang Roma-Urbe, ay isang maliit, mababang trapiko na paliparan na matatagpuan mga 6 kilometro (4 mi) hilaga ng sentro ng lungsod, na humahawak ng karamihan sa helikopter at mga pribadong lipad.
Bagaman ang lungsod ay may sariling baryo sa Dagat Mediteraneo (Lido di Ostia), mayroon lamang itong marina at isang maliit na daungan para sa mga bangka sa pangingisda. Ang pangunahing daungang naglilingkod sa Roma ay ang Daungan ng Civitavecchia, na matatagpuan mga 62 kilometro (39 mi) hilagang-kanluran ng lungsod.[109]
Mga pandaigdigang entidad, samahan, at pakikilahok
Kabilang sa mga pandaigdigang lungsod, ang Roma ay natatangi sa pagkakaroon ng dalawang umiiral na soberanong matatagpuan sa loob ng mga hangganan ng lungsod, ang Banal na Luklukan, na kinakatawan ng Estado ng Lungsod ng Vaticano, at ang mas maliit na Soberanong Militar ng Malta. Ang Vaticano ay isang engklabo ng kabeserang lungsod ng Italya at isang may kapangyarihan sa pag-aari ng Banal na Luklukan, na siyang Diyosesis ng Roma at ang kataas-taasang pamahalaan ng Simbahang Katolika Romana. Samakatuwid, ang Roma ay tahanan ng mga banyagang embahada sa gobyerno ng Italya, sa Banal na Luklukan, sa Orden ng Malta at sa ilang organisasyong pangdaigdigan. Maraming mga pandaigdigang Kolehiyong Romano at Pontipikal na Unibersidad ang matatagpuan sa Roma.
Ang Roma ay may isang tanging Kapatid na Lungsod at maraming ka-partner na lungsod:
Kapatid na Lungsod (Sister city)
Paris, Pransiya (Pranses: Seule Paris est digne de Rome; seule Rome est digne de Paris; Italyano: Solo Parigi è degna di Roma; solo Roma è degna di Parigi; Tagalog: Tanging Paris ang karapat-dapat sa Roma; tanging Roma ang karapat-dapat sa Paris).[111]
↑This hypothesis originates from the Roman Grammarian Maurus Servius Honoratus. However, the Greek verb descends from the Proto-Indo-European root*srew- (compare Ancient Greek ῥεῦμα (rheûma) 'a stream, flow, current', the Thracian river name Στρυμών (Strumṓn) and Proto-Germanic *strauma- 'stream'; if it was related, however, the Latin river name would be expected to begin with **Frum-, like Latin frīgeō 'to freeze' from the root *sreyHg-) and the Latin verb from *h₃rew-.
↑Norman John Greville Pounds. An Historical Geography of Europe 450 B.C.–A.D. 1330. p. 192.
↑Rome in Late Antiquity, Bernard Lancon, 2001, pp. 14, pp. 115–119 ISBN0-415-92976-8; Rome Profile of a City, Richard Krautheimer, 2000, pp. 4, 65 ISBN0-691-04961-0; Ancient Rome, The Archaeology of the Eternal City, Editors Jon Coulston and Hazel Dodge, pp. 142–165 ISBN978-0-947816-55-1
↑Faus, José Ignacio Gonzáles. "Autoridade da Verdade – Momentos Obscuros do Magistério Eclesiástico". Capítulo VIII: Os papas repartem terras – Pág.: 64–65 e Capítulo VI: O papa tem poder temporal absoluto – Pág.: 49–55. Edições Loyola. ISBN85-15-01750-4. Embora Faus critique profundamente o poder temporal dos papas ("Mais uma vez isso salienta um dos maiores inconvenientes do status político dos sucessores de Pedro" – pág.: 64), ele também admite um papel secular positivo por parte dos papas ("Não podemos negar que intervenções papais desse gênero evitaram mais de uma guerra na Europa" – pág.: 65).
↑Ward, Lorne H. (1 Enero 1990). "Roman Population, Territory, Tribe, City, and Army Size from the Republic's Founding to the Veientane War, 509 B.C.–400 B.C.". The American Journal of Philology. 111 (1): 5–39. doi:10.2307/295257. JSTOR295257.
↑"Archived copy"(PDF). Inarkibo(PDF) mula sa orihinal noong 27 Enero 2016. Nakuha noong 24 Setyembre 2014.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link)
↑Neil Christie, From Constantine to Charlemagne, An Archaeology of Italy 300-800 A.D. 2006 p. 61, ISBN978-1-85928-421-6
↑P. Llewellyn, Rome in the Dark Ages (London 1993), p. 97.
↑"Statistiche demografiche ISTAT". Demo.istat.it. Inarkibo mula sa orihinal noong 26 Marso 2009. Nakuha noong 3 Pebrero 2010. {{cite web}}: |archive-date= / |archive-url= timestamp mismatch; 26 Abril 2009 suggested (tulong)
↑Brinkoff, Thomas (1 Enero 2019). "Major Agglomerations of the World". Population Statistics and Maps. Inarkibo mula sa orihinal noong 4 Hulyo 2010.
↑Pretto, Emiliano (21 Hunyo 2009). "Rome Post – what's happening in Rome". romepost.it. Inarkibo mula sa orihinal noong 21 Hunyo 2009. Nakuha noong 22 Agosto 2019.
↑ 83.083.1"Roman Academies". Catholic Encyclopedia. Newadvent.org. 1 Marso 1907. Inarkibo mula sa orihinal noong 12 Enero 2010. Nakuha noong 3 Pebrero 2010.
↑"parlamento.it"(PDF). Inarkibo mula sa orihinal(PDF) noong 2 Marso 2015. {{cite web}}: |archive-date= / |archive-url= timestamp mismatch; 2 Abril 2015 suggested (tulong)
Bertarelli, Luigi Vittorio (1925). Guida d'Italia (sa wikang Italyano). Bol. IV. Rome: CTI. OCLC552570307. {{cite book}}: Invalid |ref=harv (tulong)
Brilliant, Richard (2006). Roman Art. An American's View. Rome: Di Renzo Editore. ISBN978-88-8323-085-1.
Coarelli, Filippo (1984). Guida archeologica di Roma (sa wikang Italyano). Milano: Arnoldo Mondadori Editore.
De Muro, Pasquale; Monni, Salvatore; Tridico, Pasquale (2011). "Knowledge-Based Economy and Social Exclusion: Shadow and Light in the Roman Socio-Economic Model". International Journal of Urban and Regional Research. 35 (6): 1212–1238. doi:10.1111/j.1468-2427.2010.00993.x. ISSN0309-1317.