Si Pilar Delilah Veloso Pilapil o mas kilala bilang Pilar Pilapil (ipinanganak noong Oktubre 12, 1950) ay kinoronahan bilang Binibining Pilipinas-Universe noong taong 1967 at naging artista, manunulat, at misyonerong ebanghelista.
Personal na buhay
Ipinanganak si Pilar Pilapil bilang Pilar Delilah Veloso Pilapil noong Oktubre 12, 1950 sa Liloan sa Cebu.[1][2][3] Inilagaan at pinalaki siya ng kanyang tiyahin na nagngangalang Filomena.[1][4]
Nag-aral siya ng high school sa Colegio de la Immaculada Concepcion at kumuha ng kursong Sikolohiya sa Kolehiyo ng St. Joseph.[1]
May dalawang pagkakataon kung kailan nagkaroon ng ka-relasyon si Pilar Pilapil.[1] Ang huli ay nagkaroon sila ng isang anak na babae.[1]
Ikinasal si Pilar Pilapil sa isang Kastilang mamamahayag na nagngangalang Michel Ponti subalit hindi ito nagtagal ng isang taon.[1]
Noong 2002 ay ikinasal si Pilar Pilapil kay Bernie Penas na isang pastor.[5]
Binibining Pilipinas
Kinoronahan si Pilar Pilapil bilang Binibining Pilipinas-Universe noong 1967 sa edad na labing-anim na taong gulang.[6] Sumali siya sa patimpalak na Miss Universe noong 1967 sa Miami Beach, Florida sa Estados Unidos bilang kinatawan ng Pilipinas.[7]
Artista
Ang unang naging pelikula ni Pilar Pilapil pagkatapos ang pagsali niya sa Miss Universe ay ang "El Niño" na ipinalabas noong 1968.[8] Kasama niya dito si Andy Poe bilang pangunahing aktor at si Fernando Poe Jr. bilang direktor.[1]
Ipinalabas noong 1970 ang mga pelikulang "Tayo'y Mag-Up, Up and Away" at "El Pinoy Matador" kung saan nakasama ni Pilar Pilapil si Dolphy.[9][10]
Nagkaroon din ng mga palabas sa telebisyon si Pilar Pilapil na may mga pamagat na "Tisoy" noong 1969 at ang kanyang sariling palabas na musikal na may pamagat na "This Girl Pilar" sa ABS-CBN .[11][1] Mayroon din siyang dramang pang-telebisyon na pinamagatang "Ala-ala" na nahinto noong 1972 nang ibinaba ang Batas Militar sa Pilipinas.[1]
Nakatrabaho din ni PIlar Pilapil sa pelikula sina Chiquito sa "Inday ng Buhay ko" na ipinalabas bilang kalahok sa Manila Film Festival noong 1973,Dindo Fernando sa pelikulang "May Langit ang Bawat Nilikha" na ipinalabas noong 1976, Robert Arevalo sa mga pelikulang "Divorce: Pinoy Style" na ipinalabas noong 1976 at "Marupok, Mapusok, Maharot" na ipinalabas noong 1978, at Joseph Estrada sa pelikulang "Arrest the Nurse Killers" na kalahok sa Metro Manila Film Festival noong 1976.[1]
Nanalo si Pilar Pilapil sa Manila Film Festival noong 1970 ng Best Actress para sa kanyang pagganap sa "Imelda: Ang Uliran" at ng Gawad Urian para sa kanyang pagganap sa "Napakasakit, Kuya Eddie" na ipinalabas noong 1986.[1][7]
Adbokasiya
Itinatag ni Pilar Pilapil ang Pilar Pilapil Foundation: Saved to Serve noong 1997 na isang foundation na nag-aalaga at nagbibigay ng mga pangunahing kailangan ng mga balo, bata at mga inabusong kababaihan.[12][4]
Manunulat
Inilabas ni PIlar Pilapil ang kanyang isinulat na aklat na tungkol sa kanyang buhay na pinamagatang The Woman Without a Face noong Enero 26, 2007 sa Waterfront Hotel sa Lahug.[12] Ang libro ay naglalaman ng mga makabuluhang kaganapan at karanasan sa kanyang buhay na nagbigay sa kanya ng aral.[12] Nakasaad sa aklat ang kanyang pagiging beauty queen sa edad na 16 taong gulang at ang kanyang mga karanasan sa pagiging artista simula noong siya ay 17 taong gulang.[12] Nakasulat din sa libro ang kanyang mga personal na pakikibaka at ang kanyang paglalakbay sa pananampalataya.[12]
Mahigit sa 10,000 kopya na ang naibenta ilang linggo pagkatapos ilabas ang libro.[4]
Mapupunta sa foundation ni Pilar Pilapil, ang Pilar Pilapil Foundation: Saved to Serve, ang mga nalikom sa pagbebenta ng libro.[12]
↑Carlos, Luciano B. (June 14, 1970), Tayo's mag-up, up and away (Comedy, Music), Dolphy, Nida Blanca, Ricky Belmonte, RVQ Productions, nakuha noong February 16, 2024