Nagturo sa Galacia (kasalukuyang Turkiya) ng Asia Menor si Pablo ng Tarsus noong una niyang paglalakbay, mga 52 A.D.[1] Itinatag mismo ni Pablo ang mga simbahan o parokya sa Galacia na binubuo ng mga akay mula sa paganismo. Pagkatapos ng paglisan ni Pablo sa Galacia, nangaral sa mga Galata ang ilang mga Kristiyanong nagmula sa Hudaismo. Kaya't naliko ang mga Kristiyanong Galata patungo sa landas ng mga katuruang ukol sa Hudaismo na nagsasabing nanggagaling lamang ang kaligtasan mula sa Batas ni Moises. Sinasabing isinulat ni Pablo ang liham na ito bilang tugon sa pagkakaliko ng mga Galata (taga-Galacia), na nakaayon sa mga turo ni Pablo ukol sa "grasyang ipinagkaloob na hindi ayon sa mga gawa ng Batas Mosaiko." Tinuligsa rin ng mga Kristiyanong Hudyong ito ang pagiging alagad ni Pablo pati ang mga pangaral nito.[1]
Layunin ng liham
Sinulat ni San Pablo ang Sulat sa mga taga-Galacia upang patunayan ang kaniyang mga pangaral at pagiging apostol na sumusunod kay Hesukristo. Tinugon ni Pablo na si Kristo ang daan patungo sa kaligtasan, at hindi nagmumula sa Batas ni Moises. Ipinaliwanag ni San Pablong pansamantalang batas lamang ang Batas ni Moises.[1] Sinasabing kabilang sa mga Batas ni Moises ang pagsusunat[2], paghahanda at paghahain ng pagkaing dinalisay ayon sa mga kaugalian, paniniwala, at rituwal ng mga Hudyo (tinatawag na kosher),[3], at ang paggalang sa iba pang mga kaugnay na mga seremonya ng Hudaismo.[2] Ayon kay San Pablo, taliwas ito sa Mabuting Balita (Ebanghelyo) na nagmula kay Hesus. Idinagdag pa ni San Pablo na isang malayang handog mula sa Diyos ang kaligtasan, na nakalaan para sa mga may pananalig kay Kristo, at hindi ito makakamit mula sa pagsunod at pagpapanatili ng mga pili at tiyak na mga patakaran. Idiniin pa ni San Pablong malaya mula sa Batas ni Moises ang lahat ng mga "kaisa ni Kristo" o mga "na kay Hesukristo", na ginagabayan din ng Espiritu Santo.[2]
Mga bahagi ng liham
Binubuo ng tatlong bahagi ang Sulat sa mga taga-Galacia:[1]
Pagtatanggol sa sarili ni Pablo (1, 11 - 2, 21)
Kaligtasan sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Kristo (3 - 4)
Mga bilin hinggil sa kalayaan, pagkakawanggawa, at kabanalan (5, 1 - 6, 18)