Ang Lumang Tipan ang bersiyong Kristiyano ng Tanakh ng Hudaismo at isa sa mga pangunahing bahagi ng Bibliya sa Kristiyanismo. Ito ang unang mga pangkat ng mga kalipunan ng mga aklat sa Bibliyang sinusundan, ayon sa pagkakasunud-sunod na pampanahon, ng Apokripa at ng Bagong Tipan. Tinatawag din itong Matandang Tipan, Matandang Testamento, at Lumang Testamento.[1] Sa Ingles, tinatawag na testament ang salitang tipan[1] kaya't may saling Old Testament para sa Lumang Tipan at New Testament para sa Bagong Tipan. Hinango ang testament ng Ingles at testamento ng Tagalog at Kastila mula sa testamentum ng wikang Latin, na nangangahulugang "kasunduan", "mataimtim na kasunduan," o "tipan"[1], at naglalarawan ng uri ng ugnayang mayroon noon ang Diyos at ang mga sinaunang mga Israelita at unang mga Kristiyano.[2] Sa Katolisismo, binubuo ang Lumang Tipan ng 39 na mga aklat; karamihan sa mga ito ang hinango mula sa Tanakh ng Hudaismo. Ayon kay Jose C. Abriol, may tatlong bahagi ang Lumang Tipan: ito ang Batas o Pentateuco, ang Mga Propeta, at ang Mga Salmo. Tungkol ang aklat ng Mga Propeta sa kasaysayan at propesiya, samantalang hinggil sa karunungan ang aklat ng Mga Salmo.[3] Ayon din kay Abriol, tungkol ang mga aklat ng Mga Propeta sa kasaysayan at propesiya.[3]