Ang Cinderella ay isang bandang Pilipino na sumikat noong dekada 1970. Nag-rekord para sa Sunshine Records, at sa kasama ng mga kontemporaryo tulad ng Hotdog, binuo ang isang uri ng musika na tinatawag na Manila sound (o tunog Maynila). Ang pinakakilalang awitin ng Cinderella ay ang single na "T.L. Ako Sa'yo" (kung saan "True Love" ang ibig sabihin ng T.L.). Kabila pa sa mga sikat na awitin nila ang "Bato sa Buhangin", "Sa Aking Pag-iisa" at "Superstar ng Buhay Ko".
Kasaysayan
Unang binubuo ang Cinderella nina Snaffu Rigor (bokalista at tambol), Sunny Ilacad (organo), Bob Guzman (gitara at pantulong na bokalista), Celso Llarina (gitarang ritmo at pantulong na bokalista), Gig Ilacad (gitarang baho), Cecile Colayco (punong bokalista), at Violy Estrellado (pantulong na bokalista). Pagkatapos ilabas ang una nilang eponimong album, umalis sina Colayco at Estrellado sa grupo. Dahil wala silang pangunahing bokalista, nag-awdisyon ang mag-aaral ng Unibersidad ng Santo Tomas na si Yolly Samson sa Sunshine Records at matagumpay siyang kinuha upang permanenteng kapalit ni Colayco; na naging mukha ng bandang Cinderella.[1] Nag-ambag ang mga komedyanteng sina Vic Sotto at Joey de Leon, mga kaanib ng Sunshine at mga kaibigan ng grupo, ng mga awitin, isa na dito ang pinakakilalang awitin na "Ang Boyfriend Kong Baduy". Sa kanilang kasikatan, ikinomisyon si Rigor na makipagtulungan sa kompositor ng pelikula na si Ernani Cruz at isulat ang titik ng awiting tema ng pelikula nina Fernando Poe Jr. at Vilma Santos na Bato sa Buhangin (1976), upang i-rekord na awitin ng pangkat.[2] Muling sumikat ang awitin nang muling inawit ito ni Glaiza de Castro para sa pelikulang makasaysayang dramang Goyo: Ang Batang Heneral (2018).[3]
Noong Nobyembre 21, 1987, namatay si Yolly Samson sa komplikasyon ng kanser sa utak, sa gulang na 41.[4] Noong Agosto 4, 2016, namatay naman si Snaffu Rigor sa kanser sa baga.[5]
Istilo
Sinulat ng banda ang kanilang awitin sa Taglish (ang pagpalit-kodigo sa pagitan ng Tagalog at Ingles) at mga salitang kalye na popular sa mga urbanong lugar noong dekada 1970. Halimbawa, ginamit ng Cinderella sa awiting "T.L. Ako Sa'yo" ang salitang "dehins", na binuo mula sa binaligtad na pantig ng "hindi" na dinagdag ang titik "s" sa dulo. Isa itong salitang balbal na parang Ingles ang tunog. Ingles din ang pamagat na "T.L." na daglat para sa "True Love" ("Tunay na Pag-ibig" sa Tagalog).
Ang pamagat ng awiting "Ang Boyfriend Kong Baduy" ay nasa Taglish din, at gayon din ang titik nito:
...but when we go out dating na, kulay ng polo niya'y pula... ("subalit kapag nagtitipanan na, kulay ng polo niya'y pula...")
...but when the guests go dancing na, lagi pa syang nauuna... ("subalit kapag nagsasayaw na ang mga bisita, lagi pa siyang nauuna...")
...'di ko ma-take ang gusto. Siya ay in-na-in, ngunit out pa rin... ("Hindi ko masikmura ang gusto. Siya ay nasa uso, ngunit laos pa rin...")
Sa awiting "Ang Boypren Ko", ang salitang "boypren" ay paghahango ng salitang Ingles na "boyfriend"; tulad ng paghahango ng ibang salitang Ingles, halimbawa, ang salitang Ingles na "boxing" na naging "boksing".
Ang awiting "Sana'y Maging Steady Mo" ay isa uling halimbawa ng Taglish. Sa konteksto ito, ang salitang Ingles na "steady" ay ginamit bilang pangngalan na tumutukoy sa kasintahan.
Diskograpiya
Mga album
Cinderella (1975)
Ang Boyfriend Kong Baduy (1975)
Cinderella 2 (1976)
Mga awitin
Kilala ang banda sa mga malambit na mga balad romantiko. Ilan lamang ang mga kilalang kantan ang sumusunod: