Ang "Salamat, Kaibigan"[1] ay isang pribelehiyong talumpati ni Ramon "Bong" Revilla, Jr. sa Senado ng Pilipinas noong Hunyo 9, 2014, bilang tugon sa mga kasong isinampa ng Sandiganbayan laban sa kaniya dahil sa pagiging sangkot diumano sa Pork barrel scam. Isa ito sa mga dalawang pribelehiyong talumpati na ginawa ni Revilla ukol sa nasabing scam, kung saan siya nagbigay ng unang talumpati noong Enero 2014. Sa kaniyang talumpati, sinubukan ni Revilla na maisaayos ang kanilang gusot ni Pangulong Benigno Aquino III at ang mga kaniyang kaalyado, at kaniyang ginigiit na mayroon silang magkaparehong interes para sa ikabubuti ng Pilipinas, at mayroong mga mas mahahalagang mga isyu na kailangang tutukan, at wala siyang kinalaman sa nasabing scam.[2]
Bagaman giniit ni Revilla na ang kaniyang talumpati ay para sa masa,[3] karamihan sa mga naging reaksiyon sa kaniyang talumpati ay negatibo, lalu na sa social media, kung saan ang tugon ng mga netizen ay "nakakalibang, nakakagalit at hindi-kapanipaniwala".[4] Maya-maya ay humingi siya ng paumanhin sa mga taong nakaramdanm ng pagkasuklam sa kaniya ukol sa kaniyang labis na pagganap, partikular na sa awit na kaniyang pinatugtog sa katapusan ng kaniyang talumpati, na sinabi niya na ang kantang ito ay para sa kaniyang mga tagasuporta, at naunawaan niya ang mga reaksiyong lumabas sa internet.[5]