Ang Eklesyastiko, Eklesiyastiko[1], binabaybay ding Eclesiastico[2], Ecclesiastico (batay sa Kastila)[3], at kilala rin bilang Ang Karunungan ni Jesus, Anak ni Sirac[3] o Karunungan ng Anak ni Sirac[2] lamang, ay isang aklat sa Lumang Tipan ng Bibliya. Sinulat ito ni Ben Sira. Nangangahulugang Pansimbahan o Pang-iglesya ang salitang eklesyastiko.[1] Tinawag itong Eklesyastiko o pansimbahan nga dahil dating kalimitang ginagamit ito sa "pagtuturo ng mga katumeniko sa simbahan." Madalas na gamitin ng Santa Iglesya ang librong ito para sa liturhiya.[2]
May-akda at wika
Isinulat ito ng isang paham mula sa Herusalem. Sinulat ito sa wikang Ebreo sa pagitan ng 200 BK at 175 BK. Makalipas ang 132 BK, naisalin ito sa wikang Griyego ng apo ng may-akda. Nalamang apo ng may-akda ang nagsalin sa Griyego dahil sa nilalahad sa Paunang Salita ng librong ito. May dalawang ikatlong bahagi ng sipi ng aklat, nasa wikang Ebreo, na natagpuan pa noong mga taong 1896, 1900, at 1931. Hawig na hawig ang mga siping ito sa mga siping nasa Griyego.[2]
Paglalarawan
Kinapapalooban ito ng mga mabubuting aral tungkol sa kabanalan, pagkakaibigan, pag-aaral, pag-aasawa, pakikitungo sa kapwa-tao, at pagmamahal sa Diyos.[2]
Mga bahagi
May dalawang pangunahing bahagi ang aklat na ito: ang unang kalipunan at ang pangalawang kalipunan. Tinawag ni Padre Jose C. Abriol ang unang kalipunan bilang Unang Pangkat samantalang bilang Ikalawang Pangkat namang ang pangalawang kalipunan. [2]
Unang Pangkat
Binubuo ang Unang Pangkat ng mga Kabanata 1 hanggang 43. Kawangis ng Aklat ng mga Kawikaan ang mga kabanatang ito na naglalaman ng mga kawikaan tungkol sa kagandahang-asal at banal na pamumuhay.[2]
Ikalawang Pangkat
Binubuo ang Ikalawang Pangkat ng mga Kabanata 44 hanggang 50. Katulad ng Aklat ng Karunungan na kinapapalooban ng paglalahad hinggil sa mga tinatawag na "dakilang ninuno ng Israel na naging tanyag sa pagkakamit ng mga karunungan."[2]
Mga dagdag
Dalawa ang naging dagdag sa aklat na ito: una, ang bahaging pasasalamat ng may-akda sa Tagapaglalang at, pangalawa, ang pagsamo ng may-sulat sa mga bumabasa na humiling ng totoong karunungan mula sa Maykapal.[2]