Ang mga banal na kapalaran[1] (Ingles: mga beatitude, mula sa Latingbeatus, may ibig sabihing "pinagpala" o "maligaya"[2]), tinatawag rin bilang mga kaginghawahan[3] at mga luwalhati o mga kaluwalhatian, ay tumutukoy sa mga kataas-taasan at kabanal-banalang mga tuwa o kaligayahan ipinahayag at ipinangaral ni Hesukristo ukol sa kung sino ang mga taong matatawag na mapapalad at mga pinagpala.[4] Matatagpuan ang mga taludtod na nagbubunyag ng mga kaginghawahang ito sa Bagong Tipan ng Bibliya, sa Pangaral ni Hesus sa Bundok[1], Ang Pangangaral sa Bundok[5], o Ang Sermon sa Bundok ng Ebanghelyo ni Mateo (Mateo 5:3-12, isang bahaging pinamagatang "Mga Mapapalad")[6] at sa Ebanghelyo ni Lukas (Lukas 6:20-26, isang bahaging pinamagatang "Ang Mapalad at ang Kahabag-habag").[1][7]
Ayon kay Paring Jose C. Abriol, isang tagapagsalin ng Bibliyang Tagalog, walo ang mga banal na kapalaran na binanggit ni San Mateo sa kanyang ebanghelyo, bagaman para kay San Lukas mayroon apat na banal na mga kapalaran at mayroon din namang apat na mga sawingkapalaran. Ayon sa gawi ng pagsulat, nasusulat ang simuno ng pangungusap sa kay San Mateo sa pangatlong panauhan, habang nakasulat naman sa pangalawang panauhan ang kay San Lukas.[1]