Isang maliit na palumpong o baging ang sampaguita na umaabot sa taas mula 0.5 hanggang 3 m (1.6 hanggang 9.8 tal). Malawakang itinatanim ito dahil sa kaakit-akit at mababango na bulaklak nito. Maaaring ipampabango ang mga bulaklak sa mga pabango at tsaang hasmin. Ito ang pambansang bulaklak ng Pilipinas.[6][7] pati na rin isa sa tatlong pambansang bulaklak ng Indonesya, kung saan tinatawag itong melati putih.
Paglilinang
Ang bango't halimuyak ng sampaguita ay ang natatanging katangian nito. Itinatanim ito nang malawakan sa tropiko mula tangway ng Arabya hanggang Timog-silangang Asya at Kapuluang Pasipiko bilang halamang palamuti at para sa masasamyong bulaklak nito.[8] Mayroon itong iilang kultibar.[9]
Hango ang pinakakilalang pangalan nito, "sampaguita", mula sa Pilipinong Kastilangsampaguita; mula sa Tagalog na sampaga ("hasmin", isang salita na direktang hiniram mula sa Indiyanong Sanskritong salita na campakacode: san promoted to code: sa ), at ang hulaping diminutibo sa Kastila na -ita.[13][14] May mga katutubong katawagan din ito, kabilang dito ang kampupot sa Tagalog; kulatai, pongso, or kampupot sa Kapampangan; manul sa mga wikang Bisaya; lumabi o malul sa Maguindanao; at hubar o malur sa Tausug.[15]
Tinatalian ng mga Pilipino ang mga bulaklak para makabuo ng mga kuwintas, kurpinyo, at kahit korona.[16][17] Binubuo ang mga kuwintas ng bulaklak na magkakalayo-layo sa isa't isa o ng mga dikit-dikit na usbong. Karaniwan itong ibinebenta ng mga mananampaguita sa labas ng mga simbahan at malapit sa mga interseksyon ng kalye.[18]
Ginagamit ang mga sampaguitang kuwintas sa pagbibigay-galang, pitagan, o parangal.[19] Pangunahing ginagamit ang mga ito sa pag-aadorno ng mga relihiyosong imahen, mga relihiyosong prusisyon at mga larawan ng mga patay sa mga altar. Isinasabit ito sa leeg ng mga buhay na tao katulad ng mga dignitaryo, bisita, at minsan, mga magtatapos na mag-aaral. Kadalasang ginagamit ang mga putot na nakasabit sa mga lubid na ilang metro ang haba upang palamutihan ang mga pormal na kaganapan tulad ng mga okasyon ng estado sa Palasyo ng Malakanyang, mga kasalan, at kung minsan ay ginagawang laso sa mga seremonya ng pagputol ng laso. Bagama't nakakain, bihirang isangkap ang bulaklak sa lutuin. Isang di-pangkaraniwang halimbawa ang pampalasa sa sorbetes.
Sampaguita ang paksa ng kantang danza, La Flor de Manila, kinatha ni Dolores Paterno noong 1879. Sumikat ang kanta noong Komonwelt at itinuturing ngayon na isang klasiko sa romansa.[20] Kapangalan din ng bulaklak ang kantang El Collar de Sampaguita. Hango sa sampaguita ang disenyo ng sulong seremonyal para sa Palaro ng Timog Silangang Asya 2019, na idinisenyo ng Pilipinong iskultor na si Daniel Dela Cruz.[21][22]
Indonesya
Isa ang sampaguita (Indones: melati putih) sa mga tatlong pambansang bulaklak ng Indonesia, ang dalawa pa ay phalaenopsis amabilis at rafflesia arnoldii.[11] Bagama't noong 1990 lang ito inanunsyo nang opisyal noong Pandaigdigang Araw ng Kalikasan at ipinatupad ng batas sa Kautusan ng Pangulo Blg. 4 noong 1993,[23] matagal nang mahalaga ang sampaguita sa kulturang Indones. Mula nang mabuo ang republika ng Indonesia sa panahon ng paghahari ni Sukarno, di-opisyal na nakilala ang melati putih bilang ang pambansang bulaklak ng Indonesya. May kaugnayan ang pagpipitagan at ang mataas na katayuan nito sa kahalagahan nitong bulaklak sa tradisyong Indones mula noong sinaunang panahon.
Matagal na itong itinuturing na sagradong bulaklak sa tradisyong Indones, dahil sumisimbolo ito ng kadalisayan, kabanalan, at katapatan. Kumakatawan din ito sa kagandahan ng kayumian; isang maliit at payak na puting bulaklak na may napakabangong amoy. Ito rin ang pinakalaganap na bulaklak sa mga kasalan ng mga etnikong Indones, lalo na sa pulo ng Java.[24]
↑Fernando C. Sanchez Jr.; Dante Santiago; Caroline P. Khe (2010). "Production Management Practices of Jasmine (Jasminum sambac (L.) Aiton) in the Philippines" [Mga Kasanayan sa Pamamahala ng Produksyon ng Sampaguita (Jasminum sambac (L.) Aiton) sa Pilipinas] (PDF). Journal of the International Society for Southeast Asian Agricultural Sciences (sa wikang Ingles). 16 (2): 126–136. Inarkibo mula sa orihinal(PDF) noong 28 Hunyo 2011. Nakuha noong 8 Mayo 2011.
↑English, Leo James, Diksyunaryong Tagalog-Ingles, Kongregasyon ng Kabanalbanalang Tagapag-ligtas, Maynila, ipinamamahagi ng National Book Store, may 1583 na mga dahon, ISBN 971-91055-0-X
↑Tony Walsh (2004). "Jasmine Scents of Arabia" [Mga Amoy Sampaga ng Arabya] (PDF). Arab News Review (sa wikang Ingles). Saudi Research & Publishing Company (SRPC): 1–3. ISSN0254-833X. Inarkibo mula sa orihinal(PDF) noong 18 Pebrero 2012. Nakuha noong 8 Mayo 2011.
↑B.K. Banerji; A.K. Dwivedi. "Fragrant world of Jasmine" [Mundong halimuyak ng sampaga] (sa wikang Ingles). Floriculture Today, National Botanical Research Institute. Inarkibo mula sa orihinal noong 7 Disyembre 2010. Nakuha noong 8 Mayo 2011.
↑"Philippine Fast Facts: National Flower: Sampaguita" [Mabilis na Kaalaman ukol sa Pilipinas: Pambansang Bulaklak: Sampaguita] (sa wikang Ingles). National Commission for Culture and the Arts, Republic of the Philippines. Inarkibo mula sa orihinal noong 15 Setyembre 2008. Nakuha noong 8 Mayo 2011.
↑ 11.011.1"ASEAN National Flowers" [Mga Pambansang Bulaklak ng ASEAN] (sa wikang Ingles). ASEAN secretariat. Inarkibo mula sa orihinal noong 9 Enero 2011. Nakuha noong 8 Mayo 2011.
↑Teresita L. Rosario. "Cut Flower Production in the Philippines" [Produksiyon ng Ginupit na Bulaklak sa Pilipinas] (sa wikang Ingles). Food and Agriculture Organization of the United Nations. Nakuha noong 8 Mayo 2011.
↑Greg Nickles (2002). Philippines: the people [Pilipinas: ang mga tao]. The lands, peoples, and cultures (sa wikang Ingles). Crabtree Publishing Company. p. 27. ISBN978-0-7787-9353-3.
↑Himig: The Filipino Music Collection of FHL. "Dolores Paterno" (sa wikang Ingles). Filipinas Heritage Library and the Ayala Foundation. Nakuha noong 26 Setyembre 2011.
↑Garcia, Maria Angelica (24 Oktubre 2019). "SEA Games torch inspired by the sampaguita" [Sulo ng Palarong SEA, hango sa sampaguita]. GMA News (sa wikang Ingles). Nakuha noong 30 Nobyembre 2019.
↑Aglibot, Joanna Rose (23 Agosto 2019). "Sampaguita-inspired torch ready for 30th SEA Games" [Sulong hango sa sampaguita, handa na para sa ika-30 Palarong SEA]. Philippine Daily Inquirer (sa wikang Ingles). Nakuha noong 30 Nobyembre 2019.
↑Toto Sutater; Kusumah Effendie. "Cut Flower Production in Indonesia" [Produksiyon ng Ginupit na Bulaklak sa Indonesya] (sa wikang Ingles). Food and Agriculture Organization of the United Nations. Nakuha noong 8 Mayo 2011.