Si Robin Padilla o Robinhood Fernando Cariño Padilla (isinilang noong Nobyembre 23, 1969) ay isang artista at senador sa Pilipinas.
Nauna si Padilla sa halalan para sa Senado noong 2022, kung saan nakakuha siya ng 27 milyong boto, ang pinakamaraming boto para sa isang Senador sa kasaysayan ng halalan sa Pilipinas. Siya ay nanunungkulan sa senado noong Hunyo 30, 2022, at naging kauna-unahang senador na Muslim ng Pilipinas mula noong kay Santanina Rasul, na nagsilbi sa Senado hanggang 1995.[2][3]
Talambuhay
Si Robinhood Fernando Cariño Padilla ay ipinangaanak noong Nobyembre 23, 1969. Isa siyang Philippine Action Movie Star at kinilala bilang Bad Boy of the Philippine Movie. Ginawa niya ang mga pelikulang Sa Diyos Lang Akong Susuko, Anak ni Baby Ama, Grease Gun Gang, Bad Boy at You and Me Against the World.
Gumawa ng mga pelikula si Robin Padilla sa VIVA Films, Star Cinema Productions Inc., FLT Films International, at GMA Films. Nakasama niya ang Megastar na si Sharon Cuneta sa mga pelikulang Maging Sino Ka Man, Di Na Natuto at Pagdating Panahon. Pati si Regine Velasquez ay kanyang nakatambal sa mga pelikula ng Kailangan Ko'y Ikaw at Till I Met You.
Karera sa pulitika
Noong Oktubre 8, 2021, naghain si Padilla ng kanyang certificate of candidacy para sa senador sa ilalim ng PDP–Laban para sa 2022 election.[4] Kabilang sa kanyang mga plataporma ang pagtutulak ng mga hakbang laban sa kriminalidad, pagsugpo sa iligal na droga, pagtatatag ng pederalismo at pagsasabatas ng community policing.[5] Ipinahayag ni Padilla na tutol din siya sa pagbibigay ng mga insentibo sa buwis para sa mga dayuhang mamumuhunan at naglalayong taasan ang pinakamababang kita ng mga pamilyang Pilipino upang hikayatin ang mga Overseas Filipino Workers na umuwi. Sinabi rin niya na kukuha siya ng mga abogado upang tulungan siyang magbalangkas ng mga batas kung manalo siya.[6]
Nanalo si Padilla ng puwesto sa Senado, nanguna siya sa bilang ng mga boto.[2] Naniniwala siyang ito ang kanyang plataporma sa pederalismo at hindi lamang ang kanyang kasikatan bilang isang aktor ang humantong sa kanyang pagkapanalo.[7] Si Senador Win Gatchalian, na isang reeleksyonista at nasa koalisyon ng UniTeam Alliance tulad ni Padilla, ay nagbigay ng garantiya para kay Padilla bilang kinatawan ng mga Muslim sa Senado.[8] Kasunod ng kanyang pagkapanalo, inihayag ni Padilla na kukuha siya ng abogadong si Salvador Panelo para tulungan siyang gampanan ang kanyang tungkulin bilang senador.[9]