Ang pag-ampon, pag-aampon, pag-aring-anak, ariing anak, o adopsiyon ay isang gawain ng pagkupkop at pagturing bilang tunay na anak sa isang batang ulila.[1][2][3] Kaugnay ng kahulugang pambatas, isa itong legal na hakbang o pamamaraang pumuputol sa legal na pagkakaugnay ng isang tao sa kanyang totoo at biyolohikal na mga magulang o mga "magulang sa dugo at laman", at nagpapalit o nagbibigay ng bagong mga magulang.[4] Sa Aklat ng Henesis (Henesis 30:3) ng Lumang Tipan ng Bibliya, inilalarawan ang pag-aampon ng anak o bata bilang "panganganak sa tuhod".[5] Sa pinalawak nitong kahulugan, ito ang paggamit ng isang tao ng hiniram na ideya o patakaran ng ibang tao o pangkat ng mga tao.[3] Tumutukoy din ang pag-aampon sa pagbibigay at paglalaan ng proteksiyon, pagtatanggol, pagpapatuloy, pagkakanlong, at pagkandili sa isang taong nangangailangan nito.[1]
Tinatawag na ampon, batang-ampon, anak na ampon, o putok sa buho ang isang batang inampon o sumailalim sa proseso ng adopsiyon. Samantala, tinatawag namang ampunan, bahay-ampunan, at asilo ang lugar na ginagamit bilang alagaan at kupkupan ng mga ulilang batang hindi naaampon ng bagong mga magulang. Tinatawag na tagaampon, taga-ampon, o tagapag-ampon, tagapagpala ang tao o mga taong umampon sa batang nangangailangan at naghahanap ng pagkalinga at pagmamahal ng isang magulang.[1]
↑Dobelis, Inge N. atbp (1994). "Adoption". Reader's Digest Legal Problem Solver, A Quick-and-Easy Action Guide to the Law. Reader's Digest, Reader's Digest Association, Inc., New York/Montreal, ISBN0895775506., pahina 16.
↑Abriol, Jose C. (2000). "Paliwanag ukol sa pariralang Manganak sa aking tuhod, Ang Ibang mga Anak ni Jacob". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN9715901077., pahina 50.