Ang Aklat ng mga Panaghoy o Mga Lamentasyon[1][2] (Ebreo: איכה, ekha, "aba") ay isa sa mga aklat na isinulat ng mga propeta na nasa Lumang Tipan ng Bibliya. Isa itong katipunan ng limang mga tula ng paghibik na sanhi ng pagkakawasak ng Herusalem noong 586 BK o 587 BK.[1][3] Naganap din ang mga pagdadalamhati dahil sa naibungang pagkakatapon ng mga mamamayan ng Israel. Ginagamit ng mga Hudyo ang mga tulang ito sa kanilang taunang pag-aayuno para gunitain ang kapahamakang naganap sa kanilang bansa noong 586 BK.[2] Nilalarawang pambayan at pangsariling damdamin ng mga paghikbing ito, at dulot din ng mga paghihirap na natamo ng mga Hudyo mula sa mananakop na mga Babilonyano.[3] Tuwing Mahal na Araw naman ng mga Kristiyano, inaawit ng Simbahang Katoliko ang mga nilalaman ng Aklat ng mga Panaghoy. Ginagawa ito para "tangisan ang kalunus-lunos na kalagayan ng sambayanang Kristiyano."[1]
May-katha
Hindi lubos na natitiyak kung sino ang sumulat ng Aklat ng mga Panaghoy, ngunit nakaugaliang i-ugnay ang propetang si Jeremias bilang may akda nito, bagaman maraming pagkakaiba sa napatunayang akda niya, ang Aklat ni Jeremias.[3]
Tema
Kabilang sa pangkaraniwang paksang-diwa sa Aklat ng mga Panaghoy ang paghihirap ng mga tao, ang paglisan ng Diyos mula sa kanilang piling, at ang pagkakaroon ng pag-asang muling ibabalik ng Diyos ang isang nagsisi at nagpapakababang-loob na bansang Israel, maging ang paniniwalang itatatag muli ng Diyos ang isang maluwalhati at magiting na bayang Israel.[3] Sinisisi ng propetang si Jeremias ang bansang Israel dahil sa kanilang pagsuway sa mga utos ng Diyos. Para kay Jeremias, ang pagsuway na ito ng mga Israelita sa mga tagubilin ng Diyos ang naging sanhi ng mga "kalagim-lagim na mga pangyayaring sinapit nila." Subalit, sa kabila nito, hinikayat pa rin ni Jeremias ang mga mamamayan na magsipagbalik-loob sa Diyos na makatarungan at maawain.[1]
Panahon ng pagsulat
Ipinepetsa ang pagkakasulat ng Aklat ng mga Panaghoy sa taong 538 BK, noong pahintulutang makabalik ang mga Hudyo mula sa kanilang pagkakadalang-bihag sa Babilonya, pabalik sa isang nawasak na Herusalem.[3] Subalit sinasabi rin na maaaring isinulat ito ni Jeremias noong 587 BK dahil sa paglusob ng mga Caldeo, ang mga mananakop na nagpaguho sa Herusalem.[1]
Kayarian ng aklat
Isinulat ang kalipunang ito ng mga "tulaing nanaghoy" na tumutugma ang bawat talata sa tig-iisang titik ng abakada ng wikang Ebreo, ang dahilan kung bakit tinatawag din ang libro bilang mga "tulang alpabetiko." Binubuo ang aklat ng apat na pangkat ng "mga panaghoy". Naglalaman ang wakas ng isang panalangin ni Jeremias.[1]