Ang diwa ng Unang Mundo (Ingles: First World) ay nagmula sa panahon ng Digmaang Malamig, kung saan ginamit ito upang ilarawan ang mga bansa na nakaanib sa Estados Unidos. Ang mga bansang ito ay makademokrasya at kapitalistiko. Pagkalipas ng pagbagsak ng Unyong Sobyet at sa pagwawakas ng Digmaang Malamig, ang katagang "Unang Mundo" ay nagkaroon ng isang bagong kahulugan na mas mailalapat sa kapanahunan. Magmula noong unang kahulugan nito, ang katawagang Unang Mundo ay naging malakihang kasingkahulugan ng mga bansang maunlad o mga bansang talagang maunlad (depende sa kung anong kahulugan ang ginagamit).
Sa pangkalahatan, ang mga bansang nasa Unang Mundo ay mayroong napaka masusulong na mga ekonomiya at may napaka matataas na mga Talatuntunan ng Kaunlarang Pantao. Sa kabilang dako, binigyang kahulugan ng Nagkakaisang mga Bansa ang Unang Mundo hinggil sa yaman ng Magaspang na Produktong Pambansa (ang Gross National Product o GNP) ng bansa. Ang kahulugan ng Unang Mundo ay hindi na ngayon gaanong konkreto o tiyak kaysa noong panahon ng Digmaang Malamig.
Ang dinamikang pangglobo sa pagitan ng Unang Mundo ng iba pang mga Mundo ay may katotohanang nahahati sa dalawa. Ang mga pakikipag-ugnayan sa Ikalawang Mundo ay may pagpapaligsahan, pang-ideolohiya, at may pagsasalungatan. Ang mga pakikipag-ugnayan sa Ikatlong Mundo ay karaniwang positibo ayon sa teoriya, habang ang ilan ay talagang negatibo ayon sa pagsasagawa (katulad ng pagkakaroon ng digmaan). Ang pangkasalukuyang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga Mundo ay hindi napaka mahigpit, bagaman mayroong pagkakaiba dahil sa ang Unang Mundo ay mas maimpluwensiya, mas may yaman, mas may kabatiran, at mas may pagsulong kaysa sa iba pang mga Mundo.
Ang globalisasyon ay isang kababalaghang nagkakaroon ng tumataas na kahalagahan, na malakihang ginatungan ng Unang Mundo at ng mga kaugnayan nito sa iba pang mga Mundo. Isang halimbawa ng globalisasyon sa loob ng Unang Mundo ay ang Unyong Europeo na nagdala ng malaking antas ng pagkakaisa at integrasyon sa rehiyon. Ang mga korporasyong multinasyunal ay nagbibigay din ng mga halimbawa ng epekto ng Unang Mundo sa globalisasyon, dahil nakapagdadala sila ng pagsasama-samang pang-ekonomiya, pampolitika, at panlipunan ng maraming mga bansa. Dahil sa pagbangon ng mga korporasyong multinasyunal, ang suliranin ng outsourcing (pangongontrata ng isang tungkuling pangnegosyo ng isang kompanya papunta sa ibang mga tao na hindi empleyado ng nasabing kompanya) ay lumitaw sa maraming mga bansang nasa Unang Mundo.
Mga sanggunian
Ang lathalaing ito na tungkol sa Politika ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.