Ang Mga Aklat ng mga Kronika, Mga Aklat ng mga Paralipomeno[1], o Mga Aklat ng Kasaysayan (Ebreo: דברי הימים, divre hayamim, "mga bagay ng mga araw") ay tumutukoy sa dalawang aklat na nasa Lumang Tipan ng Bibliya. Kabilang dito ang 1 Kronika at 2 Kronika.[1]
Pamagat
Katumbas ng Mga Aklat ng mga Paralipomeno sa Bibliyang Ebreo ang pamagat na Mga Aklat ng mga Kronika. Nangangahulugang "kasaysayan" ang salitang Kronika o Cronica. Sa wikang Ingles, ito ang mga Chronicle (bigkas: Kronikel). Nang masalin sa Griyego napalitan ang pamagat nito, kaya naging Mga Paralipomeno, na nangangahulugang "mga nakaligtaan" o "mga nakalimutang" bahagi na dapat naisama sa mga naunang Aklat ng mga Hari ng Bibliya.[1]
May-akda at layunin
Pinaniniwalaan na si Esdras, o kaya isang Levita mula sa Herusalem, ang sumulat ng mga aklat na ito. At naging layunin ng may-akda ng mga aklat na ito ang maipakita ang pagsubaybay ng Diyos sa mga naging hari ng Juda, partikular na kung magiging matapat ang mga ito sa mga batas na itinagubilin ng Panginoon nilang Diyos. Tinatayang nasulat ang mga librong ito noong mga 300 BC.[1]
Pinaniniwalaan din na isang mang-aawit ang Levitang sumulat sa Unang Aklat ng mga Paralipomeno, at naisulat ang libro noong mga huling bahagi ng ika-4 na daantaon BC.[2]
Layunin ng Paralipomeno na bigyang diin ang cultus o malapananampalatayang bahagi ng Hudaismo, di-tulad sa Mga Aklat ng mga Hari, kung saan ito kadalasang sumasalungat.[3]
Paglalarawan
Katulad ang paksa ng Mga Aklat ng mga Paralipomeno sa mga tinatatalakay sa Aklat ng Henesis at Mga Hari, partikular na ang paglikha sa sandaigdigan magpahanggang sa pagkakadala at pagkakabihag ng mga mamamayan ng Kaharian ng Juda sa Babilonia.[1]
Mga bahagi
Unang aklat
Binubuo ng dalawang bahagi ang Unang Aklat ng mga Paralipomeno:
- Mga Kalahian (1-9)
- Kasaysayan ni David (10-29)
Pangalawang aklat
Binubuo ng dalawa ring bahagi ang Ikalawang Aklat ng mga Paralipomeno:
- Kasaysayan ng Paghahari ni Solomon (1-9)
- Kasaysayan ng Ibang mga Hari ng Juda (10-36)
Buod at panahon
Ang dalawang aklat ng mga Paralipomeno o Kronika ay dating iisang libro lamang na pinaghiwalay ng lumaon. Kaparis ng mga Una (o 3 Mga Hari) at Ikalawang Aklat ng mga Hari (o 4 Mga Hari) ang kapanahunang nilalahad sa mga pahina ng mga libro ng mga Kasaysayan o Kronika, bagaman may mga kaganapan at mga tauhan tinanggal, katulad ng mga propetang sina Elijah at Elisha, samantalang may mga nadagdag namang ibang mga materyal at binigyang diin ang mga kaugnay sa pananampalataya.[2]
Unang aklat
Isinasalaysay sa Unang Aklat ng mga Paralipomeno ang mahabang panahon ng paghahari at kagitingan ni Haring David, kasama ang mga paghahanda sa pagtatayo ng isang templo sa Herusalem at ang mga nararapat na isagawang ritwal sa templong iyon.[2]
Pangalawang aklat
Nagsimula ang Ikalawang Aklat ng mga Paralipomeno sa paglalarawan ng kadakilaan ng paghahari ni Haring Solomon, anak ng haring si David. Binibigyang tuon ang lubos na kagustuhan ni Solomon sa pagtatayo ng templo sa Herusalem at ang pagbabalangkas ng mga gawaing maipaglilingkod nito sa mga mamamayan. Karamihan sa nilalaman ng libro ang naglalahad sa panahon ng pagkakaroon ng mga pagkakahati sa monarkiyang sumunod kay Haring Solomon makaraan itong mamamatay. Hindi gaanong binigyan ng pansin ng hindi nakikilalang may-akda ang "hilagang kaharian" sapagkat kinalimutan ng "sampung tribo" ito ang pagsamba sa Diyos, kaya't hindi na sila kumakatawan sa tunay na Israel. Para sa may-akda, ang kaharian ng Judah - ang "katimugang kaharian" - ang siyang nananatiling "piniling mga mamamayan" ng Diyos. Tinatanggap ng may-akda ng ikalawang aklat na ito ang pananaw mula sa aklat ng Deuteronomio, na sanhi ng kasalanan at pagkukulang ng sangkabansaan ang suliraning ng buong sambayanan. At binibigyang diin din ng may-akda ang paniniwalang "nagmumula ang mga biyaya mula sa pagbibigay-galang sa batas ng Diyos."[2]
Tingnan din
Mga sanggunian
Panlabas na kawing
Unang Aklat ng mga Paralipomeno
Ikalawang Aklat ng mga Paralipomeno