Ang Libingan ng mga Tsino sa Maynila (Inggles: Manila Chinese Cemetery) ay libingan sa Maynila na inilaan sa mga Tsino at Tsinong Pilipino. Isa ito sa mga pinakamatandang libingan sa Pilipinas.[1] Ito ay matatagpuan malapit sa istasyon ng unang linya ng Sistema ng Light Rail Transit ng Maynila sa R. Papa.[2] Ang libingan ay pagmamay-ari at pinamamahalaan ng Philippine-Chinese Charitable Association.[3]
Kasaysayan
Naglabas ng kautusan noong Nobyembre 25, 1843 ang Gobernador Heneral ng Pilipinas na si Francisco de Paula Alcalá de la Torre na nag-awtorisa sa pagtatatag ng isang sementeryo ng mga Tsino sa La Loma sa distrito ng Santa Cruz.[4] Binigyan ng basbas ang kautusang ito noong Marso 31, 1875 ng arsobispo ng Maynila ng Romano Katoliko na si José Segui.[4] Noong una ay natatag ang libingan para sa mga Katolikong Tsino na hindi pinahihintulutang ilibing sa Libingan ng Paco dahil sa isang probisyon ng kautusan.[4]
Ipinangako ni Lim Ong na bibili ng karagdagang lupa para sa libingan noong siya ay tumatakbo para maging gobernadorcillo ng komunidad ng mga Tsino sa Maynila noong siglo 1850.[4] Ito ay para sa karagdagang espasyo para paglibingan ng mga Tsinong namatay sa kolera na tumama sa Pilipinas noong 1854.[4] Natupad ni Lim ang kanyang pangako noong siya ay nanalo.[4] Tinawag ang karagdagang lupa na dian chuy.[4]
Noong 1877 ay hiniling ng gobernadorcillo na si Yu Chingco ang karagdagang pagpapalawak sa libingan na inaprubahan ng pamahalaang Kastila.[4] Noong 1878 ay napalawak na muli ang libingan sa pamamagitan ng pagbili ng lupa mula sa katabi nitong Dominican Hacienda de Loma.[3]
Arkitektura
Ipinatayo ni Gobernadorcillo Carlos Palanca Tan Quien-sien noong 1878 ang Chong Hok Tong (Inggles: Lofty Fortune Temple) sa Libingan ng mga Tsino sa Maynila bilang lugar para sa pagsamba.[4][3] Ito ay nagkakahalaga ng 33,980 piso.[4] Makikita sa loob ng templo ang mga santo ng mga relihiyong Budismo, Taoismo, at Kristiyanismo.[4] Nakatanghal din sa mga altar nito ang mga pang-ninuno na mga tableta (Inggles: ancestral tablets).[4] Giniba ang templong ito noong Marso 12, 2015 para makapagpagawa ng bagong istruktura.[4]
Mga nakahimlay
Kabilang ang mga labi ng mga Katolikong Tsino na sina Vicente Romero Sy Quia at Ignacio Sy Jao Boncan sa mga nakahimlay sa Libingan ng mga Tsino sa Maynila.[4] Ang pinakamatandang labi na nakahimlay sa libingan ay ang labi ni Pilar Tiaoqui de Lim-Tuaco na inilibing noong 1895.[3]
Hinihiling sa mga pamilyang hindi na nakakapagbayad para sa upa at pangangalaga ng kanilang inuupahang libingan at mausoleum sa Manila Chinese Cemetery na ilipat ang mga buto ng kanilang mga patay upang magamit ng iba ang naturang libingan at mauseleum.[5]