San Carlos Seminary, Geronimo de los Reyes Building, Magsaysay Building, Avenue Theatre, Rizal Theater, Capitol Theater, Captain Pepe Building, Manila Jockey Club, Rufino Building, Philippine Village Hotel, Administration Building, University Library at Carillon Tower ng Unibersidad ng Pilipinas, Quiapo Church
Parangal
Pambansang Alagad ng Sining, Architect of the Year, Most Outstanding Professional in Architecture, correspondent member ng Societe de Architectes par le Gouvernement Francais, Chevalier de la legion d’Honneur, Presidential Medal of Merit, correspondent member ng Colegio de Arquitectos de Chile, Patnubay ng Sining at Kalinangan Award, Republic Cultural Heritage Award, Rizal Pro Patria Award
Si Juan Felipe de Jesus Nakpil (26 Mayo 1899–7 Mayo 1986) ay isang inhinyero at arkitekto na naniniwala na mayroong Arkitekturang Pilipino na sumasalamin sa tradisyon at kulturang Pilipino.[1][2] Iginawad sa kanya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Arkitektura noong 1973 sa bisa ng isang proklamasyon.[3]
Unang yugto ng buhay
Isinilang si Juan Felipe de Jesus Nakpil noong Mayo 26, 1899 sa Quiapo, Maynila kina Julio Nakpil na isang kompositor at pinuno ng Katipunan sa Hilagang Lugon at Gregoria de Jesus na dating maybahay ni Andres Bonifacio.[1][4] Siya ay pinakamatanda sa anim na magkakapatid.[4] Ikinasal siya kay Anita Noble at nagkaroon sila ng limang anak.[5]
Edukasyon
Noong 1917 ay nagtapos si Juan Nakpil sa Manila High School at kumuha ng inhinyera sa Unibersidad ng Pilipinas.[1] Habang nasa unibersidad ay nag-aral din siya ng sining kina Fabian de la Rosa at Fernando Amorsolo.[1] Pagkatapos ng dalawang taon sa unibersidad, nag-aral at nakuha ni Juan Nakpil ang digri sa civil engineering sa University of Kansas sa Estados Unidos noong 1922.[1] Nagsimula siyang mag-aral ng arkitektura sa Fontainebleau School of Fine Arts sa Pransya noong 1922 at naging guro niya sina Carlu at Laloux .[5] Dito niya nakamit ang diploma sa arkitektura.[1] Ipinagpatuloy ni Juan Nakpil ang kanyang edukasyon sa Harvard Graduate School for Architecture sa pamamagitan ng Joseph Evelyth Scholarship noong 1925.[5]
Propesyon
Nagtrabaho bilang katulong na arkitekto si Juan Nakpil sa Kawanihan ng Gawaing Pambayan noong 1926.[5] Sumali naman siya sa kumpanya ni Andres Luna de San Pedro noong 1928 at nakasama sa mga proyekto na tulad ng Arkadang Kristal at Gusaling Don Gonzalo Puyat and Sons.[5] Nakapagtayo siya ng kanyang sariling kumpanya noong 1930.[5]
Mga nagawa
Kabilang sa mga likha ni Juan Nakpil ay ang San Carlos Seminary, Gusaling Geronimo de los Reyes, Gusaling Magsaysay, Tanghalang Avenue, Tanghalang Rizal, Tanghalang Capitol, Gusaling Captain Pepe, Manila Jockey Club, Gusaling Rufino, Philippine Village Hotel, Gusaling Pampamamahala, Aklatang Pampamantasan at Toreng Karilyon ng Pamantasan ng Pilipinas, ang bagong Dambanang Rizal sa Calamba, Laguna at disenyo ng altar ng Konggresong Pandaigdig sa Eukaristiya.[1][4]
Matapos matupok ng apoy ang Simbahan ng Parokya ng San Juan Bautista o mas kilala sa tawag na Simbahan ng Quiapo sa Maynila noong Oktubre 30, 1929, ito ay muling naitayo noong 1936 base sa mga plano at disenyong ginawa ni Juan Nakpil noong 1933.[6][7]
Ang Dambanang Mabini na dating nasa bahaging timog na pangpang ng Ilog Pasig ay nailipat at naitayong muli sa Hugnayan ng Pangkat ng Pampanguluhang Seguridad sa Liwasan ng Malakanyang sa pangunguna ni Juan Nakpil.[8]
Bukod dito, ginawaran din siya ng parangal bilang Architect of the Year noong 1939, 1940 at 1946, ng gintong medalya ng pagkilala mula sa Institute of Architects noong 1950, bilang Most Outstanding Professional in Architecture mula sa Philippine Association of Board Examiners noong 1951, pandangal na correspondent member ng Societe de Architectes par le Gouvernement Francais noong 1952, Chevalier de la legion d’Honneur noong 1955, Presidential Medal of Merit mula kay Pangulong Ramon Magsaysay noong 1955, correspondent member ng Colegio de Arquitectos de Chile noong 1956, Patnubay ng Sining at Kalinangan Award noong 1968, Republic Cultural Heritage Award noong 1971 at Rizal Pro Patria Award noong 1972.[1]