Pioneer 11

Malikhaing ilustrasyon ng Pioneer 11 na lumilipad sa kalawakan na gawa ng isang artista

Ang Pioneer 11 (kilala rin bilang Pioneer G ) ay isang de-robot na sasakyang pangkalawakan na inilunsad noong ika-5 ng Abril, 1973 upang aralin ang sinturon ng asteroyd, ang mga planetang Hupiter at Saturno, at ang hanging solar at sinag kosmiko.[1] Ito ang kauna-unahang sasakyang pangkalawakan na malapitang nakagalugad sa planetang Saturno at pangalawa sa nakadalaw sa Hupiter. Nang lumaon, naging ikalawa ang Pioneer 11 sa iilang mga bagay na gawa ng tao na nagkaroon ng sapat na bilis upang makaalis sa batawan ng grabidad ng Sistemang Solar.[2] Dahil sa pagkaubos ng panggatong nito at napakalayong distansyang natahak nito, wala nang natanggap na signos ng komunikasyon mula sa sasakyang ito mula pa noong Setyembre 30, 1995.[3] [4]

Sanligan ng misyon

Kasaysayan

Inaprubahan noong Pebrero 1969, ang Pioneer 11 at ang kakambal nitong sasakyang pangkalawakan na Pioneer 10 ay ang unang mga sasakyang panggalugad na binuo para lakbayin ang panlabas na sistemang solar.

Binuo ng kumpanyang TRW ang naturang behikulo at pinamahalaan bilang bahagi ng Programang Pioneer ng NASA Ames Research Center.[5] Maraming katangian ng at aral na nakuha mula sa misyon ay naging kritikal sa pagpaplano ng Programang Voyager na ilulunsad halos isang dekada makalipas ng mga Pioneer.[6]

Disenyo

May lalim na 36 cm ang kahong sisidlan (bus) ng Pioneer 11 para sa mga instrumento nito at may anim na panel na tig-76 cm ang haba na bumubuo ng heksagonal na istruktura. Walo (8) sa 12 siyentipikong instrumento nito ay nasa loob ng sisidlan at ang panggatong na pangkontrol sa oryentasyon ng behikulo. May masang 259 kilos ang sasakyang pangkalawakang ito.[7]

Komunikasyon

Ang sasakyang pangkalawakang ito ay may sistema ng magkadobleng mga transiber; ang isa ay nakadugtong sa isang high-gain antenna, habang ang isa ay nakadugtong sa omni-antenna at medium-gain antenna. Bawat transiber ay may lakas na 8 watts at nagpapadala ng datos sa S-band sa pamamagitan ng 2110 MHz na dalasan para sa uplink mula sa daigdig at 2292 MHz para sa downlink papunta sa daigdig at ang signal naman nito ay minamanmanan ng Deep Space Network. Gumagamit ang behikulo ng convolutional encoder para maiwasto ang datos na ipadadala nito sa mundo.[8]

Pinagmumulan ng lakas

SNAP-19 RTG
Ang dalawa sa apat na SNAP-19 RTG na ginamit upang paganahin ang mga sasakyang pangkalawakang Pioneer
Gumagamit ang Pioneer 11 ng mga radioisotope thermoelectric generator (RTG) at nakaayos sa oryentasyon at layo na ligtas sa radiyasyon para sa mga maselang instrumentong siyentipiko na laman ng sasakyan. May pinagsamang 155 watts (W) ang lakas na binigay ng mga RTG noong nilunsad ito, na bumaba sa 140 W pagdating sa Hupiter na dulot ng radiyoaktibong pagkabulok (radioactive decay) sa paglipas ng panahon. Kumpara rito, kailangan ng behikulo ng 100 W na lakas upang mapagana ang lahat ng bahagi nito.[9]

Mga siyentipikong instrumento

May dagdag na instrumento ang Pioneer 11 na wala sa kakambal nitong Pioneer 10, isang flux-gate magnetometer. [10]

Helium Vector Magnetometer (HVM)
Sinukat ang pinong istruktura ng batawang magnetiko (magnetic field) ng mga planetang dinalaw nito; naimapa ang batawang magnetiko ng Hupiter; at nagbigay ng mga pagsukat sa batawang magnetiko na ginamit para masuri ang interaksyon ng hanging solar (solar wind) sa Hupiter[11]
Quadrispherical Plasma Analyzer
Ginamit upang tumukoy at magbilang ng mga piraso ng hanging solar na nagmumula sa Araw [12]
Charged Particle Instrument (CPI)
Tumukoy sa mga sinag kosmiko sa sistemang solar. [14]
Cosmic Ray Telescope (CRT)
Nangolekta ng datos hinggil sa sa komposisyon ng mga piraso ng sinag kosmiko at kanilang enerhiya.[15]
Geiger Tube Telescope (GTT)
Sinuri ang tindi, spektra ng enerhiya, at distribusyong angular ng mga electron at proton sa dinaanang mga lugar ng sasakyang pangkalawakan tulad ng sinturon ng radiyasyong nakapalibot sa Hupiter at Saturno. [16]
Trapped Radiation Detector (TRD)
Ginamit na pantukoy ng ilaw na nagmumula sa isang partikular na direksyon na nag-aanyo bilang mga kimpal (particle) ng electron na may ispesipikong mga saklaw na enerhiya (0.5-12 MeV at 100-400 keV) at proton (50-350 MeV) [17]
Mga Detektor ng Meteoroid
Labindalawang salansan ng presyurisadong cell detector na nakapatong sa likod ng pangunahing dish antenna na nagtala sa bilang ng mga tumatagos na maliliit na meteoroid.[18]
Asteroid/Meteoroid Detector (AMD)
Binubuo ng apat na teleskopyong hindi kumukuha ng larawan na nakakatukoy at nakapagmamanman ng malalapit na mga piraso ng alikabok at malalayong malaking asteroyd[19]
Ultraviolet Photometer
Sumukat ng dami ng idrohino at elyo sa kalawakan at sa Hupiter at Saturno sa pamamagitan ng pagsukat sa ilaw na ultrabiyoleta [20]
Imaging Photopolarimeter (IPP)
Ginamit na panguha ng larawan ng mga planetang dinalaw ng sasakyang panghimpapawid sa pamamagitan ng pagkuha ng makikitid na pilas na may lawak na 0.03 digri lamang sa ilaw na may pula at bughaw na mga alonghaba (wavelength) [21]
Infrared Radiometer
Nagbigay ng impormasyon hinggil sa temperatura ng ulap at dami ng init na lumalabas mula sa Hupiter at Saturno. [22]
  • Pangunahing imbestigador: Andrew Ingersoll / Surian ng Teknolohiya ng California [13]
Triaxial Fluxgate Magnetometer
Dapat sana't susukatin ang batawang magnetiko sa palibot ng Hupiter at Saturno subalit hindi na naikarga sa Pioneer 10 . [23]

Pangkalahatang anyo ng misyon

Pagkakalunsad ng Pioneer 11
Animasyon ng daang tinahak ng Pioneer 11 (lila) mula 6 Abril, 1973 hanggang 31 Disyembre, 1980. Ang guhit na may mapusyaw na asul na kulay ay kumakatawan sa iniinugan ng Hupiter habang ang berdeng guhit ay kumakatawan sa iniinugan ng Saturno; ang guhit na may malalim na bughaw na kulay ay kumakatawan sa iniinugan ng Daigdig

Paglunsad at daang tinahak

Inilunsad sa 6 Abril 1973 mula sa Cape Canaveral sa Florida ang Pioneer 11 sa pamamagitan ng roketang Atlas-Centaur na may propulsion module na Star-37E. Direktang nakatutok sa Hupiter ang landas na tinahak ng sasakyang pangkalawakan nang walang gravitational assist.[24]

Pakikipagtagpo sa Hupiter

Dinaanan ng Pioneer 11 ang Hupiter mula Nobyembre hanggang Disyembre 1974. Sa pinakamalapit na distansya nito sa Hupiter, na naganap noong Disyembre 2, dumaan ito sa layong 42,828 km mula sa itaas ng mga tuktok ng ulap ng nasabing planeta.[25] Ilan sa mga nakuha ng sasakyang pangkalawakang ito ay ang detalyadong larawan ng Dambuhalang Pulang Batik, ang mga kauna-unahang larawan ng rehiyong polar ng Hupiter, at datos hinggil sa masa ng buwan na Callisto. Sa pamamagitan ng grabidad ng Hupiter, nagsagawa ng maniobrang gravity assist upang madagdagan ang tulin ng sasakyan at mabago papuntang Saturno ang direksyong tinatahak nito. Matapos ang engkuwentro nito sa Hupiter, pinatay noong ika-16 Abril, 1975 ang micrometeoroid detector nito.[26]

Pakikipagtagpo sa Saturno

Nadaanan ng Pioneer 11 ang Saturno sa ika-1 ng Setyembre, 1979, sa layong 21,000 km mula sa ibabaw ng pinakatuktok na mga ulap ng naturang planeta. Sa puntong iyon, naglalakbay na rin patungong Saturno ang mga sasakyang pangkalawakang Voyager 1 at Voyager 2, kung kaya napagpasyahan ng mga direktor ng misyon na paraanin ito sa bisinidad ng mga singsing ng planeta upang masubukan kung ligtas bang daanan ito ng dalawang Voyager.

Nakakuha ng larawan at muntik ding makabangga sa mga maliliit na buwan ng Saturno ang Pioneer 11, kung saan nakadaan nang hindi hihigit sa 4,000 kilometro lamang sa isa sa mga ito. Dahil may dalawang magkasinlaking buwan ang nasa lugar kung saan muntik nang mabangga ang Pioneer 11, hindi tiyak kung ang buwang Epimetheus o Janus ang muntik nang makabungguan nito.

Bukod sa Epimetheus, nakatuklas ng isa pang bagong maliit na buwan at dagdag na sigsing ng Saturno ang mga kasangkapan ng Pioneer 11. Nasukat din ang katangian ng magnetospera ng Saturno at ang nakabalot nitong batawang magnetiko. Natuklasan ding ang temperatura ng buwan nitong Titan ay napakalamig para sa pag-iral ng buhay. Dumaan din sa ilalim ng mga singsing ng Saturno ang Pioneer 11 at kumuha ng dagag na litrato, kung saan nakitang mas madalim pala ang liwanag ng mga ito kumpara sa naobserbahan mula sa daigdig.

Misyong Interstellar

Noong Pebrero 25, 1990, naging ika-4 na bagay na gawang-tao ang Pioneer 11 na nakalampas sa iniinugan ng mga planeta.[27]

Pagwawakas ng operasyon

Pagsapit ng 1995, kulang na sa lakas ang Pioneer 11 upang paganahin ang mga instrumento nito, kung kaya napagpasyahang isara na ito. Itinigil ng NASA ang regular na pakikipagtalastasan sa sasakyang pangkalawakang ito noong Setyembre 30, 1995 bagaman sinusubukan pa ring makipag-unayan dito kada dalawa at apat na linggo.[28] May natanggap pang datos ng telemetry ang mga siyentistang namamahala sa misyon noong Nobyembre 24, 1995, ngunit nawalan na ng huling ugnayan sa behikulo matapos nito.[29][30]

Kasalukuyang kalagayan

Noong Enero 20, 2023, tinatayang nasa 111.678 astronomical unit (1.67068×1010 km; 1.03811×1010 mi) ang Pioneer 11 mula sa Daigdig at 110.764 astronomical unit (1.65701×1010 km; 1.02962×1010 mi) naman mula sa Araw; at naglalakbay sa bilis na 11.176 kilometres per second (40,230 km/h; 25,000 mph) (relatibo sa Araw) at naglalakbay palabas sa humigit-kumulang na distansyang 2.36 AU bawat taon.[31] [32] Papunta ito sa direksyon ng talanyong Scutum. Matapos ang 928,000 taon, ito ay daraan sa layong 0.25 parsec ng bitwing TYC 992-192-1,[33] at sa humigit-kumulang na apat na milyong taon, ay daraan malapit sa bituing Lambda Aquilae.[34]

Plake ng Pioneer

Dibuho ng nilalamang guhit ng plake ng kambal na Pioneer 10 at 11

Parehong may bitbit na plakeng gold-anodized at yari sa aluminyo ang Pioneer 10 at 11.[35] Kung sakali mang may matalinong buhay extraterrestrial ang makakita nito, makikita nila roon ang hubad na pigura ng lalaki at babaeng tao at ilan pang mga simbolo na layong magbigay ng impormasyon hinggil sa pinagmulan ng sasakyan.[36]

Mga sanggunian

  1. Fimmel, R. O.; Swindell, W.; Burgess, E. Pioneer Odyssey. SP-349/396. Washington, D.C.: NASA-Ames Research Center. OCLC 3211441. Nakuha noong January 9, 2011.
  2. https://ssd.jpl.nasa.gov/horizons_batch.cgi?batch=1&COMMAND=%27Sun%27&START_TIME=%272023-07-01%27&STOP_TIME=%272023-08-01%27&STEP_SIZE=%271%20day%27&QUANTITIES=%2720%27&CENTER=%27500@-23%27
  3. "The Pioneer Missions". Nasa.gov. March 3, 2015. Inarkibo mula sa orihinal noong Agosto 15, 2011. Nakuha noong Hulyo 20, 2023.
  4. "Pioneer 11: In Depth". Nakuha noong December 10, 2017.
  5. "The Pioneer Missions". Nasa.gov. March 3, 2015. Inarkibo mula sa orihinal noong Agosto 15, 2011. Nakuha noong December 15, 2021.
  6. William E. Burrows, Exploring Space, (New York: Random House, 1990)
  7. Fimmel, R. O.; Swindell, W.; Burgess, E. Pioneer Odyssey. SP-349/396. Washington, D.C.: NASA-Ames Research Center. OCLC 3211441. Nakuha noong January 9, 2011.
  8. Fimmel, R. O.; Swindell, W.; Burgess, E. Pioneer Odyssey. SP-349/396. Washington, D.C.: NASA-Ames Research Center. OCLC 3211441. Nakuha noong January 9, 2011.
  9. Fimmel, R. O.; Swindell, W.; Burgess, E. Pioneer Odyssey. SP-349/396. Washington, D.C.: NASA-Ames Research Center. OCLC 3211441. Nakuha noong January 9, 2011.
  10. "Pioneer 10 & 11". solarviews.com. Nakuha noong December 20, 2018.
  11. "Magnetic Fields". NASA / National Space Science Data Center. Nakuha noong February 19, 2011.
  12. "Quadrispherical Plasma Analyzer". NASA / National Space Science Data Center. Nakuha noong February 19, 2011.
  13. 13.00 13.01 13.02 13.03 13.04 13.05 13.06 13.07 13.08 13.09 Simpson 2001.
  14. "Charged Particle Instrument (CPI)". NASA / National Space Science Data Center. Nakuha noong February 19, 2011.
  15. "Cosmic-Ray Spectra". NASA / National Space Science Data Center. Nakuha noong February 19, 2011.
  16. "Geiger Tube Telescope (GTT)". NASA / National Space Science Data Center. Nakuha noong February 19, 2011.
  17. "Jovian Trapped Radiation". NASA / National Space Science Data Center. Nakuha noong February 19, 2011.
  18. "Meteoroid Detectors". NASA / National Space Science Data Center. Nakuha noong February 19, 2011.
  19. "Asteroid/Meteoroid Astronomy". NASA / National Space Science Data Center. Nakuha noong February 19, 2011.
  20. "Ultraviolet Photometry". NASA / National Space Science Data Center. Nakuha noong February 19, 2011.
  21. "Imaging Photopolarimeter (IPP)". NASA / National Space Science Data Center. Nakuha noong February 19, 2011.
  22. "Infrared Radiometers". NASA / National Space Science Data Center. Nakuha noong February 19, 2011.
  23. "Jovian Magnetic Field". NASA / National Space Science Data Center. Nakuha noong September 24, 2013.
  24. "Image : Viewed down from north ecliptic pole". Nasa.gov. Inarkibo mula sa orihinal (JPG) noong Abril 16, 2022. Nakuha noong December 15, 2021.
  25. "Pioneer 11 Mission Information". Inarkibo mula sa orihinal noong July 21, 2011. Nakuha noong January 23, 2011.
  26. "Pioneer 11: In Depth". Nakuha noong December 10, 2017.
  27. "Pioneer 11 Is Reported to Leave Solar System". Nytimes.ocm. February 25, 1990. Nakuha noong December 3, 2017.
  28. "Farewell to a Pioneer". Science News. October 14, 1995.
  29. "Pioneer 11: In Depth". Nakuha noong December 10, 2017.
  30. Howell, Elizabeth (September 26, 2012). "Pioneer 11: Up Close with Jupiter & Saturn". Space.com. Nakuha noong December 10, 2017.
  31. "Spacecraft escaping the Solar System". Heavens-Above.com. Nakuha noong August 24, 2022.
  32. "Sky Map - Pioneer 11". Inarkibo mula sa orihinal noong July 21, 2015. Nakuha noong July 19, 2015.
  33. Bailer-Jones, Coryn A. L.; Farnocchia, Davide (April 3, 2019). "Future stellar flybys of the Voyager and Pioneer spacecraft". Research Notes of the AAS. 3 (4): 59. arXiv:1912.03503. Bibcode:2019RNAAS...3...59B. doi:10.3847/2515-5172/ab158e.
  34. "Hardware, Leaving the Solar System: Where are they now?", DK Eyewitness Space Encyclopedia
  35. Carl Sagan; Linda Salzman Sagan & Frank Drake (February 25, 1972). "A Message from Earth". Science. 175 (4024): 881–884. Bibcode:1972Sci...175..881S. doi:10.1126/science.175.4024.881. PMID 17781060.
  36. Carl Sagan; Linda Salzman Sagan & Frank Drake (February 25, 1972). "A Message from Earth". Science. 175 (4024): 881–884. Bibcode:1972Sci...175..881S. doi:10.1126/science.175.4024.881. PMID 17781060.