Ang selibato (Ingles: celibacy; mula sa Latin na caelibatus), tinatawag din bilang pagkasoltero o pagkasoltera, ay ang isang katayuan ng pagiging hindi nagpapakasal o hindi nag-aasawa, at kung gayon ay nagsasagawa ng abstinensiyang seksuwal, pangingiling pangpagtatalik, o pareho, na karaniwang may kaugnayan sa gampanin ng isang opisyal na panrelihiyon o deboto.[1] Sa makitid na kahulugan nito, ang kataga ay ginagamit lamang sa mga tao na ang kalagayan ng hindi pagpapakasal o hindi pag-aasawa ay isang resulta ng isang banal na taimtim na panata o pangako, kilos ng pagtalikod, o panrelihiyong pananalig o paniniwala.[1][2] Sa isang mas malawak na kahulugan, karaniwang inuunawa ito na abstinensya mula sa seksuwal na aktibidad.[1][2][3][4][5] Umiiral ang selibato sa isa o iba pang uri sa kahabaan ng kasaysayan at sa halos lahat ng pangunahing mga relihiyon sa mundo,[6] at iba't iba ang pananaw tungkol dito.
Hinihikayat sa kalinangan ng klasikong Hindu ang asetisismo at selibato sa kalaunang yugto ng buhay, pagkatapos na natamo ng isang indibiduwal ang mga obligasyon sa lipunan. Sa isang banda, ipinapangaral ng Jainismo ang kumpletong selibato kahit sa mga batang monghe at tinuturing ang selibato bilang isang mahalagang gawi para matamo ang moksha. Pareho ang Budismo sa Jainismo sa aspetong ito. Bagaman, may mahalagang pagkakaibang pangkultura sa iba't ibang lugar kung saan kumalat ang Budismo, na nakaapekto sa lokal na saloobin tungo sa selibato. Isang medyo parehong situwasyon na mayroon sa Hapon, kung saan sinasalungat ng tradisyong Shinto ang selibato. Sa karamihan ng tradisyong relihiyoso sa katutubong Aprikano at Katutubong Amerikano, negatibong tinitingnan din ang selibato, bagaman may mga eksepsyon tulad ng peryodikong selibato na sinasagawa ng ilang mandirigmang Mesoamerikano.[7]
Tinitingnan ng mga Roma ang selibato bilang isang pagkaligaw at nagsabatas ng mga parusang pananalapi laban dito, na may eksepsyon sa mga Birheng Bestal, na kinuha ang 30-taon na panata ng kalinisang-puri upang pag-ukulan ang kanilang sarili sa pag-aaral ng tamang pagtalima ng mga rituwal ng estado.
Sa Kristiyanismo, nangangahulugan ang selibato bilang ang pangako na mamuhay ng pagiging birhen o selibato sa hinaharap. Naging karaniwan ang ganoong "panata ng selibato" sa ilang dantaon para sa mga paring Katoliko, at mongheng Silanganing Ortodokso, at madre. Karagdagan dito, maaring mangyari din ang isang pangako ng panata ng selibato sa Komunyong Anglikano at ilang pamayanan o Simbahang Protestante— tulad ng mga Shaker–, para sa kasapi ng ordeng relihiyoso at kongregasyong relihiyoso; para sa mga ermitanyo, birheng konsegrado, at diyakonesa.
Tinuligsa ng Judaismo at Islam ang selibato, yayamang binibigyan-diin ng parehong relihiyon ang kasal at buhay pamilya.[8][9] Bagaman, ang mga paring Esenios, isang sektang Hudyo noong panahong Ikalawang Templo, isanasagawa ang selibato. Ipinahiwatig ng ilang hadith na tinuligsa ni propeta Muhammad ang selibato.