Ang mga Kasamang Mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas (Ingles: Associate Justice of the Supreme Court of the Philippines) ay mga kagawad na bumubuo sa Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas maliban sa Punong Mahistrado. Itinatadhana sa Saligang Batas ng 1987 na labing-apat ang bilang ng mga Kasamang Mahistrado. Paiba-iba ang dami ng bilang nito magmula nang maitatag ang Kataas-taasang Hukuman noong 1901. Nagsimula ito sa anim noong 1901[1] hanggang sa kasalukuyang bilang na labing-apat sa ilalim ng Saligang Batas ng 1973. May 23 Amerikano ang nanilbihihan din bilang Kasamahang Mahistrado mula 1901 hanggang 1936.[2]
Katangian
Sa ilalim ng Saligang-Batas ng 1987, ang isang hihiranging Kasamang Mahistrado ay dapat isang katutubong ipinanganak na mamamayan ng Pilipinas, apatnapung taon gulang man lamang, at labinlimang taon o higit pang nanunungkulan bilang hukom ng isang nakabababang hukuman o nagsasanay ng abogasya sa Pilipinas. Kinakailangan ding nag-aangkin ng subok na kakayahan, kalinisang-budhi, katapatan, at malayang pag-iisip ang isang kagawad ng hukuman.[3]
Gaya ng Punong Mahistrado at iba-pang hukom ng mga nakabababang hukuman, ang mga Kasamang Mahistrado ay itinatalaga ng Pangulo mula sa mga isinumiteng nominasyon ng Sangguniang Panghukuman at Pang-abogasya.[4] Sila ay naninilbihan habang maganda ang kanilang kaasalan hanggang sa sapitin nila ang gulang na pitumpung taon o mawalan ng kakayahang magsagawa ng mga tungkulin ng kanilang katungkulan.[5] Ngunit maaari rin silang matanggal sa puwesto sa pamamagitan ng pagsasakdal.[6]
↑Batas Blg. 136. Kabanata II, seksiyon 8. (sa Ingles)
↑Paras, Corazon., at Ramon Ricardo A. Roque. The Chief Justices of the Supreme Court of the Philippines. Lungsod Quezon: Anvil Publishing, 2000. ISBN 971-27-0958-2. (sa Ingles)
↑1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas. Artikulo VIII, seksiyon 7.
↑1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas. Artikulo VIII, seksiyon 9.
↑1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas. Artikulo VIII, seksiyon 11.
↑1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas. Artikulo XI, seksiyon 2.