Telegrapiya

Replika ng telegrapong Chappe sa Litermont malapit sa Nalbach, Alemanya

Ang telegrapiya ay ang malayuang pagpapadala ng mga mensahe kung saan gumagamit ang nagpadala ng mga simbolikong kodigo, na kilala ng tatanggap, sa halip na isang pisikal na pagpapalitan ng isang bagay na nagdadala ng mensahe. Kaya ang semaporong watawat ay isang paraan ng telegrapiya, samantalang hindi ang pagpapadala ng mensahe sa pamamagitan ng kalapati. Ang mga sinaunang sistema ng pagbibigay ng senyas, bagama't kung minsan ay napakalawak at sopistikado tulad ng sa Tsina, ay karaniwang hindi kayang magpadala ng mga arbitraryong mensaheng teksto. Naayos at paunang natukoy ang mga posibleng mensahe, kaya hindi totoong telegrapo ang mga ganitong sistema.

Ang pinakamaagang totoong telegrapo na ginamit nang malawakan ay ang telegrapong Chappe, isang telegrapong optikal na naimbento ni Claude Chappe noong huling bahagi ng ika-18 dantaon. Malawakang ginamit ang sistema sa Pransiya, at mga bansang Europeo na sinakop ng Pransya, sa panahong Napoleoniko. Nagsimulang palitan ng telegrapong elektriko ang telegrapong optikal noong kalagitnaan ng ika-19 na dantaon. Una itong kinuha ng Britanya sa anyong telegrapong Cooke at Wheatstone, na unang ginamit bilang isang tulong sa pagsesensyas sa daang-riles. Mabilis itong sinundan ng ibang sistema na binuo sa Estados Unidos ni Samuel Morse. Mabagal na umunlad ang telegrapong elektriko sa Pransiya dahil sa itinatag na ang sistemang telegrapong optikal, subalit isang telegrapong elektrikal ang ginamit sa isang kodigong katugma sa telegrapong optikal ni Chappe. Ang sistemang Morse ay pinagtibay bilang internasyonal na pamantayan noong 1865, gamit ang isang binagong kodigong Morse na binuo sa Alemanya noong 1848.[1]

Ang heliyograpo ay isang sistemang telegrapo na gumagamit ng pinatalbog na sikat ng araw para sa pagbibigay ng senyas. Pangunahing ginagamit ito sa mga lugar kung saan hindi pa naitatag ang telegrapong elektrikal at karaniwang ginagamit ang parehong kodigo. Ang pinakamalawak na network ng heliyograpo na itinatag ay sa Arizona at Bagong Mehiko, Estados Unidos noong panahon ng Digmaang Apache. Karaniwang kagamitang pangmilitar ang heliyograpo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang telegrapiyang walang kawad o wireless na binuo noong unang bahagi ng ika-20 dantaon ay naging mahalaga para sa paggamit sa dagat, at naging katunggali sa telegrapiyang pang-elektriko gamit ang mga kableng telegrapong submarino sa mga internasyonal na komunikasyon.

Ang mga telegrama ay naging isang tanyag na paraan ng pagpapadala ng mga mensahe nang bumagsak nang sapat ang mga presyo ng telegrapo. Sapat na naging mataas ang trapiko upang mag-udyok sa pagbuo ng mga sistemang awtomatiko—mga teleprinter at pagpapadala ng punched tape (binutas na teyp). Humantong ang mga sistemang ito sa mga bagong kodigong telegrapo, simula sa kodigong Baudot. Gayunpaman, hindi kailanman nagawang makipagkumpitensya ng mga telegrama sa presyo ng koreo ng sulat, at ang kumpetisyon sa telepono, na nag-alis ng kanilang kalamangan sa bilis, at nagtulak sa telegrapo sa paghina nito mula 1920 pataas. Naungusan ang ilang natitirang mga aplikasyon ng telegrapo ng mga alternatibo sa internet sa pagtatapos ng ika-20 dantaon.

Terminolohiya

Ang salitang telegrapo (mula sa Sinaunang Griyego: τῆλε [têle] 'sa malayo' at γράφειν [gráphein] 'magsulat') ay likha ng imbentor na Pranses ng telegrapong semaporo na si Claude Chappe, na siya ring lumikha ng salitang semaporo.[2]

Ang telegrapo ay isang aparato para sa pagpapadala at pagtanggap ng mga mensahe sa malalayong distansya, ibig sabihin, para sa telegrapiya. Karawniang tumutukoy ang salitang telegrapo sa isang de-kuryenteng telegrapo. Ang telegrapiyang walang kawad ay pagpapadala ng mga mensahe sa radyo na may mga kodigong telegrapiko.

Telegrapong Cooke at Wheatstone na may limang karayon, anim na kawad (1837)

Mga implikasyon panlipunan

Pinalaya ng telegrapong elektriko ang komunikasyon mula sa mga hadlang sa oras ng koreo at binago ang pandaigdigang ekonomiya at lipunan.[3][4] Sa pagtatapos ng ika-19 na dantaon, naging mas karaniwang midyum ng komunikasyon ang telegrapo para sa mga ordinaryong tao. Inihiwalay ng telegrapo ang mensahe (impormasyon) mula sa pisikal na paggalaw ng mga bagay o proseso.[5]

Ang telegrapong optikal ay mabilis na nakalimutan sa sandaling nawala ito sa serbisyo. Habang nasa operasyon ito, pamilyar na pamilyar dito ang publiko sa buong Europa. Lumilitaw ang mga halimbawa sa maraming mga pinta noong panahong iyon. Kasama sa mga tula nakatuon sa telegrapo ang "Le Telégraphe" ni Victor Hugo, at ang koleksyong Telegrafen: Optisk kalender för 1858 ni Elias Sehistedt.[6] Sa mga nobela, ang telegrapo ay isang pangunahing bahagi sa Lucien Leuwen ni Stendhal, at nagtatampok ito sa The Count of Monte Cristo, ni Alexandre Dumas.[7]:vii–ix  Ang opera ni Joseph Chudy noong 1796, ang Der Telegraph oder die Fernschreibmaschine, ay isinulat upang isapubliko ang telegrapo ni Chudy (isang kodigong binaryo na may limang lampara) nang maging malinaw na kinuha ang disenyo ni Chappe.[7]:42–43

Tingnan din

Mga sanggunian

  1. "History and technology of Morse Code". EDinformatics (sa wikang Ingles).
  2. Shectman, Jonathan (2003). Groundbreaking Scientific Experiments, Inventions, and Discoveries of the 18th Century (sa wikang Ingles). Bloomsbury Academic. p. 172. ISBN 9780313320156.
  3. Downey, Gregory J. (2002) Telegraph Messenger Boys: Labor, Technology, and Geography, 1850–1950, Routledge, New York and London, p. 7 (sa Ingles)
  4. Economic History Encyclopedia (2010) "History of the U.S. Telegraph Industry", "EH.Net Encyclopedia: History of the U.S. Telegraph Industry". Inarkibo mula sa orihinal noong 2006-05-02. Nakuha noong 2005-12-14. (sa Ingles)
  5. Carey, James (1989). Communication as Culture, Routledge, New York and London, p. 210 (sa Ingles)
  6. Sehlstedt, Elias, Telegrafen: Optisk Kalender för 1858 (), Tryckt Hos Joh Beckman, 1857. ISBN 9171201823. (sa Ingles)
  7. 7.0 7.1 Gerard J. Holzmann; Björn Pehrson, The Early History of Data Networks, IEEE Computer Society Press, 1995 ISBN 0818667826. (sa Ingles)