PAALALA: Maaaring naglalaman ang pahinang ito ng mga simbolong pamponetikong IPA.
Ang tradisyonal na sulat Monggol na kilala rin bilang Hudum Mongol bichig, ay ang unang sistema ng pagsulat na nilikha mismo para sa wikang Monggol, at ito ang pinakalaganap dati hanggang sa pagpapakilala ng Siriliko noong 1946. Kinaugaliang isinusulat ito nang patayo mula itaas pababa, pakanan sa pahina. Hinango mula sa alpabeto ng Lumang Uyghur, isa itong tunay na alpabeto, na may magkakahiwalay na titik para sa mga katinig at patinig. Inangkop ito para sa mga ibang wika gaya ng Oirat at Manchu. Patuloy na ginagamit ang mga alpabetong nakabatay sa klasikal na patayong script na ito sa Monggolya at Monggolyang Interyor upang isulat ang wikang Monggol, wikang Sibe at, sa eksperimentong paraan, wikang Ebenki.
Naging mabagal ang mga sistemang operatibo ng mga kompyuter sa pagpapatibay ng suporta para sa sulat Monggol; halos lahat ay nagkukulang sa suporta o nagkakaproblema sa pagpapakita ng teksto.
Kasaysayan
Binuo ang patayong sulat Monggol bilang pag-aangkop ng alpabeto ng Lumang Uyghur para sa wikang Monggol.[2]:545 Si Tata-tonga, isang eskribang Uyghur noong ika-13 siglo na nahuli ni Genghis Khan, ang naging responsable sa pagdala ng alpabetong Lumang Uyghur sa Talampas Monggol at sa pag-aangkop nito patungo sa anyo ng sulat Monggol.[3]
Mula sa ikapito at ikawalo hanggang ikalabinlima at ikalabing-anim na siglo, nagbukud-bukod ang wikang Monggol sa mga diyalektong timugan, silanganin at kanluranin. Ang mga pangunahing dokumento mula sa panahon ng wikang Gitnang Monggol ay: sa silanganing diyalekto, ang sikat na teksto Ang Sikretong Kasaysayan ng mga Monggol, mga monumento sa pakuwadradong sulat, mga materyales ng talahulunganang Tsino–Monggol ng ikalabing-apat na siglo at mga materyales ng wikang Monggol ng gitnang panahon sa transkripsiyong Tsino, atbp.; sa kanluraning diyalekto, mga materyales ng mga diksiyonaryong Arabe–Monggol at Persa–Monggol, mga tekstong Monggol sa transkripsiyong Arabe, atbp.[4](pp1–2) Ang mga pangunahing tampok ng panahon ay nawala ang ponemikong kahalagahan ng mga patinig na ï at i, na nagbuo sa ponemangi (sa diyalektong Chakhar, ang Pamantayang Monggol sa Monggolya Interyor, magkahiwalay pa rin ang mga patinig na ito); nawala ang mga interbokal na katinig na ɣ/g, b/w at nagsimula ang paunang proseso ng pagbubuo ng mahahabang patinig sa wikang Monggol; napanatili ang unang h sa maraming salita; nawala minsan ang mga kategoryang panggramatika, atbp. Nagpapaliwanag ang paglilinang sa panahong ito kung bakit kahawig ng patayong sulat Arabe ang sulat Monggol (sa partikular ang pagkakaroon ng sistema ng tuldok).[4](pp1–2)