Ang batas militar ay kakaibang kapangyarihan ng estado na karaniwang ipinatutupad nang panandalian ng isang pamahalaan kapag hindi na nito maayos magampananan ang pamamahala gamit ang sibilyan nitong kapangyarihan (e.g. pagpapanatili ng kaayusan at katiwasayan, o magbigay ng mga unang serbisyo). Sa isang ganap na batas militar, ang pinakamataas na opisyal ng militar ang namumuno, o naitatalaga bilang tagapamahala o puno ng pamahalaan, kasabay ng pagbuwag o pagtanggal ng lahat ng kapangyarihan ng mga sangay ng pamahalaan mula tagapagpaganap, tagapagbatas, hanggang panghukuman.[1]
Maaaring ipatupad ng pamahalaan ang batas militar upang manaig ang kanilang kapangyarihan sa sambayanan. Ang ilang insidente ng pagpapatupad ng batas militar ay nangyayari matapos ang isang kudeta (gaya sa Thailand noong 2006 at 2014); kapag may banta ng malawakang protesta laban sa pamahalaan (Tsina sa Tiananmen Square noong 1989); upang supilin ang oposisyong politikal (Poland noong 1981); sugpuin ang napipintong pag-aalsa (Canada, October Crisis noong 1970). Nagdedeklara rin ng batas militar tuwing may matinding sakuna; ngunit, ang ilang bansa ay gumagamit ng ibang legal na konstruksiyon, gaya ng estado ng kagipitan. Ayon kay Franzane Abella gamit ang Chomskyan method para mag preserba ng mga taktika at estratehiya para sa pag-unlad gamit ang pagdidisiplina sa mga katawan ng gobyerno at iba. Magagamit din dito ang game-theoretical political-cum-economic analysis para malaman kung ang desisyon na nagawa ay epektibo gamit rin ang common knowledge para masasabi na ang resulta at ang kagamitan ng batas militar ay epektibo.[2]
Nagpapatupad din ng batas militar tuwing may mga hidwaan gaya ng pananakop, kung saan ang kawalan ng pamahalaang sibilyan ay nagdudulot ng pagkabalisa ng populasyon. Ang ilang halimbawa ng ganitong pamamahalang militar ay noong rekonstruksiyon pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Alemanya at Hapon, pati na rin noong rekonstruksiyon sa timog Estados Unidos pagkatapos ng Digmaang Sibil Amerikano.
Malimit na may kaakibat na pagpapatupad ng curfew, pagsuspindi ng batas sibil, karapatang sibil, habeas corpus, at pagsasailalim o pagpapalawig ng hukumang militar o katarungang militar sa mga sibilyan. Ang mga sibilyang hindi tatalima sa batas militar ay maaaring litisin sa isang hukumang militar.
Sa Pilipinas
Napasailalim sa batas militar ang Pilipinas mula 1972 hanggang 1981 sa ilalim ng pamumuno ni Ferdinand Marcos, sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 1081 na nilagdaan noong Setyembre 21, 1972.[3] Ang opisyal na dahilan sa likod ng pagpapahayag ng batas militar ay upang mapigil ang lumalalang kaguluhan ng mga mamayanan, ang banta ng pagkuha ng kontrol na mula sa komunista, at ang isang pagtatangka sa buhay ng kanyang dating kalihim ng tanggulang pambansa na si Juan Ponce Enrile sa Mandaluyong. Unang malugod nang tinanggap ang batas military ngunit naging kinasusuyaan ito kalaunan dahil sa mga pang-aabuso ng militar sa karapatang-pantao. Kasama ang paghina ng ekonomiya, ang mga salik na ito ay nag-udyok ng pagtutol sa ilang mga sektor (tulad ng urbanong middle class) na naging malinaw sa pagpaslang ng nakulong senador ng oposiyon na si Benigno Aquino, Jr. noong 1983, at malawakang pandaraya sa dagliang halalan noong 1986. Kalaunan, ang mga ito ay nagbunga ng sa rebolusyong EDSA ng 1986 na nagpatalsik kay Marcos at nagtulak sa kanya na lumikas sa Hawaii, kung saang namatay siya noong 1989. Iniluklok ang kanyang katunggali sa pagkapangulo at balo ni Aquino na si Corazon bilang kanyang kapalit.