Po-on Isang Nobela

Po-on Isang Nobela
May-akdaF. Sionil José
BansaPilipinas
WikaIngles (Po-on o Dusk), Tagalog (Po-on), Pranses (Po-on)
DyanraKathang-isip
TagapaglathalaSolidarid Publishing House, Inc. (Pilipinas), Random House, Inc. (Estados Unidos), De La Salle University Press (Pilipinas), Fayard (Pransiya)
Petsa ng paglathala
1984, 1998
Para sa ibang gamit, tingnan ang poon (paglilinaw).

Ang Po-on Isang Nobela ay isang nobela ng Pilipinong manunulat sa wikang Ingles na si Francisco Sionil José. Ito ang pamagat ng mahabang salaysaying ito nang maisalin ito sa wikang Tagalog. Sa Pilipinas, Po-on A Novel ang orihinal na pamagat nito sa Ingles. Sa Estados Unidos, at para sa iba pang mga bansang nakapagsasalita ng Ingles, kilala ang akdang ito bilang Dusk A Novel[1], na nangangahulugang takip-silim o dapit-hapon.[2][3][4]

Ito ang simula ng tinatawag na saga ng Rosales, Pangasinan (Rosales saga) ng may limang bahagi, na kapwa mga nobela rin. Binubuo ang saga ng Rosales ng The Pretenders, Tree, My Brother, My Executioner, Mass, at Po-on. Dito sa Po-on nagsimula ang mga karanasan at kuwento hinggil sa mga salinlahi ng mga mag-anak na Samson, simula kay Eustaqio “Istak” Samson, isang magsasakang sumapi sa pwersa ng mga rebelde. Tinatalakay nito ang buhay ng mga pinag-ugatan ng salinlahi ng isang mag-anak, na kinasasaliwan ng tunay at mayamang kasaysayan ng bansang Pilipinas. Ang Po-on ang pinakauna sa mga nobelang bumubuo sa saga ng Rosales.[2][3][4]

Buhay sa nobelang ito ang mga diwa ng mga pangyayari noong may kapayapaan, digmaan, ang katayuan ng mga mahihirap at may-kaya, at maging ng mga may pribilehiyo at kapangyarihan at yung mayroong kalayaan at karapatan. Maikli lamang at panandalian ang naging kasiyahan sa puso ni Istak nang makamit ng bansang Pilipinas ang kalayaan mula sa Pilipinas noong kaniyang kapanahunan, sapagkat napalitan lamang ang mga Kastila ng mga bagong dayuhang mula sa Estados Unidos, ang panahon pagkatapos ng Digmaang Kastila-Amerikano, isang yugto sa kasaysayan ng Estados Unidos na hindi karaniwang binabalikan para talakayin o muling isalaysay. Ito ang ginawa ni José sa loob ng nobelang Po-on, kasama ang pagbubukas ng pinto tungkol sa epektong panlipunan at pangkaisipan na natamo ng mga mamamayang napailalim sa pananakop at paniniil.[2][3][4]

Balangkas

Naganap ang Po-on Isang Nobela noong kapanahunan ng mga dekada ng 1880 hanggang 1889, kung saan lumisan ang isang pamilyang Ilokano mula sa kanilang tahanang-baryo para makipagsapalaran sa silangang Pangasinan, at upang tumakas mula sa nahagip na mga kalupitan ng mga Kastila.[2][3][4]

Isa sa mga pangunahing tauhan si Istak, isang Pilipinong Ilokano na bihasa sa pagsasalita ng Kastila at Latin, isang kakayahan na namana niya mula sa pagtuturo ng isang matandang kura paroko ng Cabugao. Maalam din siya sa sining ng panggamot. Tanging balakid lamang sa kaniyang pagiging pari ang kaniyang pagiging Indio. Namuhay siya sa isang panahon sa kasaysayan ng Pilipinas kung kailan maaaring sumiklab ang isang pag-aalsa laban sa pamahalaang Kastila, isang panahon matapos ang pagkakapatay ng tatlong paring mestiso sa Bagumbayan. Nagbabadya ang pitak ng pagkakaroon ng rebolusyon, bagaman naroroon ang kawalan pa ng pagkakaisa ng kapuluan at ng mga mamamayan noong mga panahong iyon. Nalalapit na rin ang panahon ng pagtulong ng mga Amerikano laban sa pagpapaalis ng mga namamahalang Kastila mula sa kapuluan pagkatapos ng tatlong dantaon.[2][3][4]

Pagsusuri

Itinuring ito ng manunuring pamapanitikan na si Ricaredo Demetillo bilang isa sa mga unang mahahalagang nobelang Pilipino na nasusulat sa Ingles. Isinasalaysay nito ang mga suliraning panlipunan ng kapanahunan ginagalawan ng mga tauhan ng nobelang Po-on, kaakibat ng paghahanap ni Istak, ang bida sa nobela, sa kahulugan ng buhay at sa kung ang anyo ng tunay niyang pananaw at paniniwala. Katulong niya ang kaniyang paninindigan sa paglalakbay na ito.[2][3][4][5]

Mga sanggunian

  1. Jose, F. Sionil (Francisco Sionil) 1924-present, Spirit and Literature, Manoa - Volume 18, Number 1, 2006, pp. 51-57, University of Hawai'i Press, Project MUSE, Muse.jhu.edu (walang petsa) Naka-arkibo 2011-03-18 sa Wayback Machine., nakuha noong 19 Marso 2008
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 José, F. Sionil. Po-on Isang Nobela, De La Salle University Press, 1998, ISBN 9715552676 at ISBN 978-9715552677
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 José, F. Sionil. Po-on A Novel. Solidaridad Publishing House, Inc., 1984
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 4.4 4.5 José, F. Sionil. Dusk A Novel, Random House, Inc., Estados Unidos, 1998, may 307 pahina, ISBN 978-0-375-75144-8 at ISBN 0-375-75144-0
  5. Analysis of the novel Dusk by F Sionil Jose, FreeForEssays.com, 2008[patay na link], nakuha noong 19 Marso 2008

Mga talaugnayang panlabas