Pagsasanib (politika)

Sa usaping pampolitika o administratibo, ang pagsasanib, pagsasama, konsolidasyon, amalgamasyon, o pusyon[1][2] (Ingles: merger, consolidation, o amalgamation) ay ang pagsasama o pag-iisa ng dalawa o higit pang mga entidad pampolitika o administratibo, tulad ng mga munisipalidad (sa madaling salita, mga lungsod, bayan, atbp.), kondado, distrito atbp., upang maging iisang entidad. Ginagamit ang katawagang ito kapag nagaganap ang prosesong ito sa loob ng isang soberaniyang entidad.

Ang isang di-balanseng paglaki o palabas na paglawak (ang pagkalat na urbano o urban sprawl) ng isang karatig-entidad pampolitika o pampangasiwaan ay maaaring mangailangan ng isang pagpapasiyang administratibo para magsanib. Sa ilang mga kaso, isang salik sa pag-udyok ng gayong proseso ang karaniwang paniniwala ng kontinuwidad o pagtutuloy-tuloy, tulad sa isang conurbation. Ilang mga lungsod (tingnan sa baba) na dumaan sa amalgamasyon o sa isang kahawig na proseso ay may ilang mga subdibisyon administratibo o hurisdiksiyon, bawat isa ay may isang indibiduwal na taong namamahala.

Kahawig sa amalgamasyon o pagsasanib ang pagdurugtong o aneksiyon (annexation), ngunit pangunahing nag-iiba ito sa gamit sa dalawang mga kaso:

  1. Ang mga yunit na sinasama ay mga soberanyang entidad bago ang proseso, taliwas sa pagiging mga yunit ng isang iisang entidad pampolitika.
  2. Pinalalawak ang mga hangganan ng isang lungsod sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga teritoryong hindi pa nasasapi bilang mga lungsod o nayon.

Kapansin-pansing mga pagsasanib na munisipal

Maaring gawin ang ng pagsasanib ng dalawa o higit pang mga munisipalidad para maging isang bago at iisang munisipalidad dahil sa samu't-saring mga kadahilanan, kasama ang urbanong paglaki, pagbabawas ng mga gastusin ng lokal na pamahalaan, at pagpapabuti ng kahusayan ng paghahatid ng serbisyong munisipal.

Pilipinas

Sinanib ang mga bayan ng Bacon at Sorsogon sa lalawigan ng Sorsogon upang maging bagong Lungsod ng Sorsogon noong 2000, sa bisa ng Batas Republika Blg. 8806.[3]

Alemanya

Nagsagawa ng mga palatuntunang pagsasanib ng mga munisipalidad ang ilang mga estado ng Kanlurang Alemanya noong mga dekada-1960 at 1970. Sa estado ng Baden-Württemberg, bumaba ang bilang ng mga munisipalidad sa 1,110 noong 1975 mula sa dating 3,379 noong 1968. Sa estado ng Bavaria, bumaba mula humigit-kumulang 7,000 noong 1972 ang bilang ng mga munisipalidad sa humigit-kumulang 2,000 noong 1978. Sa estado ng Hesse, binawasan sa 421 ang bilang ng mga munisipalidad noong 1977 mula sa dating 2,642 noong 1972. Sa estado ng Hilagang Renania-Westfalia, binawasan sa 396 ang bilang ng mga munisipalidad mula sa dating 2,365 sa pagitan ng 1967 at 1975. Sa estado ng Saarland, nabawasan sa 50 ang bilang mula sa dating 345 noong 1974. Sa kabila nito, inokupa ng mga mamamayan ng Ermershausen sa Bavaria ang gusaling pambayan (town hall) upang ipahayag ang pagtutol sa pagsasanib ng kanilang bayan sa bayan ng Maroldsweisach, ngunit hindi sila nagtagumpay; gayunpaman, muling binuo bilang isang munisipalidad ang Ermershausen noong 1994. Matagumpay ring inapela ng Horgau, isang bayan sa Bavaria pa rin, ang ginawang pagsasanib sa kanila sa bayan ng Zusmarshausen sa Hukom Konstitusyonal ng Bavaria (Bayerischer Verfassungsgerichtshof). Isinagawa rin ang mga pagsasanib sa dating Silangang Alemanya pagkaraan ng 1990, tulad sa estado ng Brandeburgo noong 2003.

Belhika

Noong 1977, ang 2,359 na mga munisipalidad ng Belhika ay sinanib sa 596 na bagong mga munisipalidad.

Brasil

Noong 1975, sinanib ang mga estado ng Guanabara at Rio de Janeiro sa Brasil. Ang nauna ay binuo lamang ng mga hangganang panteritoryo ng lungsod ng Rio de Janeiro, na dating Distritong Pederal bilang kabisera ng bansa hanggang nilipat ito sa bagong-tayong lungsod ng Basília noong 1960. Nang sinanib, ang Guanabara ay naging munisipalidad ng Rio de Janeiro sa loob ng bagong estado. Sa usaping pangheograpiya, maaring ipalagay na sinama ng estado ng Rio ang Guanabara; subalit, dahil napakahalaga ang mga yamang administratibo at pinansiyal ng dating kabisera at lungsod, na mas-malaki pa sa nalalabing estado, mas-tamang itukoy ang pagbabagong ito bilang isang pagsasanib (fusão).

Canada

Nasaksihan ng dekada-1990 sa bansang Canada ang sapilitang pagsasanib ng ilang mga entidad na munisipal sa mga lalawigan ng Nova Scotia, Ontario at Québec sa mas-malaki at bagong mga munisipalidad. Nilikha ng proseso ang tinawag na "megacity" tulad ng bansag ng midya, bagamat wala sa alinmang mga nilikhang munisipalidad ang pasok sa kahulugan ng isang megacity sa pandaigdigang pananaw, at ilan sa kanila ay hindi pa umaabot sa isang milyong katao ang kanilang mga populasyon.

New Brunswick
Nova Scotia
Ontario

Nagsagawa ang pamahalaang panlalawigan ni Mike Harris ng isang malawakang programa ng munisipal na pagsasanib sa pagitan ng mga taong 1996 at 2002. May 815 mga munisipalidad sa lalawigan noong 1996, at pagsapit ng taong 2002 bumaba ang bilang na ito sa 447 mga munisipalidad.[4]

  • Toronto – Noong 1967, sinanib ang mga bayan ng Leaside, Mimico, New Toronto, at Weston at ang mga nayon ng Forest Hill, Long Branch at Swansea sa lungsod at sa mga borong bumubuo sa Kalakhang Toronto. Noong 1998, ang gayong mga boro sa Kalakhang Toronto – mga lungsod ng Etobicoke, North York, Scarborough, at York at bayan ng East York – ay sinanib sa bagong Lungsod ng Toronto.
  • Cambridge – Noong 1973, nilikha ng pamahalaang panlalawigan ang bagong Lungsod ng Cambridge sa pamamagitan ng pagsasanib ng Lungsod ng Galt, mga bayan ng Preston at Hespeler, at maliit na nayon ng Blair.
  • Thunder Bay – Noong Enero 1, 1970, sinanib upang maging iisang lungsod ang magkakambal na mga lungsod ng Fort William at Port Arthur.
  • Ottawa – Noong 2001, sinama ang mga munisipalidad ng Ottawa, Cumberland, Osgoode Township, Rideau Township, Goulbourn Township, West Carleton, Nepean, Kanata, Gloucester, Vanier, at Rockcliffe Park.
  • Greater Sudbury – bunga ng pagsasanib ng dating Regional Municipality of Sudbury noong 2001; ang regional municipality naman ay nilikha ng isang serye ng mga amalgamasyong munisipal noong 1973.
  • Hamilton – Noong 2001, sinanib ang dating mga lungsod ng Hamilton at Stoney Creek at mga dating bayan ng Ancaster, Dundas, Flamborough, at Glanbrook upang makabuo ng bagong Lungsod ng Hamilton.
  • Temiskaming Shores – Sinanib ang mga bayan ng New Liskeard at Haileybury at township ng Dymond noong 2004 upang makabuo ng bagong bayan ng Temiskaming Shores.
Québec
Manitoba
  • Winnipeg: noong 1971, sinama sa Winnipeg ang mga munisipalidad ng Transcona, St. Boniface, St. Vital, West Kildonan, East Kildonan, Tuxedo, Old Kildonan, North Kildonan, Fort Garry, Charleswood, at St. James-Assiniboia sa pamamagitan ng Batas ng Lungsod ng Winnipeg. Mas karaniwang ginagamit ang salitang "unicity" upang ilarawan ang gayong pagsasanib.

Dinamarka

Noong 1970, binawasan ng mga pagsasanib ang bilang ng mga munisipalidad ng Dinamarka sa 277 mula sa dating 1,098. Noong 2007, sinama ang noo'y 270 mga munisipalidad sa 98 mga munisipalidad, karamihan ay bunga ng mga pagsasanib.

Estados Unidos

Sa politika ng Estados Unidos, maaring tawagin ang isang sinanib na entidad bilang pinagsamang lungsod–kondado (consolidated city–county).

Gresya

Ang Panukalang Kallikratis ay nagpapalit ng 1,033 mga munisipalidad at komunidad sa Gresya sa 325 bagong mga munisipalidad noong 2011.

Hapon

Israel

Noong 2003, sinama ang lungsod ng Baqa al-Gharbiyye at lokal na konseho (bayan) ng Jatt sa Distrito ng Haifa upang mabuo ang lungsod ng Baqa-Jatt, ngunit pinawalang-bisa ang pagsasanib na ito noong 2010 at binuo muli ang nabanggit na mga munisipalidad.

Malaysia

Noong Abril 21, 2018, inihayag ng pamahalaang estado ng Negeri Sembilan ang pagsasama ng Sangguniang Munisipal ng Seremban at Sangguniang Munisipal ng Nilai upang maging Sangguniang Panlungsod ng Seremban na magkakabisa sa Enero 2019.[6]

New Zealand

Noong Nobyembre 2010, sinanib ang pitong mga sanggunian ng Lungsod ng Auckland: Auckland City Council, Manukau City Council, Waitakere City Council, North Shore City Council, Papakura District Council, Rodney District Council, at malaking bahagi ng Franklin District Council upang mabuo ay kasalukuyang sanggunian ng Lungsod ng Auckland.

Pinlandiya

Ang patuloy na serye ng mga pagsasanib ay nagpababa ng bilang ng mga munisipalidad ng Finland sa 311 noong 2017, mula sa dating 432 noong 2006.

Portugal

Ang Portugal ay isa sa unang mga bansa sa mundo na nagsagawa ng malakihan at makabagong repormang administratibo, lalo na noong ika-19 na dantaon. Noong unang bahagi ng ika-19 na dantaon, nahati ang bansa sa higit sa 800 mga munisipalidad. Noong 1832, sa kasagsagan ng Digmaang Sibil ng Portugal, isang batas na mula kay Mouzinho da Silveira, ministro mula sa liberal na nadistiyerong pamahalaan na noo'y namuno sa Azores, ay nagpapayak sa pampublikong pangasiwaan at pinabawas ang bilang ng mga munisipalidad sa 796. Noong 1836, kasunod ng pagkapanalo ng pamahalaang liberal, gumawa si Passos Manuel, ministro mula sa pamahalaan ng Markes ng Sá da Bandeira, ng isang matinding pagbabagong administratibo na nagpabawas ng bilang ng mga munisipalidad sa 351. Sinundan ang reporma ni Passos Manuel ang kalakarang desentralismo, na lumikha ng isang hinirang na pangasiwaang munisipal. Noong 1855, isa pang serye ng mga pagsasanib ay nagpabawas ng bilang ng mga munisipalidad sa 254. Sa nalalabing bahagi ng ika-19 na dantaon, ilang mga pagsasanib ang naganap, lalo na noong dekada-1890, ngunit binuo muli ang ilang sinanib na mga munisipalidad. Kasunod ng panahong iyon, pangunahing tuon ng mga pagbabago sa porma ng mapang munisipal ng bansa ang pagbabalik ng mga sinanib na munisipalidad at paglikha ng bagong mga munisipalidad, lalo na noong ika-20 dantaon. Kasalukuyang may 308 mga munisipalidad sa bansa. Nangyari ang huling pagbabago sa mapang munisipal ng Portugal noong 1998, bunsod ng pagbubuo ng mga munisipalidad ng Odivelas (sa distrito ng Lisboa), Trofa (sa distrito ng Porto) at Vizela (sa distrito ng Braga).

Higit sa 1,000 mga freguesia (o parokya) ang sinanib noong 2013.

Suwesya

Maraming rural na mga munisipalidad ng Suwesya ay sinanib noong 1952, at bumaba ang bilang sa 816 mula sa dating 2,281. Isa pang serye ng mga pagsasanib, sa pagkakataong ito kasama ang mga lungsod at bayang pamilihan (market towns), ay nagpabawas ng kabuoang bilang ng mga munisipalidad sa 278 noong 1974 mula sa dating humigit-kumulang 1,000 noong unang bahaging dekada-1960. Magmula noong 2013, may 290 munisipalidad ang Suwesya.

Tsina

Sinanib ang dalawang dating mga malayang lungsod ng Hankou at Wuchang, gayon din ang kondado ng Hanyang, noong 1927 upang maging isang lungsod na nagngangalang Wuhan. Itinalaga ang Wuhan bilang unang direktang-kontrolado na munisipalidad ng Tsina at nilayon na gawing kanisera ng Tsina. [7][8]

Unggarya

Ang Budapest, na kabisera at pinakamalaking lungsod ng Unggarya, ay nabuo mula sa pagsasanib ng magkatapat na mga lungsod ng Buda at Pest sa Ilog Danubio noong 1873.

Tingnan din

Mga sanggunian

  1. "GabbyDictionary.com". GabbyDictionary English – Filipino by Luciano L. Gaboy. Inarkibo mula sa orihinal noong 2020-02-17. Nakuha noong 2020-04-20.
  2. "merger - translation". English-Tagalog Dictionary, Glosbe.
  3. "R.A. No. 8806: An Act Creating the City of Sorsogon by Merging the Municipalities of Bacon and Sorsogon in the Province of Sorsogon and Appropriating Funds Therefor". The Corpus Juris. Agosto 16, 2000. Nakuha noong Hunyo 13, 2022.
  4. Municipal restructuring since 1996 Naka-arkibo November 5, 2012[Date mismatch], sa Wayback Machine.. Archives of Ontario. Retrieved January 1, 2012.
  5. Michael Mancuso/The Times. "Princeton voters approve consolidation of borough, township into one municipality". NJ.com. Nakuha noong Disyembre 10, 2011.
  6. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2018-06-22. Nakuha noong 2020-04-20.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link)
  7. 历史沿革. Inarkibo mula sa orihinal noong Hunyo 25, 2012. Nakuha noong Marso 21, 2012. Naka-arkibo June 25, 2012[Date mismatch], sa Wayback Machine.
  8. 江汉综述. Inarkibo mula sa orihinal noong Pebrero 2, 2014. Nakuha noong Marso 21, 2012. Naka-arkibo February 2, 2014[Date mismatch], sa Wayback Machine.