Oceania ang tawag sa mga pulong nakalatag sa Karagatang Pasipiko sa kabilang hangganan ng tabing-dagat na Timog-silangang Asya. Ang Kapuluang Pasipiko ay binubuo ng 20,000-30,000 isla, bahura (coral reef) at karang (atoll). Nahahati ito sa tatlong grupo ng mga pulo: ang Melanesia, Micronesia, at Polynesia. Tinatawag ito ng mga manggagalugad na "Garden of Eden" (Halamanan ng Eden) dahil sa likas na ganda nito.
Si Vasco Núñez de Balboa ang unang Europeong nakakita sa Pasipiko, natanaw niya ito at tinawag na "dagat sa timog". Natunghayan din ito ni Ferdinand Magellan sa paglalayag niya rito. Kalmado ang karagatan at tahimik kaya pinangalanan niya itong "Pasipiko" na ang ibig sabihin ay "tahimik" sa wikang Latin. Bagkus hindi sila nakatuklas ng mga pulo rito tanging ang Pasipiko ang natunghayan at natahak nila.
Si James Cook ang unang Europeong nakatapak sa pulo ng Hawaii (Kauai at Oahu) noong Enero 18, 1778. Si Kapitan Cook at ang kanyang mga marinong Briton ang unang mga Europeyong umapak rito. Nagkamit si Cook ng karangalan at katanyagan sa kanyang mga nagalugad at sa kanyang trabaho bilang nabigador. Tinagurian siya ng iba bilang pinakadakilang manggagalugad.
Tinatawag din ang Kapuluang Pasipiko bilang Oceania kapag pinagsasama[1] (Bagaman kadalasang na kabilang ang Australasia at Kapuluang Malay sa kahulugan ng Oceania).
Mga Grupo ng Pulo
Melanesia nagmula sa salitang Griyego na melas na ibig sabihin ay maitim at nesos na ang kahulugan ay isla. Binubuo ito ng mga pulo ng New Guinea, New Caledonia, New Hebrides, Fiji, mga Pulo ng Solomon at iba pa. Kaya tinawag na melanesia ang mga isla rito dahil ang mga nakatira rito ay maiitim ang kulay ng balat. Ang pulo ng New Guinea ang pinakamalaking pulo sa Melanesia maging sa buong Oceania.