Taon ng Daga sa ika-13 siglo (s. 1228/1229, 1240, 1252, 1264)
Ang Sikretong Kasaysayan ng mga Monggol (Monggol:ᠮᠣᠩᠭᠣᠯ ᠤᠨ ᠨᠢᠭᠤᠴᠠ ᠲᠣᠪᠴᠢᠶᠠᠨ, Halhang Monggol: Монголын нууц товчоо, Mongoliin nuuc tobhchoo) ay ang pinakalumang natitirang akdang pampanitikan sa wikang Monggol. Isinulat para sa maharlikang pamilya ng mga Monggol ilang panahon pagkaraan ng pagkamatay ni Genghis Khan noong 1227, isinasalaysay nito ang kanyang buhay at mga pananakop, at bahagya, ang paghahari ng kanyang kahalili na si Ögedei Khan.
Hindi kilala ang may-akda, at sumulat siya sa wikang Gitnang Monggol gamit ang sulat Monggol. Hindi tiyak ang petsa ng teksto, dahil ayon sa kolopon sa teksto, natapos ang aklat sa Taon ng Daga, sa pampang ng Ilog Kerulen sa Khodoe Aral. 1228 ang pinakamaagang taon kung kailan posible itong naisulat.[1]
Habang napreserba ang Sikretong Kasaysayan sa bahagi bilang basehan ng ilang kronika tulad ng Jami' al-tawarikh, Shengwu qinzheng lu, at Altan Tobchi, ang buong gawaing Monggol ay nakaligtas lamang sa isang bersiyon na ginawa noong mga siglong 1400 sa simula ng dinastiyang Ming, kung saan isinatitik ang pagbigkas sa mga titik Tsino bilang pantulong sa mga tagapagsalin[1] sa ilalim ng pamagat na Ang Sikretong Kasaysayan ng Dinastiyang Yuan (Tsino: 元朝秘史; pinyin: Yuáncháo Mìshǐ). Lumitaw rin ang halos dalawang-katlo ng Sikretong Kasaysayan sa mga bersiyong nag-iiba nang kaunti sa ika-17 siglong kronikang Monggol na Altan Tobchi (lit. na
'Gintong Kronika') ni Lubsang-Danzin.
Itinuturing ang Sikretong Kasaysayan bilang ang nag-iisang pinakamahalagang katutubong Monggol na salaysay ni Genghis Khan. Sa lingguwistika, ito ang pinakamayamang mapagkukunan ng pre-Klasikong Monggol at Gitnang Monggol.[2] Kinokonsidera ang Sikretong Kasaysayan bilang klasikong panitikan sa Monggolya at ibang bahagi ng mundo, at naisalin na sa higit sa 40 wika.[3]
Nilalaman
Nag-uumpisa ang akda sa semi-mitikong talaangkanan ni Genghis Khan, ipinanganak sa pangalang Temüjin. Ayon sa alamat, isinilang ng bughaw-abong lobo at usang babae ang unang Monggol, na ipinangalang Batachiqan. Labing-isang henerasyon pagkatapos ni Batachiqan, inabandona ang isang biyuda na si Alan Gua ng kanyang mga biyenan at iniwan kasama ang kanyang dalawang anak na lalaki na sina Bügünütei at Belgünütei. Kalaunan, nagkaroon siya ng tatlo pang anak na lalaki sa kahima-himalang lalaking kumikinang na pumasok sa labasan ng usok sa tuktok ng ger. Si Bodonchar ang bunso sa tatlong anak ni Alan Gua na may banal na pagsisilang, at siya ang naging tagapagtatag ng Borjigin.[4] Nagsisimula ang paglalarawan ng buhay ni Temüjin sa pagkidnap ng kanyang ina, Hoelun, ng kanyang ama na si Yesügei. Tinatalakay nito ang maagang buhay ni Temüjin kasunod ng kanyang kapanganakan noong mga 1160; ang mahihirap na panahon pagkatapos ng pagpaslang sa kanyang ama; at ang maraming pakikipagbanggaan sa kanya, mga digmaan, at mga pakana bago niya makuha ang titulong Genghis Khan noong 1206. Tumatalakay ang mga kasunod na bahagi ng akda sa mga kampanya ng pananakop ni Genghis at ang kanyang ikatlong anak na si Ögedei sa Eurasya; nagtatapos ang teksto sa mga pagmumuni-muni ni Ögedei sa kung ano ang mabuti niyang nagawa at kung ano ang mali niyang nagawa.
Kahalagahan
Itinuturing ng mga iskolar ng kasaysayan ng Monggolya na napakahalaga ang teksto para sa kayamanan ng impormasyong nilalaman nito sa etnograpiya, wika, panitikan at iba't ibang aspeto ng kulturang Monggol.[5][6] Kung tungkol sa halaga nito sa larangan ng lingguwistika, kinokonsidera itong natatangi sa mga tekstong Monggol bilang halimbawa na malaya sa impluwensya ng Budismo na laganap sa mga nahuhuling teksto. Lalo itong pinahahalagahan para sa malinaw at makatotohanang mga paglalarawan ng pang-araw-araw na buhay at organisasyong tribo ng sibilisasyong Monggol noong ika-12 at ika-13 siglo, na nagsisilbing kapupunan ng mga iba pang pangunahing sanggunian sa mga wikang Persa at Tsino.[7]
Mas kontrobersyal ang kahalagahan nito bilang sangguniang tumpak ayon sa kasaysayan: habang positibo rin ang pananaw ng ilang eksperto, tulad ni René Grousset, sa bagay na ito, pinaniniwalaan ng iba, tulad ni Igor de Rachewiltz, pangunahing nakasalalay ang kahalagahan ng sanggunian sa "tapat na paglalarawan nito ng buhay-tribo ng mga Monggol",[6] at itinuring ni Arthur Waley na "halos wala ang makasaysayang halaga" ng Sikretong Kasaysayan.[8]
Noong 2004, ipinag-utos ng Pamahalaan ng Monggolya na ang isang kopya ng Ang Sikretong Kasaysayan ng mga Monggol na natatakpan ng gintong lamina ay ipupuwesto sa likurang bahagi ng Palasyo ng Pamahalaan sa Ulaanbaatar.[9]
Mga sanggunian
↑ 1.01.1The Secret History of the Mongols [Ang Sikretong Kasaysayan ng mga Monggol]. Penguin Classics (sa wikang Ingles). Sinalin ni Atwood, Christopher Pratt. Dublin: Penguin Books. 2023. ISBN978-0-241-19791-2.
↑De Nicola, Bruno (2017). Women in Mongol Iran: The Khatuns, 1206-1335 [Mga Kababaihan sa Monggol na Iran: Ang Mga Khatun, 1206-1335] (sa wikang Ingles). Edinburgh University Press. p. 36. ISBN9781474415477.