Ang Bayan ng Tondo (Baybayin: ᜆᜓᜈᜇᜓ; Kapampangan: Balen ning Tondo; Tsino: 東都; pinyin: dōngdū; Malay: Negara Tundun), tinatawag ring Tundo, Tundun, Tundok, Lusung, Tung-lio, Imperyong Luzon,[1] o Sinaunang Tondo, ay isang sinaunang sentro ng kalakalan sa Pilipinas na ang kabisera ay nasa look ng Maynila, ang Tondo sa kapuluan ng Luzon. Ito ay ang isa sa mga kabihasnan sa Pilipinas na nabanggit sa Inskripsiyon sa Binatbat na Tanso ng Laguna noong taong 900. Ito ay kadalasang itinuturing ng mga dayo (partikular mga Tsino, Portuges at Kastila) bilang "Kaharian ng Tondo" (Baybayin: ᜃᜑᜍᜒᜀᜈ᜔ ᜅ᜔ ᜆᜓᜈᜇᜓ) subalit ipinaliwanag na ito'y mali sa isa sa mga unang diksyunaryong Tagalog na Vocabulario de la lengua tagala ni Pedro de San Buenaventura noong 1613.
Kasama ang Bayan ng Maynila, ang bayan sa katimugang bahagi ng Ilog Pasig, nagtatag ito ng kabahaging monopolyo sa kalakalan ng panindang Tsino patungo sa buong kapuluan ng Pilipinas, na siyang naging dahilan upang maging malakas ang Tondo sa pakikipagkalakalan sa buong Timog-silangang Asya at Silangang Asya.
Kasunod ng pagdating ng mga Kastila noong 1570 at ang pagkatalo ng mga katutubong pinuno sa look ng Maynila noong 1571, ang Tondo ay pinamunuan mula sa Intramuros (isang tanggulang itinayo ng mga Kastila mula sa mga labi ng bayan ng Maynila). Ang tuluyang pagsakop ng Imperyong Kastila sa Tondo ay nagwakas sa katayuan nito bilang isang malayang estado. Kasalukuyan na lamang ito umiiral bilang isang distrito sa lungsod ng Maynila.
Tungkol sa Bayan ng Tondo
Ito ay isang Indiyanisadong kaharian na naitatag noong ika-10 dantaon, naging pinakamatandang pook sa kapuluan na nagkaroon ng ugnayan sa Dinastiyang Ming sa Tsina at sa bansang Hapon sa Silangang Asya, ito din ay may matatag na samahan sa Imperyong Brunei at mayroong mga malalakas na tanggulan at sandatahan sa hilagang Pilipinas, na pinamunuan ng mga makikisig na hari at pinagbuklod nito ang mga lalawigan sa Luzon, hanggang sa tuluyang pagbagsak ng Dinastiyang Tondo noong 1571 nang matalo ng pwersa ng Espanya ang sandatahan ni Lakandula na hari noon ng Tondo.
Sa kasalukuyan, ang Tondo ay ang pinakamatandang pook sa Maynila, dahil magpahanggang ngayon ay umiiral pa rin ang pangalan nito na isa ngayong distrito sa Maynila.
Ayon sa mga Tala
Inskripsiyon sa Binatbat na Tanso ng Laguna
Ayon sa binatbat na tanso na siyang pinakamatandang dokumento na nakita sa Pilipinas, dito naitala ang pangalang Tondo na "Tundun" ang sinaunang pangalan.
Nabanggit dito ang mga katagang:
"Sa pagkakataong ito, si Dayang Angkatan, at ang kanyang kapatid na lalaki na ang pangalan ay Bukah, at ang mga anak ni ang dakilang Namwaran, ay iginawad ng isang kasulatan ng buong kapatawaran mula sa Hari ng Tundun, kinakatawan ng Punong Ministro ng Pailah, Jayadewa."
Dito ay isinulat ang kapatawaran ng hari ng Tondo kay Namwaran at Dayang Angkatan sa kanilang pagkakautang na nagkakahalaga ng 926.4 na gramo ng ginto,[2] na naisulat pa sa sulat na Kawi, isang sinaunang sistemang panulat ng mga Malay at Indones na ginagamit din ng mga Pilipino bago naimbento ang sulat na Baybayin noong ika-13 dantaon.
Ayon sa tala ng mga Intsik
Ang susunod na mga tala tungkol sa Kaharian ng Tondo ay matatagpuan sa mga salaysay ng Ming Shilu (明 实录]),[3] na nakikipag-kalakalan na ang mga Tsino sa sinaunang Pilipinas na naisulat noong 1373,[3] na ayon sa mga talata nito na ang mga Tsino ay nakakatungo at nakikipag-kalakalan na sa kabisera ng Kaharian ng Tondo kung saan naluluklok ang hari at ang kapangyarihan nito. (Tsino: 東都; pinyin: dōngdū)[4]
Ayon sa tala ng mga Hapones
Magagaling sila sa pakikipag-kalakalan sa mga dayo, at naitala din na nandarayuhan rin ang mga Hapones sa Luzon upang makipag-kalakalan, at may matibay din itong ugnayan sa bansang Hapon.[5] Naging tanyag ang Tondo sa tinda nilang tisa, ginto, pilak, perlas, porselana, pulot at mga kasuotang seda lalo na noong ika-16 na dantaon. Tinatawag ng mga Hapon ang Tondo sa katagang Luzong (呂宋) dahil tulad daw sila ng Dinastiyang Song sa galing sa kalakalan. Nagpadala ng Embahada at ambasador ang mga Hapones tulad nila Shimai Soushitsu (島井宗室) at Kamiya Soutan (神屋宗湛). Isang sikat na mangangalakal na Hapones na si Luzon Sukezaemon ay pinalitan ang kanyang sariling apelyido mula Naya (納屋) na naging Luzon (呂宋).
Diplomatikong Ugnayan sa Brunei (1500)
Noong 1500, nagkaroon ng diplomatikong ugnayan at alyansa ang Haring Tundun sa Sultan ng Brunei sa ilalim ni Sultan Bolkiah na ipinakasal ang anak nito kay Gat Lontok na naging Hari ng Namayan, ang pangalan ng Tondo sa Malay ay Kota Selurong na nagtayo ng engrandeng palasyo sa tapat ng Ilog Pasig kasama ang kanyang mga malalapit na mga kamag-anak. Dito nagmula ang dinastiya ni Raha Sulayman at iba pang mga huling hari.
Pagbagsak ng Tondo
Ang matagal na pag-iral ng Kaharian ng Tondo ay unti-unting humina at bumagsak matapos ang pananakop at impluwensiya ng mga Espanyol sa ilalim ni Miguel López de Legazpi noong 1571, ang huling hari ng Dinastiyang Tondo ay si Lakan Dula, na kalauna'y naging Carlos Lacandola sa pangalang Kastila nang maipakalat ang Kristyanismo sa Luzon. Bumagsak ang Tondo matapos ang Labanan sa Maynila noong 1571.[6]
Ugnayan sa Bansa ng Mai
Nagkaroon ng kaharian o Wangdom na may pangalang Mai o Mayi, na ang pinuno na ginamit ang 30 mga tao bilang sakripisyo sa kanyang libing, ang napailalim sa Mayi ang mga pook na kasalukuyang Baipuyan (Mga pulo ng Babuyan), Bagong (Busuanga), Li Yin at Lihan na (Malolos). Ang Malolos ay isang bayan sa tabing dagat o ilog at isa sa mga sinaunang areglo sa paligid ng Look ng Maynila malapit sa Tondo.
Lakan bilang isa sa mga Titulo
Ang Lakan ay isang titulo na itinatawag sa mga namumuno sa Tondo, ito ay kasunod o isa pang katawagan ng salitang "Hari" (na katumbas ng Maharaja sa Sanskrit) na ang pinagmulan ay ang salitang Rajah (sa baybay ng Tagalog ay Raha), ang kahulugan naman ng titulong Lakan ay "Pinuno" na ang alternatibong salita naman ay "Panginoon". Ang halimbawa ng gumamit ng titulong ito ay si Lakan Dula na huling hari ng Tondo.
Ang titulo o salitang Lakan ay nawala na sa bokabularyong Pilipino, ngunit ang mga salitang Hari at Panginoon ang siyang umiiral na mga katawagan sa mga pinuno ng Pilipinas hanggang sa ngayon.
Mga taong binanggit sa Inskripsiyon mula sa sinaunang Tondo
Pangalan
Petsa
Tala
Jayadewa
c. 880 AD-?
Naging pinuno ng Tondo at Punong Ministro ng Pailah (na ngayon ay Pila, Laguna). Maaaring unang naging pinuno ng Tondo dahil siya ang pinunong nabanggit sa kasulatan.
Dayang Angkatan
c. 900 AD-?
Kapatid ni Buka at maaaring asawa ni Namwaran.
Namwaran
c. 900 AD-?
Maaaring asawa ni Dayang Angkatan at ama ng kanilang iilang mga anak.
↑Gardner, Robert (1995-04-20). "Manila – A History". Philippine Journeys. Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-03-05. Nakuha noong 2008-02-05.
Mga dagdag sa pagbabasa
[[Nick Joaquin
title =Culture and History|Joaquin, Nick]] (1988). Pasig City: Anvil Publishing, Inc. p. 411. ISBN971-27-1300-8. {{cite book}}: Missing or empty |title= (tulong); Missing pipe in: |authorlink= (tulong); line feed character in |authorlink= at position 13 (tulong)
[[F. Landa Jocano
title = Filipino Prehistory: Rediscovering Precolonial Heritage|Jocano, F. Landa]] (2001). Quezon City: Punlad Research House, Inc. ISBN971-622-006-5. {{cite book}}: Missing or empty |title= (tulong); Missing pipe in: |authorlink= (tulong); line feed character in |authorlink= at position 16 (tulong)
title = The first invader was a neighbor: Ang Unang Conquistador|Laput, Ernesto]]. Pinas: Munting Kasaysayan ng Pira-pirasong Bayan. elaput.com http://www.elaput.org/portslam.htm. Nakuha noong February 5, 2008. {{cite web}}: Missing or empty |title= (tulong); Missing pipe in: |authorlink= (tulong); line feed character in |authorlink= at position 17 (tulong)