Ang Prinsa ng Tatlong Bangin (Inggles: Three Gorges Dam) na matatagpuan sa Ilog Yangtze sa probinsiya ng Hubei sa bansang Tsina ay ang pinakamalaking dam na hydroelectric sa mundo simula ng taong 2012.[1][2] Ito ay nasa ibaba ng agos ng Tatlong Bangin, ang Qutangxia, Wuxia, at Xilingxia.[2][3] Ginagamit ng prinsa ang daloy ng tubig mula sa mga bangin na ito upang paikutin ang mga turbina at makalikha ng kuryente.[3]
Kasaysayan
Nagsimulang itayo ang Prinsa ng Tatlong Bangin noon 1994 at natapos noong 2006.[4] Dinisenyo ang prinsa upang makagawa ng elektrisidad, mapaamo ang pinakamahabang ilog ng Tsina na Ilog Yangtze, maiwasan ang pagbaha, at protektahan ang mga tao mula sa mga nakakamamatay na baha.[4] Nagkakahala ito ng 200 bilyong yuan o 28.6 bilyon dolyar. Kinailangang paalisin ang mahigit sa isang milyong tao sa tabi ng Ilog Yangzte upang maitayo ang Prinsa ng Tatlong Bangin.[4]
Ganap na napatakbo ang Prinsa ng Tatlong Bangin noong 2012 noong ganap na gumana ang kasama nitong plantang hydropower.[2]
May taas na humigit-kumulang sa 594 talampakan o 181 metro ang Prinsa ng Tatlong Bangin at ito ay may habang humigit-kumulang sa 7,770 talampakan o 2,335 metro. Nililikha ng dam ang reservoir na may ibabaw na lugar (Inggles: surface area) na humigit kumulang sa 400 milya kwadrado o 1,045 kilometro kuwadrado.[1]
Kapasidad
Pinananatili ang antas ng tubig sa Prinsa ng Tatlong Bangin sa pinakamataas na lebel na 175 metro o 574 talampakan tuwing Oktubre hanggang Mayo na panahon ng tagtuyot. Ginagawa ito upang i-optimize ang paglikha ng kuryente ng plantang hydropower. Unti-unting ibinababa ang lebel sa 145 metro o 475 talampakan bago dumating ang pag-ulan sa Hunyo upang mabigyan ng puwang ang papasok na tubig-baha. Lumilikha ng 22 bilyong metro kubiko na espasyo sa prinsa ang ginagawang pagbaba ng lebel.[4]
Paglikha ng kuryente
Ang kasamang planta na hydropower ng Prisa ng Tatlong Bangin ay nakagagawa ng 22,500 megawatts na kuryente.[1][4]