Ang kastanyas o kastanyo (Kastila: castañas o castaño; Ingles: chestnut) ay isang uri ng puno o bunga nito. Kakulay ng kayumanggi o moreno ang mga biluging bunga ng puno ng kastanyas.[1][2] Nakakain ang bungang mani nito.[3][4][5] Katutubo ang punong ito sa mga rehiyon na may katamtamang klima sa Hilagang Hemisperyo. Kabilang ang kastanyas sa pamilyangFagaceae, na kinabibilangan ng mga roble at haya. Karaniwang kilala ang apat na pangunahing espesye bilang Amerikano,[6] Europeo, Tsino, at Hapones na mga kastanyas.
Kilala ang isang katutubong uri ng espesye na ito sa Pilipinas bilang talakatak o Pilipinong kastanyas (Castanopsis philippinensis). Hindi komersyal na nililinang ang mga ito at inaani ito mula sa ilang (o wild) at lokal na kinukunsumo.[7][8] Inaangkat naman ng Pilipinas ang mga hindi katutubong kastanyas upang ibenta bilang pagkaing kalye tuwing kapaskuhan.[9][10][11] Niluluto ang mga binebentang kastanyas sa paghalo nito sa maliliit na bato upang matamo ang tamang init at maging pantay ang pagkaluto.[12]
Tinatawag din ito sa Tagalog bilang takatak, tulakatak, lobian, at paun-ngagan, bating at bayoktuan.[8] Partikular sa Rizal ang tawag na bating at bayoktuan habang sa Camarines at Quezon naman ang takatak at talakatak. Sa Waray, partikular sa Samar at Leyte, tinatawag itong ulayan habang sa Tagbanua naman ay bayante nueve.
Produksyon
Noong 2020, umaabot ang produksyon ng nalinang na kastanyas sa buong mundo sa 2,322 tonelada, na pinangunahan ng Tsina na may 75% sa kabuuan (tingnan ang tala sa ibaba). Mahahalagang mga prodyuser naman ang Espanya at Bolivia.
Naging bahagi na ang pagkain ng kastanyas sa panahon ng Pasko. Kung kaya, nabanggit sa ilang awiting pampasko ang bungang ito tulad ng "Sa Paskong Darating" na inawit ni Celeste Legaspi at ang "The Christmas Song" ni Nat King Cole.[12]
Mga sanggunian
↑Diksyunaryong Tagalog-Ingles ni Leo James English, Kongregasyon ng Kabanalbanalang Tagapag-ligtas, Maynila, ipinamamahagi ng National Book Store, may 1583 na mga dahon, ISBN 971910550X
↑Lacquian, Eleanor at Irene Sobreviñas (1977). "Castañas - chestnuts". Filipino Cooking Here & Abroad (Lutuing Pilipino Dito at sa Labas ng Bansa).
↑Huang, Chengjiu; Zhang, Yongtian; Bartholomew, Bruce. "Castanea". Flora of China (sa wikang Ingles). Bol. 4 – sa pamamagitan ni/ng eFloras.org, Missouri Botanical Garden, St. Louis, MO & Harvard University Herbaria, Cambridge, MA.
↑Nixon, Kevin C. (1997). "Castanea". Sa Flora of North America Editorial Committee (pat.). Flora of North America North of Mexico (FNA) (sa wikang Ingles). Bol. 3. New York and Oxford – sa pamamagitan ni/ng eFloras.org, Missouri Botanical Garden, St. Louis, MO & Harvard University Herbaria, Cambridge, MA.{{citation}}: CS1 maint: location missing publisher (link)
↑"Castanea". Flora Europaea (sa wikang Ingles). Edinburgh: Royal Botanical Garden. 2008.