Si Lázaro Francisco y Angeles, na kilala rin bilang Lazaro A. Francisco (Pebrero 22, 1898 – Hunyo 17, 1980) ay isang Pilipinong nobelista, tagapagsanaysay at mandudula. Si Francisco ay pinangalanang isang Pambansang Alagad ng Sining ng Pilipinas para sa Panitikan noong 2009.[1]
Talambuhay
Si Lazaro Francisco ay pang-apat na anak ni Eulogio Francisco at Clara Angeles. Siya ay isinilang sa Orani, Bataan ngunit pumunta at tuluyang namalagi sa Nueva Ecija.
Siya ay itinuturing na isa sa matibay na haligi ng panitikang Filipino. Ilan sa mga isinulat niyang mga nobelang ay ang Singsing na Pangkasal, Bayang Nagpatiwakal, Sa Paanan ng Krus, Ilaw sa Hilaga, Binhi at Bunga, Cesar, Sugat ng Alaala, Ama, Maganda Pa Ang Daigdig, at ang pinakahuli niyang nobela, ang Daluyong. Maliban sa Bayang Nagpatiwakal, lahat ng kanyang nobela ay nalathala sa Liwayway.
Makikita sa kanyang mga nobela na pinayaman niya ang panitikan ng bansa at sinubukan niyang pagandahin ang Pilipinong daigidig sa pamamagitan ng kanyang pambihirang kakayahan sa wika at pakikisangkot sa kapakanan at mithiin ng mga Pilipino.
Si Lazaro Francisco o "Saro" ay isa sa apat na napiling parangalan ng 2009 Gawad Pambansang Alagad ng Sining (Panitikan). Kinikilala rin siya na ama ng Kapatiran ng mga Alagad ng Wikang Pilipino (KAWIKA). Iginawad sa kanya ang mga karangalang ”Patnubay ng Lahi” ng Maynila. ”Dangal ng Lahi” ng Lungsod ng Quezon, at noong 1970 ay ipinagkaloob sa kanya ang ”Republic Cultural Heritage Award” sa Panitikan.
Ang nobelang "Ama" ay isinalin sa wikang Pranses ni Jean-Paul G. Potet sa ilalim ng pamagat "Maître Tace".