Ang Straits Settlements (Malay: Negeri-negeri Selat, نݢري٢ سلت; Tsino: 叻嶼呷) ay dating pangkat ng mga teritoryo ng Britanya na matatagpuan sa Timog-silangang Asya. Unang itinatag noong 1826 bilang bahagi ng mga teritoryong pinangangasiwaan ng British East India Company, direktang pinangasiwaan ng Britanya ang Straits Settlements bilang crown colony noong 1 Abril 1867. Binuwag ang kolonya noong 1946, bilang bahagi ng reorganisasyon ng mga teritoryo ng Britanya sa Timog-silangang Asya matapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Binubuo ng apat na kolonya ang Straits Settlements — Malacca, Dinding, Penang (kilala rin bilang Prince of Wales Island) at Singapore (kasama ang Christmas Island) at ang Cocos Islands. Ang pulo ng Labuan, sa baybayin ng Borneo ay isinanib sa kolonya simula noong 1 Enero 1907 at naging hiwalay na kolonyang nakapaloob dito noong 1912. Karamihan sa teritoryo nito ay bahagi na ng Malaysia, kung saan nagbuhat ang kalayaan ng Singapore noong 1965, habang ang Christmas Island at Cocos Islands naman ay inilipat sa pangangasiwa ng Australia.