Ang reuma,[1]rayuma[1][2] o artritis[1] (Kastila: Artritis, Ingles: rheumatism) ay isang uri ng karamdaman. Katangian ng sakit na ito ang pagkakaroon ng mga pamamaga sa mga kasu-kasuan na nagiging sanhi ng kawalan ng kakayahang maiunat o maibaluktot at paninigas ng bahaging ito ng katawan ng tao. Bagama't maraming uri ng artritis, karaniwang tinatawag lamang ng mga matatanda ang anumang pamamagang ganito bilang rayuma. Kabilang sa mga klase ng artritis ang mga sumusunod: septikong artritis (septic arthritis), rayumatoid artritis (reyumatoid artritis o reumatoid artritis, rheumatoid arthritis), tuberkulosong artritis (tuberculous arthritis) at hipertropikong artritis (o haypertropikong artritis, hypertrophic arthritis).[2] Tinatawag na rayumatiko o reumatiko ang isang lalaking may-rayuma; samantalang rayumatika o reumatika naman ang babaeng may-artritis o may-reuma.[1]Rayumatolohiya o reumatolohiya ang tawag sa larangang nagsasagawa ng pag-aaral at panggagamot ng mga rayuma. Rayumatologo o rayumatolohista ang taguri sa mga duktor na tumitingin at gumagamot ng mga taong may rayuma. Lalala
Terminolohiya
Sa larangan ng medisina, may pagkakaiba ang mga kapangalanang rayuma at artritis. Bagaman tila magkasingkahulugan ang salitang rayuma at artritis, partikular na tumukoy ang artritis sa mga pamamaga at pagkasira ng mismong mga kasu-kasuan,[3] o isang katayuan o kalagayan kapag namamaga ang lahat ng mga lamuymoy o tisyu ng isang kasu-kasuan. Maaaring maging sanhi ng pagkakaroon ng artritis ang gawt, rayumatismo, tuberkulosis, isang kapinsalaan sa katawan o bahagi ng katawan, at iba pang mga tagapagdulot nito.[4]
Samantalang isang malawak na kapangalanan o katawagan ang rayuma, na tinatawag ding kapansanang rayumatiko (kilala sa Ingles bilang rheumatic disorder), sa mga malawakang o di-mapantukoy (hindi-espesipiko) na suliraning pangkalusugan at gamutang nakakaapekto hindi lamang sa mga kasu-kasuan, kundi pati na rin sa puso, buto, bato, balat, at baga. Bilang sangay ng agham ng panggagamot, tinatawag na rayumatolohiya ang pag-aaral at pagbibigay lunas sa ganitong mga kapansanan.[3]