Ang Partido ng Repormang Pantao[2] (Ingles: People's Reform Party; daglat: PRP) ay isang gitanang-makakaliwang partidong politikal sa Pilipinas. Itinatag noong Abril 12, 1991 ng noo'y dating Kalihim ng Repormang Pansakahan na si Miriam Defensor Santiago upang ikasá ang kaniyang pagtakbo bílang Pangulo ng Pilipinas noong 1992. Si Ramon Magsaysay, Jr. ay ang kasama niyang kumandidato bilang bise presidente. Bagaman, natalo silang pareho kay dating Kalihim ng Depensa na si Fidel Ramos at noo'y Senador Joseph Estrada, ayon sa pagkakabanggit. Nagsisilbi ang Force of Reform Philippines (FORPH, literal sa Tagalog bilang Puwersa ng Reporma ng Pilipinas) bilang opisyal na kabataang sangay ng Partido ng Repormang Pantao. Habang nasa ilalim ng pangangalaga ni Miriam Defensor Santiago, walang kaugnayan ang Youth Reform Movement (literal: Kilusang Reporma ng Kabataan) sa PRP.
Pagsali sa halalan
Noong Oktubre 13, 2015, ipinabatid ni Senador Miriam Defensor Santiago ang kanyang intensyon na tumakbo sa pagkapangulo para sa halalan ng 2016. Ipinabatid din niya na si Bongbong Marcos ang kanyang kasamang kandidato para sa bise presidente ng halalang 2016.[3][4] Natalo silang pareho at napunta ang posisyong Pangulo kay Rodrigo Duterte at ang Pangalawang Pangulo kay Leni Robredo.
Namatay si Miriam Defensor Santiago noong Setyembre 2016 at pinamumunuan na ang partido ng kanyang asawang si Narciso Santigo Jr. Noong halalan ng 2022, ipinabatid ni Narciso Jr. ang pagsuporta para sa potensyal na pagkandidato ni Sara Duterte sa pagkapangulo at pinagpanibago ang alyansa sa Hugpong ng Pagbabago.[5] Subalit noong kumandidato na lamang si Sara Duterte sa pagkapangalawang pangulo, hindi na nila tiyak kung sino ang susuportahan sa pagkapangulo.[6]
Mga sanggunian