Sebrang bisiro

Ang sebrang bisiro o zony (soni), kung tawagin sa Ingles, ay isang anak ng isang lalaking sebra at isang babaeng bisiro (Ingles: pony). Mas ninanais ang mga hindi gaanong kalakihang mga bisiro upang makapaglalang ng mga masasakyang mga sebrang bisiro o "soni", subalit may mga sebrang naiparis na sa mga mas maliliit pang mga lahi ng mga bisiro katulad ng Shetland na nagkaroon ng mga kinalabasang tinatawag na mga "Zetland". Isa itong sebroyd o sebroid (mula sa Ingles na zebroid): isang salitang tumutukoy sa anumang haybrid o mestisong kabayong may ninunong sebra.[1] Nilarawan ito sa babasahing Guardian Unlimited bilang "maaaring isa itong zorse (sebrang kabayo) marahil, isang fony o maaring isang shebra o isang zetland. Anuman ang pangalan nito, ang pagdating ng pambihirang hayop ay itinuring na isang biyayang padala ng Diyos."[1]

Inihalo ni Cossar Ewart, isang propesor ng Likas na Kasaysayan sa Edinburgh (1882-1927) at isang masinop na henetisista, ang isang lalaking sebra sa mga babaeng bisiro upang masiyasat ang panukalang telegoniya, o "bakas ng ama". Naantig ang kaniyang nakahumalingang ito ng tanyag na mga mestiso o haybrid na sebra/kabayong ipinaglahi ni Panginoong Morton noong 1815 mula sa isang "kastanyo" na ika-7/8 Arabeng babaeng kabayo at isang lalaking quagga.

Sa "Pinagmulan ng mga Uri" (1859) isinulat ni Charles Darwin na "Sa bantog na mestiso (haybrid) ni Panginoong Morton mula sa isang babaeng "kastanyo" at lalaking quagga, ang mestiso o haybrid, at maging ang purong anak na naging produkto mula sa babae sa pamamagitan ng isang itim na lalaking Arabe, ay mas may payak na pagiging guhitan sa mga hita kaysa sa mga purong quagga."[2]

Habang nagaganap ang Digmaang Timog Aprikano, inihalo ng mga Boer ang sebra ni Chapman sa isang bisiro, upang makalikha ng isang hayop na para sa gawain ng pagdadala, pangunahin na ang pagbubuhat ng mga baril. Isang halimbawa nito ang nahuli ng mga puwersang Britaniko at ihinarap kay Haring Edward VII ni Panginoong Kitchener, at nakunan ng litrato ni W. S. Berridge.[3]

May katulad na mga pagsubok na isinagawa sa Estados Unidos sa pamamagitan ng pagtatalik ng isang babaeng kabayo sa isang sebrang lalaki. Naiulat ang mga eksperimentong ito sa Genetics in Relation to Agriculture (Henetiko Kaugnay ng Agrikultura) nina E. B. Babcock at R. E. Clausen. Naiulat din ang mga ito sa The Science of Life (Ang Agham ng Buhay) ni H. G. Wells, J. Huxley at G. P. Wells (c. 1929).

Sanggunian

  1. 1.0 1.1 "Crisis-hit farm welcomes its gift forse". Guardian Unlimited. Hunyo 27, 2001. it could be a zorse perhaps, a fony or maybe a shebra or a zetland. Whatever its name, the arrival of the strange beast has been hailed as a godsend
  2. Salin mula sa Ingles na "In Lord Morton's famous hybrid from a chestnut mare and male quagga, the hybrid, and even the pure offspring subsequently produced from the mare by a black Arabian sire, were much more plainly barred across the legs than is even the pure quagga."
  3. Wonders of Animal Life, pinatnugutan ni J A Hammerton (1930)

Mga kawing panlabas