Ang Panay ay isang tatsulukan na pulo sa Pilipinas na matatagpuan sa kanlurang bahagi ng Kabisayaan. Sa pamamahala, nahahati ang pulo sa apat na lalawigan: Aklan, Antique, Capiz, at Iloilo, na ang lahat ay nasa rehiyon ng Kanlurang Kabisayaan. Matatagpuan ito sa timog silangan ng pulo ng Mindoro at hilagang kanluran ng Pulo ng Negros, na pinaghihiwalay ng Kipot ng Guimaras. Sa pagitan ng Panay ay Negros matatagpuan ang pulong lalawigan ng Guimaras. Sa hilaga at hilagang silangan ay ang Dagat Sibuyan at ang mga pulo ng Romblon; sa kanluran at timog kanluran matatagpuan naman ang Dagat Sulu[1] at sa timog ay ang Golpo ng Panay.
Ang pulo na nahahati ng Bulubundukin ng Gitnang Panay, ay maraming mga ilog kabilang ang mga ilog Aklan, Jalaur, Jaro, Banica, Sibalom, Tipulu-an, Mao-it, Iloilo at Panay. Ang Bundok Madiaas ay ang pinakamataas na bundok sa isla sa taas na 2,117 metro sa ibabaw ng dagat. Kabilang sa iba pang mga rurok ay ang Bundok Porras, Bundok Nangtud, Bundok Baloy, at Napulak.
Kasaysayan
Bago ang 1212, ang Panay ay tinawag na Simsiman. Ang komunidad ay matatagpuan sa baybayin ng ilog Ulian at naidugtong ng isang sapa. Ang sapa ay nagbigay ng asin sa mga taong Ati pati na rin sa mga hayop na humihimod ng asin palabas ng maalat na tubig. Nagmula sa salitang-ugat na "simsim," ang simsimin ay nangangahulugan ng pagdila sa isang bagay upang kumain o uminom, ang lugar ay tinawag na Simsiman.
Dating sentro ng sinaunang Kompederasyon ng Madja-as—ang pinakaunang estado sa Pilipinas sa rehiyon ng Kabisayaan bago dumating ang mga Kastila, at ang ikalawang kolonya ng Srivijaya sa Kapuluan ng Pilipinas, sunod sa Kapuluan ng Sulu.[2] Itinatag ito ng siyam na rebeldeng datu na may kaugnayan sa korte ng Brunei, na napilitang lisanin ang bansa dahil sa pagkapoot sa namumunong Rajah noon. Ang mga datu, kabilang ang kanilang mga asawa at anak, kasama rin ang ilang mga tapat na alipin at tagasunod ay palihim na inalalayan makaalis ng Punong Ministro ng Rajah, na si Datu Puti.[2] Ayon sa mga alamat ang pangalanng Rajah ay Makatunao.
Mga kawing na panlabas
Mga sanggunian
- ↑ C.Michael Hogan. 2011. Sulu Sea
- ↑ 2.0 2.1 G. Nye Steiger, H. Otley Beyer, Conrado Benitez, A History of the Orient, Oxford: 1929, Ginn and Company, p. 120.
Ang lathalaing ito na tungkol sa Pilipinas ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.