Ang kasalukuyang nasasakupan ng Zamboanga del Sur ay dating kinakatawan ng Departamento ng Mindanao at Sulu (1917–1935) at ng dating lalawigan ng Zamboanga (1935–1953).
Sa pamamagitan ng Batas Pambansa Blg. 711 na naaprubahan noong Hunyo 6, 1952, hinati ang dating lalawigan ng Zamboanga sa dalawa, Zamboanga del Norte at Zamboanga del Sur, at binigyan ng tig-iisang distrito. Ayon sa Seksiyon 7 ng batas, ang mga nakakartang lungsod ng Zamboanga at Basilan ay ipinangkat kasama ng Zamboanga del Sur. Nagsimulang maghalal ng kinatawan ang solong distrito ng lalawigan noong eleksyon 1953.
Kahit naging lungsod ang Pagadian, nanatili itong kinakatawan ng lalawigan sa bisa ng Batas Pambansa Blg. 5478 (1969).
Bahagi ito ng kinakatawan ng Rehiyon IX sa Pansamantalang Batasang Pambansa, mula 1978 hanggang 1984. Mula 1984 hanggang 1986, nagpadala ng tatlong assemblymen at-large ang lalawigan sa Regular Batasang Pambansa. Taong 1973 nang ginawang lalawigan ang Basilan at noong 1983 naman ginawang mataas na urbanisadong lungsod ang Zamboanga. Dahil dito, nagpadala ang Basilan at Lungsod ng Zamboanga ng sariling mga kinatawan sa Regular Batasang Pambansa.
Sa ilalim ng bagong Konstitusyon, hinati sa tatlong distritong pambatas ang lalawigan noong 1987.
Sa pamamagitan ng Batas Pambansa Blg. 8973 na niratipikahan noong Pebrero 22, 2001, hiniwalay ang buong ikatlong distrito ng lalawigan upang buuin ang lalawigan ng Zamboanga Sibugay. Ang noo'y nanunungkulang kinatawan ng ikatlong distrito ay patuloy na nirepresentahan ang Zamboanga Sibugay hanggang maghalal ito ng sariling kinatawan noong eleksyon 2001. Mula tatlo, nabawasan sa dalawa ang mga distrito ng Zamboanga del Sur.