Aklat ng Exodo

Mga Aklat ng Bibliya

Ang Aklat ng Exodo[1] o Exodus ay ang ikalawang aklat ng Torah o Pentateuko, ng Tanakh at ng Lumang Tipan ng Bibliya. Sa Hebreo, ito'y tinatawag na Shemot (שְׁמוֹת) na galing sa pariralang Ve-eleh shemot, ואלה שמות, "At ito ang mga pangalan". Nangangahulugang "Paglabas" ang salitang Exodo na hinango mula sa wikang Griyego. Nilalahad sa librong ito ang paglabas ng bayang Israel mula sa Ehipto noong ika-13 daantaon habang pinangangasiwaan ni Moises. Karugtong ito ng kasaysayan ng mga Israelita na isinalaysay sa Aklat ng Henesis (ang kanilang pagkaalipin sa ilalim ng mga Ehipsiyo, pagtawid nila sa Dagat na Pula, at ang paglalakbay sa ilang para marating ang Bundok Sinai, kung saan gumawa ang Diyos ng pakikipagtipan sa bayan ng Israel). Sa pamamagitan ni Moises, ibinigay ng Diyos sa mga Israelita ang Sampung Utos o Batas.

Mga bahagi

  • Shemot, Exodo 1-5: Dalamhati sa Ehipto, si Moises ay natagpuan at tinatawag, Faraon
  • Va'eira, Exodo 6-9: Mga Salot 1 hanggang 7 ng Ehipto
  • Bo, Exodo 10-13: Mga huling salot ng Ehipto, Unang Paskuwa
  • Beshalach, Exodo 13-17: Paghahati ng Dagat, tubig, manna, Amalek
  • Yitro, Exodo 18-20: Payo ni Jethro, Sampung Utos,
  • Mishpatim, Exodo 21-24: Kodigo ng Tipan
  • Terumah, Exodo 25-27: Mga instruksiyon ng diyos tungkol sa tabernakulo
  • Tetzaveh, Exodo 27-30: Mga instruksiyon ng diyos tungkol sa mga unang saserdote
  • Ki Tisa, Exodo 30-34: Censo, pagpapahid ng langis, gintong baka, mga tabletang bato, nagliwanag na Moises
  • Vayakhel, Exodo 35-38: pagkolekto ng mga regalo, paggawa ng Tabernakulo
  • Pekudei, Exodo 38-40: pagtatayo ng Tabernakulo at pagpupuno nito

Komposisyon

May akda

Ang tradisyonal na paniniwala ng mga Hudyo at Kristiyano ay ang Pentateuch (unang limang aklat ng Tanakh) kabilang ang Aklat ng Exodo ay isinulat ni Moises na ayon sa tradisyon ng mga Hudyo ay nabuhay noong 1391–1271 BCE. Gayunpaman, sa huli nang ika-19 na siglo (19th century) CE, ang lumalagong kamalayan ng mga salungatan, pag-ulit ulit na mga salaysay at iba pang mga katangian ng Pentateuch ang nagtulak sa mga skolar ng Bibliya na iwan ang tradisyonal na pananaw na ito.[2] Ayon sa mga modernong skolar ng Bibliya, ang unang drapto (na tinatawag na Yahwist) ay malamang isinulat noong ika-6 siglo BCE noong panahon ng pagkakatapon sa Babilonia ng mga Israelita. Ito ay dinagdagan at kinumpleto bilang pagkatapos ng pagkakatapon (post-Exilic) na huling edisyon (o pinagkunang pang-Sasserdote/Priest source) sa huli nang ika-6 siglo o noong ika-5 siglo CE,[3] at nagkaroon pa ng mga karagdagang pagbabago at kaunting mga rebisyon na nagpatuloy hanggang sa ika-4 siglo BCE.[4]

Genre at mga pinagkunan

Ayon sa mga skolar, ang Aklat ng Exodo ay hindi isang salaysay na historikal sa anumang modernong kahulugan nito.[5] Ang modernong kasaysayan pagsusulat ng kasaysayan o history ay nangangailangan ng kritikal na ebaluasyon ng mga pinagkunan at hindi tumatanggap sa diyos bilang sanhi ng mga pangyayari.[6] Gayunpaman, sa Aklat ng Exodo, ang lahat ng pangyayari ay itinatanghal bilang gawa ng diyos na kadalasang lumilitaw ng personal at ang historikal na pinagtakdaan ay malabong iginuhit.[7] Ayon sa mga skolar, ang layunin ng aklat na ito ay hindi upang irekord ang tunay na nangyari kundi upang ipakita ang historikal na karanasan ng pamayanang Israelita na ipinatapon sa Babilonia noong ika-6 siglo BCE at nang kalaunang Hersualem na humaharap sa pagkakabihag ng dayuhan at ang pangangailangan na harapin ang kanilang pagkakaunawa sa diyos.[8]

Bagaman ang mga elementong mitikal ay hindi labis na makikita sa Aklat ng Exodo gaya ng sa Aklat ng Genesis, ang mga alingawngaw ng mga sinaunang alamat ay mahalaga sa pagkakaunaw ng pinagmulan at layunin ng aklat na ito. Halimbawa, ang kuwento ng pagkakaligtas ng sanggol na si Moises mula sa pagkakalunod sa ilog Nilo ay may batayan sa mas naunang alamat ng haring si Sargon samantalang ang paghahati ng Dagat Pula ay sumasamantala sa mitolohiya ng paglikha ng Mesopotamya. Ang mga impluwensiyang ito ay nagsisilbi upang pagtibayan ang konklusyon na ang Aklat ng Exodo ay nagmula sa ipinatapong pamayanang Israelita noong ika-6 siglo BCE ngunit ang lahat ng mga pinagkunan ay hindi Mesopotamiano. Ang kuwento ng paglisan ni Moises sa Midian pagkatapos ng kanyang pagpatay sa isang Ehipsiyo ay maaaring hinugot sa Kuwento ng Sinuhe ng Ehipto. [9]

Exodo

Ang Exodo ang kuwento ng pang-aalipin sa mga Israelita sa Ehipto pagkatapos mamatay ni Jose at ang kanilang paglisan sa ilalim ni Moises, mga pahayag at paglalakbay sa ilang hanggang sa mga hangganan ng Canaan. May hindi bababa sa dalawang mga paraon ang nasasangkot ayon sa bibliya, ang paraon na umalipin sa mga Israelita at ang paraon ng exodo na tinakasan ng mga Israelita sa kanilang exodo. Hindi pinangalanan sa bibliya ang mga paraon na ito o nagbigay ng sapat na impormasyon upang tukuyin ang panahon na pinangyarihan ng mga ito. May ilang mga mungkahi ang iba't ibang mga indibidwal sa pagkakalinlan ng paraon na ito. Si Paraon Ramesses II ang pinaniniwalaan ng ilan na Paraon ng Aklat ng Exodo na umalipin sa mga Israelita.[10] Gayunpaman, walang anumang mga ebidensiyang arkeolohikal na si Ramesses II ay nakitungo sa mga Israelita o sa anumang mga salot sa Ehipto gaya ng isinasaad sa bibliya. Ang mga arkeologo ay umaayon na walang anumang Exodo ng mga Israelita sa Ehipto na nangyari.[11] Ang takot ng Paraon (ayon bibliya) na ang mga Israelita ay makikipag-alyansa sa mga mananakop na dayuhan ay hindi malamang sa konteksto ng huling ikalawang milenyo nang ang Canaan ay bahagi ng imperyong Ehipsiyo at ang Ehipto ay hindi nahaharap sa mga kaaway sa direksiyong ito.[12] Ang mga anakronismo sa Aklat ng Exodo ay nagmumungkahi ng petsang pagkakasulat noong ca Ikaanim na siglo BCE[13] at ang mga karagdagang pagsasaayos at pagbabago ay nagpatuloy hanggang sa ca. Ikaapat na siglo BCE.[14]

Mga sanggunian

  1. Abriol, Jose C. (2000). "Exodo". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Meyers, p.16
  3. Johnstone, pp.68, 72
  4. Kugler, Hartin, p.50
  5. Fretheim, p.7
  6. Dozeman, p.9
  7. Houston, p.68
  8. Fretheim, p.8
  9. Kugler,Hartin, p.74
  10. "LINE OF FIRE: Ramses, Warrior Pharaoh". The History Channel. Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-03-07. Nakuha noong 2008-05-14.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. http://www.nytimes.com/2007/04/03/world/africa/03exodus.html?_r=0
  12. Soggin 1998, p. 128-129.
  13. Johnstone, pp. 68, 72.
  14. Kugler, Hartin, p. 50.

Panlabas na kawing